Monday, June 19, 2023

CPP/NPA-Masbate: Tinatapos ng rehimeng US-Marcos-Duterte ang unang taon sa termino sa malawakang pagpatay

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 17, 2023): Tinatapos ng rehimeng US-Marcos-Duterte ang unang taon sa termino sa malawakang pagpatay (The US-Marcos-Duterte regime is ending its first year in term with mass murder)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

June 17, 2023

Napaslang sa walang habas na pamamaril ng mga berdugo at teroristang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magsasakang si Carling Belan habang sugatan naman si Panoy Pepito nitong Hunyo 16, 2023 alas-3 ng hapon sa So. Manaybanay, Brgy. Calabad sa bayan ng Dimasalang. Dinakip at isinama rin ng militar ang tatlong kasamahan ng mga biktima na sina Wengweng Hagnaya, Damang Tumangan at Edlang Tumangan. Si Belan ang ika-14 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng US – Marcos – Duterte.

Sa Masbate, ang pagpatay sa mga magbubukid na Masbatenyo sa pamamagitan ng gutom at bala ang naging tatak ng unang taon ng rehimeng US-Marcos-Duterte sa kapangyarihan. Kinatangian ang kanyang unang taon sa prubinsya ng malawakang pang-aagaw ng lupa, pagsadsad ng kabuhayan at pagpapatuloy ng paghaharing militar.

Masahol, ang mga biktima ay mga kabataan. Ang napatay na si Belan ay 17 anyos, isang menor-de-edad.

Inaasahang magtatapos ang isang taon ni Marcos Jr. sa pamamagitan ng malawakang pagpatay na hudyat sa mas matinding panganib sa buhay at kabuhayan ng masang Masbatenyo. Sa katunayan, nagkukumahog ang AFP at PNP na madurog ang armadong pakikibaka sa prubinsya alinsunod sa ibinigay na palugit ng rehimeng US – Marcos-Duterte na isang taon sa kanilang nag-uulol na mga tauhan. Desperado itong nagpakana ng engkwentro sa Dimasalang upang palabasing “humihina o NPA – cleared” na ang naturang bayan.

Higit na kinamumuhian ng masang Masbatenyo ang mga berdugo at pasistang pwersa ng militar at ang terorista nitong amo na si Bongbong Marcos dahil sa paglulunsad nito ng maruming gera laban sa mga sibilyan. Gamit ang pananakot at dahas, pinipilit nitong isuko ng masang Masbatenyo ang kanilang pakikibaka para sa kabuhayan, lupa at buhay.

Naganap ang tangkang masaker habang ilinulunsad ng militar, pulis at Department of Local and Interior Government (DILG) ang kampanya para sa huwad na kaunlaran sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa nasabing bayan.

Hindi sagot sa malawakang kawalan ng lupang mabubungkal, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagbagsak ng kita, kawalan ng trabaho at hanapbuhay ang malawakang pang-aagaw ng lupa para sa proyektong ekoturismo, mina, pagrarantso at ang patuloy na militarisasyon sa prubinsya.
Ilinalantad nito ang kahungkagan at kawalan ng senseridad ng rehimeng US – Marcos Jr. sa pamamagitan ng serbisyo Caravan, Baranggayan at pag-aalok ng mga proyektong malayo naman sa bituka ng masang sadlak sa krisis at kahirapan.

Nananawagan ang pamprubinsyang kumand ng BHB sa masang Masbatenyo na paghandaan ang mas pinabagsik na kampanya ng pasismo at terorismo ng estado sa darating na mga buwan at taon. Kailangang patatagin ang mga samahan at organisasyong masa para sa muling pananalasa ng matinding militarisasyon. Maglunsad ng mga kampanyang anti-pyudal at anti-pasista at muling pasiglahin ang hayag na kilusang masa.

Walang anumang makakamit sa patuloy na pananahimik at pagkatakot! Kailangang lahatang-panig na kumilos!

Itambol ang mga paglabag ng AFP at PNP. At mahigpit na tutulan ang malawakang pang-aagaw ng lupa sa prubinsya. Patampukin ang mga kilos protesta at kalampagin ang mga lokal na upisyal sa Masbate sa kawalan ng aksyon upang mapanagot ang militar at pulis sa kanilang krimen.

Ilantad at pagbayarin ang pasistang AFP, PNP at mga mapaminsalang proyekto na dumadambong at nagkakait sa kabuhayan at lupa sa masang Masbatenyo. At ituon ang pinakamalakas na pagkilos sa walang humpay na pagdawit ni Bongbong Marcos Jr. sa Pilipinas sa banta ng pagsiklab ng gera sa pagitan ng imperyalistang US at China.

https://philippinerevolution.nu/statements/tinatapos-ng-rehimeng-us-marcos-duterte-ang-unang-taon-sa-termino-sa-malawakang-pagpatay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.