Si Kasamang Yeng, 18 taong gulang, ay isang bagong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Isa siya sa magagandang bagay na umusbong mula sa malawak na salantang iniwan ng bagyong Yolanda.
Dating working student si Kasamang Yeng at nasa ikalawang taon sa hayskul. Nasa bahay siya noon ng kanyang amo nang humagupit ang Yolanda. Bagamat wala siya sa Tacloban City, di naglao’y umabot sa kanila ang mga balita tungkol sa pagkasawi ng libu-libo at ang malawakang pagkawasak ng mga bahay, gusali at imprastruktura dulot ng matinding pagbaha. Nakita ni Ka Yeng ang labis na pagkabalisa ng mga tao dahil sa malungkot na balita mula sa Tacloban.
Unti-unting namulat si Ka Yeng sa lawak ng pinsala ng bagyo at sa labis na paghihirap ng mga tao sa harap ng kawalan o lubhang mabagal na ayuda ng rehimeng Aquino. “Makupad talaga,” ani Ka Yeng.
Paglao’y lalo pang lumawak ang pagtanaw ni Ka Yeng. Nakasama siya sa mga rali ng mga biktima ng bagyo sa Tacloban City. Dito’y nakita at narinig niya ang hinaing ng mga tao at ang kahilingan nila para sa pagkain at bahay na matitirhan. “Nadama ko ang kanilang pangangailangan at naawa ako sa mga biktima. Kaya nagdesisyon akong tumulong sa kanila,” aniya.
Ang desisyon ni Ka Yeng na tumulong sa mamamayang biktima ng bagyong Yolanda ay desisyon na sumapi sa BHB. Kilala ni Ka Yeng ang BHB bilang hukbo na naglilingkod sa interes ng mamamayan. Ang kanyang ama ay martir ng BHB na nasawi noong siya’y apat na taong gulang pa lamang. Nang sumapit ang kanyang ika-18 kaarawan noong Mayo, tumindig si Ka Yeng bilang bagong sibol na Pulang mandirigma.
Si Ka Yeng at iba pang mga kasama ay mapapanood sa bidyo na ilalabas ng Sine Proletaryo bilang paggunita sa unang taon ng bagyong Yolanda.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist
Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central
Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis
of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is
published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141107/ka-yeng-bagong-usbong-na-pulang-mandirigma
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.