Monday, December 23, 2013

CPP/NDF: Papanagutin ang rehimeng US-Aquino sa sunud-sunod na dagok sa mamamayan

Posted to the CPP Website (Dec 23): Papanagutin ang rehimeng US-Aquino sa sunud-sunod na dagok sa mamamayan [Hold the US-Aquino regime (accountable for) successive shocks (inflicted on) the people]


Logo.ndfp

Patnubay De Guia
Spokesperson
NDFP Southern Tagalog Chapter

Mariing kinukundina ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) ang sunod-sunod na pagpataw ng pagtaas ng bayarin sa kuryente, pamasahe sa MRT-LRT at LPG. Di pa man nakakabangon ang sambayanan mula sa guho ng nagdaang kalamidad, panibagong delubyo ang hatid ng reaksyunaryong gubyerno ni Aquino sa sunud-sunod na pagtaas ng bayarin sa kuryente, LPG at pamasahe sa MRT at LRT.

[The National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) strongly condemns the consecutive imposition of increases in electricity bills, MRT-LRT fares and LPG. As the people are recovering from the ruins of the recent disaster, (they must suffer) another deluge brought about by the reactionary Aquino government that successively increased electricity bills, the LPG ​​and MRT and LRT fares.]

Inutil ang reaksyunaryong gubyerno na ibsan ang mga suliranin ng mamamayan. Bagkus, ngayong panahon ng kapaskuhan, mga dagdag na pasanin ang regalo ng rehimeng US-Aquino II sa taumbayan.

Pinakamataas sa kasaysayan ang dagdag-singil sa kuryente na P4.15 bawat kilowatt hour (kWh) simula sa buwan ng Disyembre. Idinadahilan pa ng Meralco na hindi maiiwasan ang mga pagtaas dahil mas mahal ang gagamiting panggatong ng mga plantang pinagkukunan nila ng kuryente dulot ng sabay-sabay umanong pansamantalang pagsasara o maintenance shutdown ng mga planta ng Malampaya natural gas.

Sa harap ng mainit na usapin, naging tagapagsalita ng Meralco ang Energy Regulatory Commission (ERC). Lubusang ipinagtatanggol ni ERC Commissioner Josefina Asirit at ng Malakanyan ang karapatan ng Meralco na magtaas ng generation cost kahit walang permiso mula sa ERC. Inaprubahan din ng ERC ang dagdag-singil sa kuryente ng Meralco na hinati-hati sa tatlong bayaran. Lubos na pahirap sa mamamayan ang dagdag-singil na P2.41 bawat kWh sa Disyembre 2013, P1.21 bawat kWh sa Pebrero 2014 at P0.53 bawat kWh sa Marso 2014. Kung nagkukonsumo ang isang pamilya ng 200 kWh may dagdag-singil ito na P482 sa kabuuang babayaran, P723 dagdag-singil para sa 300 kWh, at nasa P1,000 para sa 400 kWh.

Isang insulto sa kahirapan na nararanasan ng masang anakpawis ang kawalan ng mapagpasyang aksyon ng reaksyunaryong gubyerno. Sangkot mismo sa katiwalian ang ERC na ahensyang dapat sana’y nag-iimbestiga sa mga iregularidad at sabwatan ng malalaking kumpanya ng enerhiya. Katunayan, isa si ERC Chairman Zenaida Ducut sa mga kinasuhang upisyal na may direktang kaugnayan sa pork barrel scam.

Inutil ang Department of Energy (DOE) na pigilin ang pagsirit ng presyo ng LPG ngayong buwan ng Disyembre. Magbabayad ang mamamayan ng dagdag P14.30 bawat kilogram o P157 dagdag-singil sa bawat tangke. Kung susumahin, aabutin ng P900 ang bawat 11-kg tangke mula sa dating presyo na P680-P790. Sampal sa naghihikahos na mamamayan nang maliitin ni DOE Secretary Carlos Jericho Petilla ang mga pagtaas na ito. Sa halip na imbestigahan ang mga pagtaas kinatwiran ni Petilla na mas mataas pa nga ang presyo ng LPG noong Marso 2012 na umabot sa halos P1,000.

Labis na pahirap ito sa ordinayong mamamayan na naghihikahos na itawid ang kanilang pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Ibayong pagdurusa rin ang hatid nito sa mga biktima ng superbagyong Yolanda na magpahanggang sa ngayon ay di pa alam kung paano muling bubuuin ang kanilang buhay. Sa panahong hindi pa naghihilom ang sugat na iniwan ng superbagyong Yolanda sa mamamayang Pilipino, panibagong delubyo ang hatid ng kriminal na pagpapabaya at mulat na pakikipagsabwatan ng reaksyunaryong gubyerno sa kartel ng malalaking dayuhang kumpanya at lokal na naghaharing-uri.

Malaking dagok sa mamamayan ng Metro Manila ang pagtataas ng pamasahe sa MRT at LRT na ilan sa mga pangunahing pampublikong transportasyon. Minamadali ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang pormulang tinatawag nitong “11+1” kung saan sisingilin ang bawat pasahero ng P11 at dagdag na P1 sa bawat kilometro na lalakbayin. Sa pormulang ito ang pamasahe sa MRT-3 mula North Ave hanggang Taft Ave ay magiging P28 mula sa kasalukuyang P15. Magiging P30 ang dating P20 na pamasahe sa LRT-1 mula Roosevelt hanggang Baclaran at P25 mula P15 ang pamasahe sa LRT-2 mula Recto hanggang Santolan.

Hindi na kayang maghugas kamay pa ng reaksyunaryong gubyerno sa papel nito sa pagdurusa ng mamamayan. Nilalangaw na ang sumasadsad na popularidad ni Aquino dahil sa lantaran nitong pagsusulong ng antimamamayan at maka-imperyalistang polisiya na sagad na pahirap sa mamamayan. Ang mga pagtaas ng presyo at bayarin ng mga pangunahing produkto at serbisyo ay sistematikong nakapaloob sa mga programa ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na ipinapangalandakan ng rehimeng US-Aquino II. Hinuhulma ng reaksyunaryong gubyero ang ekonomya ng Pilipinas para itaguyod ang paghahari ng US. Tahasang ipinatutupad ni Aquino ang mga polisya at programa ng General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO), International Monetary Fund (IMF), at World Bank (WB), sukdulang mangahulugan ng kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.

Nananawagan ang NDF-ST na palawakin at palakasin ang paglaban ng mamamayan sa mapanupil, korap at sagadsaring tuta ng US na rehimeng Aquino. Walang malinis na intensyon ang rehimeng upang tulungan at iangat ang kalagayan ng masang anakpawis. Bagkus, nasa mismong kalikasan ng lipunan na itinataguyod ng rehimeng papet ang pagsangkalan sa interes ng mamamayan para sa makitid na pakinabang ng iilan. Ganap nang nahubad ang maskara ng rehimeng US-Aquino II na bulok, antimamamayan at antidemokratikong kalikasan. Walang aasahang tunay na pagbabago ang masa ng sambayanan sa isang lipunang nakagapos sa kumpas ng imperyalismong US kundi mas matinding pahirap at pasakit.

Lalo lamang pinahihinog ng lumalalang krisis panlipunan ang kundisyon sa pagsusulong ng rebolusyon. Walang ibang alternatiba ang sambayanan kundi magkaisang ibagsak ang lipunang malakolonyal at malapyudal na nagsadlak sa sambayanang Pilipino sa sumpa ng kahirapan. Ang demokratikong rebolusyong bayan lamang ang may kumprehensibo at progresibong patakarang panlipunan na magpapalaya sa buong bayan mula sa dominasyon sa ekonomya ng imperyalismong US, malaking kumprador at panginoong maylupa. Ito ang may programang tutubos at maghahatid ng kasaganaan at kaunlaran para sa lahat sa ilalim ng isang klima ng kapayapaan, kalayaan at katarungang panlipunan.

Dumadagundong sa buong kapuluan ang hinaing ng mamamayan para sa pagbabago. Lulubusin at hahawanin ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan ang dantaong kahilingan ng mamamayan para sa katarungang panlipunang—isang kaayusang magwawakas sa lahat ng uri makauring pagsasamantala at pang-aapi. At sa abo ng luma at lipas nang sistemang malakolonyal at malapyudal, itatayo ang isang malaya at progresibong bansang Pilipinas.


http://www.philippinerevolution.net/statements/20131223_papanagutin-ang-rehimeng-us-aquino-sa-sunud-sunod-na-dagok-sa-mamamayan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.