Monday, February 13, 2023

CPP/NPA-Masbate: Pagpupugay sa mga rebolusyonaryong martir ng Guiom at Eastern Capsay

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 13, 2023): Pagpupugay sa mga rebolusyonaryong martir ng Guiom at Eastern Capsay (Tribute to the revolutionary martyrs of Guiom and Eastern Capsay)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

February 13, 2023

Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng rebolusyonaryong kilusang Masbatenyo kina Rufino “Ka Caloy” Alva, Samuel “Ka Marjon” Nuynay, Reneboy “Ka Jun” Barzaga, Jerome “Ka Mike” Sabang at Atrocinio “Ka Rey” Aton na napaslang sa isang labanan sa Barangay Guiom, Cawayan, Masbate nito lamang ika-9 ng Pebrero. Sa pag-aalay ng buhay para sa mamamayang Masbatenyo at Pilipino, sila’y pinagpupugayan bilang mga huwarang bayani at tunay na anak ng Masbate at ng buong bayang Pilipinas. Ang kanilang pinakamataas na sakripisyo ay inspirasyon sa mga kapwa nila kasama at sa masang Masbatenyo upang magpunyagi sa buhay-at-kamatayang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Sila Ka Caloy at mga kasamahan ay pansamantalang huminto sa lugar upang dinggin ang mga hinaing at problema ng masa, laluna sa usapin ng lupa. Sa pagpatay sa kanila, pinatutunayan ng AFP-PNP-CAFGU ang kanilang katangian bilang Hukbo ng naghaharing-uring mapang-api at mapagsamantala.

Nais ding ipaabot ng rebolusyonaryong kilusang Masbatenyo ang pinakamataas na pagpupugay kay Eleazar “Ka Randy” Ontog, na namartir sa isang depensibang labanan sa Barangay Eastern Capsay, bayan ng Baleno noong Enero 8, 2023. Namatay siya sa edad na 49 anyos. Ipinagmamalaki siya laluna ng mga mamamayan ng islang Ticao, partikular sa bayan ng Monreal na kanyang tinubuan.

Ipinapaabot ng rebolusyonaryong kilusan ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya at kaanak ng mga namartir na kasama. Kaisa niyo kami sa pagtangis. Mapalad ang mga magulang, asawa, kapatid at anak ng mga kasamang ito. Itinulak ng kanilang walng kapantay na pagmamahal sa inyo ang kapasyahang maglingkod sa sambayanan bilang mga pultaym na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Dapat niyo silang ipagmalaki dahil namatay silang may kabuluhan at ambag sa pagbabago ng lipunan. Tinitiyak ng rebolusyonaryong kilusan na hindi kailanman mawawala ang kanilang halaga sa inyong buhay.

Nananawagan din ang Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan Masbate sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma laluna rito sa ating prubinsya na ibayong magpakatatag at tanawin ang galos na ito bilang reyalidad ng ating makatarungang digma. Hindi madali at masalimuot ang tiyak na landas sa tagumpay. Ituon natin ang ating pagdadalamhati at galit sa pagpapatibay ng ating kapasyahang lumaban at sumulong. Marami pang labang susuungin at pagtatagumpayan.

Kinukundena rin ng Jose Rapsing Command – BHB Masbate ang pagdakip ng 2nd Infantry Battalion sa mga sibilyang malamang ay nadatnan at dinampot. Tahasang linalapastangan ng AFP-PNP-CAFGU ang mga makataong batas ng digma. Peke at mukha ng desperasyon ang mga pinalalabas na balita ng kaaway tungkol sa bilang ng NPA na kanilang nakalaban at napatay.

Tiyak na gugulong ang hustisya. Panata ng Jose Rapsing Command – BHB Masbate na lalong magpunyagi sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ang pagkabuwal ng mga rebolusyonaryong martir ay dugong pupunla sa katiyakan ng isang Pulang kinabukasan para sa masang Masbatenyo at buong sambayanang Pilipino.#

https://philippinerevolution.nu/statements/pagpupugay-sa-mga-rebolusyonaryong-martir-ng-guiom-at-eastern-capsay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.