Sunday, July 16, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: US, nagpadala ng ipinagbabawal na cluster bombs sa Ukraine

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jul 16, 2023): US, nagpadala ng ipinagbabawal na cluster bombs sa Ukraine (US, sent prohibited cluster bombs to Ukraine)
 





July 16, 2023

Dumating na sa Ukraine noong Hulyo 13 ang ipinagbabawal na cluster bombs na naunang ipinangakong ibibigay ng US. Unang inanunsyo ang intensyon ng US na bigyan ang Ukraine ng gayong mga armas noong Hulyo 7, sa isang hakbang na taliwas sa unang mga pahayag ng presidente nitong si Joseph Biden. Ang mga cluster bomb ay ipinadala sa bansa dahil nauubusan na ng bala ang hukbo nito sa ginagawang “kontra-opensiba” sa gerang proxy ng US laban sa Russia. Bahagi ang mga ito ng panibagong pakete ng ayudang militar ng US para sa Ukraine na nagkakahalaga ng $800 milyon.

Noong Hulyo 10, hindi bababa sa 11 bansa ang nagpahayag ng pagkabahala sa desisyon ng US. Kabilang dito ang Laos at Cambodia, at mga bansa na nakapaloob sa NATO tulad ng Belgium, Canada, Germany, Italy, Norway, Spain, at the United Kingdom. Tutol din ang pinuno ng United Nations.

Sa Pilipinas, mariin itong kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas, gayundin ng mga demokratiko at maka-kapayapaang organisasyon sa bansa. Ang pagpapadala ng gayong mga armas ay magpapatagal at magpapaigting sa gerang proxy ng US laban sa Russia, sa kapinsalaan ng mga sibilyan.

Tulad ng inaasahan, tahimik sa usaping ito ng papet na Armed Forces of the Philippines. Kabalintunaan ito sa kanilang walang batayang pagrereklamo laban sa paggamit ng command-detonated explosive ng Bagong Hukbong Bayan, na hindi ipinagbabawal sa Anti-Personnel Mine Ban Convention o Ottawa Treaty dahil hindi ito indiscriminate o walang pinipili.

Sa kabilang banda, labag sa internasyunal na makataong batas ang paggamit ng mga cluster bomb dahil isa itong klase ng armas na indiscriminate at mapaminsala sa mga sibilyan. Ang isang cluster bomb ay bomba na naglalaman ng maraming mas maliliit na bomba o bomblet. Pinapakawalan ito mula sa lupa o eroplano at sumasabog sa ere at nagpapakawala ng puu-puo o daan-daang bomblet na bumabagsak sa malawak na erya.

Hindi lahat ng mga bomblet ay sumasabog at nababaon na sa lupa at nagiging land mine. Maari itong sumabog kapag naapakan ninuman. Ayon sa mga pag-aaral, hanggang 40% ng mga bomblet ang hindi kaagad sumasabog. Naranasan ito sa mga bansa kung saan ginamitan ng mga cluster bomb. Isa dito ang Laos, na binagsakan ng US ng mahigit 20 milyong tonelada ng cluster munitions noong dekada 1970 at kung saan 30% ng mga bomblet ang di agad sumabog. Tinatayang 20,000 sibilyan, kalahati ay mga bata, ang namatay o nasugatan sa nakabaong mga bomba nito mula 1975.

Dahil sa pinsalang dala nito sa mga sibilyan, mahigit 120 bansa ang pumirma sa isang kasunduan noong 2008 para ipagbawal ang produksyon at paggamit ng mga cluster bomb. Bukod sa China at Russia, hindi rin kabilang sa mga pumirma ang bansang US, na nananatiling pinakamalaking kapangyarihang militar na nagmamanupaktura at gumagamit ng gayong mga armas hanggang sa kasalukuyan.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/us-nagpadala-ng-ipinagbabawal-na-cluster-bombs-sa-ukraine/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.