Friday, February 17, 2023

CPP/NDF-KAGUMA: Ang pagburiki ng mga burukrata-kapitalista sa DepEd bilang mikrokosmo ng kabulukan ng semi-kolonyal na lipunan at burukrata kapitalistang gubyerno

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 17, 2023): Ang pagburiki ng mga burukrata-kapitalista sa DepEd bilang mikrokosmo ng kabulukan ng semi-kolonyal na lipunan at burukrata kapitalistang gubyerno (The bureaucrat-capitalist slander of DepEd as a microcosm of the decay of semi-colonial society and bureaucrat capitalist government)
 


Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma)
National Democratic Front of the Philippines

February 17, 2023

Mariing kinokondena ng mga kasapi ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) ang talamak at laganap na katiwalian sa loob ng Kagawaran ng Edukasyon, partikular na ang pagbili ng mga labis-labis na halaga na mga laptop at entry-level na mga digital single-lens reflex (DSLR, Canon EOS 1500D) camera. Kasuklam-suklam ang ganitong katiwalian sa panahon mismo ng pandemya kung saan ang ating mga kapwa guro ay naghihirap para maitaguyod ang kanilang mga klase gamit ang kanilang sariling bulsa. Ang katiwalian ng DepEd ay sumasalamin sa kabulukan ng sistemang semi-kolonyal sa ating bayan na pinangungunahan ng mga papet na burukrata-kaitalistang sumasaklob sa pamamalakad ng ahensya.

Ayon mismo sa 197 na pahina na ulat ng Senate Blue Ribbon Committee, sa halagang ₱2.4B, ang DepEd ay nakabili lamang ng 39,583 laptops, na mas kaunti sa 68,500 sana na mabibili sa presyong ₱35,046.50 bawat yunit. Dahil ginawang negosyo ng mga pulitiko ang pag-upo sa poder, bumili ang DepEd ng laptop sa halagang ₱58,300 kada yunit. Ang masaklap pa rito, naipamigay pa ang mga laptop kahit sa mga indibidwal na hindi nagtuturo. Mayroong halos 900,000 pampublikong guro sa batayang antas ngunit ang nabili lamang ng kagawaran ay ni wala pa sa kalingkingan ng bilang ng mga guro. Bukod sa kulang na kulang ang mga ito ay napakabagal pa ng mga ito na tila hindi na magamit ng mga gurong nakakuha.

Kamakailan lamang kumalat din sa social media ang balitang bumili ang DepEd ng overpriced entry-level Canon EOS 1500D camera sa halagang PHP 155,929 noong nakaraang taon (mas mataas ng apat na beses kaysa sa SRP=PHP 33,998). Ang panggagantsong ito sa DepEd ay pagkakataon na naman para sa mga burukrata sa ahensya, kasabwat ang mga manunubang kumprador na gatasan ang ahensya kahit pa sa panahon ng krisis pang-ekonomiya. Matagal nang manhid ang mga burukrata sa loob ng DepEd at wala nang pakialam sa kahirapan ng mga guro at estudyante. Naging manhid at ganid ang mga burukratang sangkot sa scam na ito dahil sila ay lumalangoy lamang sa tubig kanal ng burukrata-kapitalismo.

Kung talamak ang katiwalian sa gobyerno, bakit mananatiling matapat ang mga burukrata-kapitalista sa DepEd? Sino nga ba naman ang matatakot sa parusa kung ang Pharmally na bumili ng labis-labis sa presyo na mga medical supplies ay hindi naparusahan? Paano ba magkakaroon ng simpatya ang mga burukrata sa loob ng DepEd sa mga kapwa nating guro, na marami ang namatay at nagkasakit sa pagod at hapo sa panahon ng pandemya, kung ang mismong rehimen ay nagburiki rin sa DOH kasabwat ang Pharmally. Paano hindi lalakas ang loob ng mga burukrata sa loob ng DepEd na magburiki sa kaban ng bayan kung ang pamahalaan mismo ay ginagatasan din naman ang mga mamamayan? Malalakas ang loob ng mga manunuba sa loob ng DepEd dahil may padrino sila sa gobyerno na siyang tagapagtanggol ng mga buwaya sa loob ng tatlong sangay ng pamahalaan!

Nakakagalit na habang kuba at nanlalabo na ang mga guro para makapagturo gamit ang mga mababagal na laptop, mga laptop at mga gadget na inutang, kasama na ang mahal na bayad sa internet connection, ang mga burukrata sa loob ng DepEd ay abala sa pagbuburiki ng kaban ng bayan.

Hindi mawawakasan ng pagparusa sa mga linta at parasito sa loob ng DepEd ang kalakarang ito. Ang pagbabago sa batas ng procurement at paglusaw sa PS-DBM ay hindi magsasawata ng katiwalian sa loob ng ahensya. Talamak ang katiwalian sa DepEd at pamahalaan dahil tinuruan tayo ng mga imperyalista at mananakop na ituring na negosyo at pribilehiyo ang posisyon sa gobyerno. Ang posisyon sa gobyerno ay regalo ng mga nanalong burukrata kapitalista sa eleksyon sa kanilang mga maamo at masunuring buwaya. Sinasalamin nito ang sinabi ni Marcos, Jr. na kaya sila nagsikap na makabalik sa politika ay dahil sa kanilang “family survival’. Ganito talaga ang motibo at layunin ng mga politikong pumapasok sa gobyerno. Hindi nila layunin ang magsilbi sa mamamayan, bagkus ang gusto nila ay yumaman, panatilihin ang sarili at pamilya sa kapangyarihan, at biyayaan ang kanilang mga tagasunod na mga buwaya. At ang pamilyang Marcos na siguro ang pinakasagadsagaring manunuba sa kasaysayan ng ating bayan. Kasabwat ang mga kawatang pamilya nina Duterte at Arroyo, tuloy-tuloy ang panggagatas nila sa ating mamamayan naghihikahos.

Hangga’t may burukrata kapitalismo sa ating bayan, habang namamayagpag ang pyudal na relasyon sa ating bayan, at habang ang mga burukrata kapitalista ay nakikipagsabwatan sa mga dayuhang mamumuhunan at mga malalaking burgesya kumprador, mananatiling talamak ang katiwalian, hindi lamang sa DepEd, ngunit sa lahat ng ahensya at sangay ng pamahalaan.

Kaya ang hamon sa ating mga kasapi ng KAGUMA ay magsikap at magpunyagi upang pukawin ang ating mga kapwa guro at mamamayan upang ibagsak ang bulok na sistemang ito. Sa harap ng malawak na katiwalian, ang ating mga mamamayan ay handa nang lumaban. Dapat natin silang edukahin na hindi sasapat ang reporma lamang upang mabaklas ang putik ng korapsyon na kumukulapot sa DepEd at ating bayan! Tanging ang demokratikong rebolusyong bayan ang tabak na magtatagpas at hahawan sa ating maputik at masukal na daan upang matamo ang isang pambansa demokratikong lipunan. Hangga’t ganito ang sistema ng ating lipunan ay hindi natin makakamit ang pambansa, siyentipiko at makamasang edukasyon. Lumabas tayo sa ating mga paaralan at edukahin hindi lamang ang mga kabataan kundi ang mga masa upang maipaunawa sa kanila ang pangangailangan na baguhin ang lipunan. Kasama ang masa, tayo ay magtatagumpay!

IBAGSAK ANG IMPERYALISMO!

IBAGSAK ANG BURUKRATA-KAPITALISMO!

IBAGSAK ANG PYUDALISMO!

WAKASAN KOMERSYALISADO, KOLONYAL AT REPRESIBONG EDUKASYON!

ISULONG ANG PAMBANSA, SIYENTIPIKO AT MAKAMASANG EDUKASYON!

ISULONG ANG DEMOKRATIKO REBOLUSYONG BAYAN!

IBAGSAK ANG REHIMENG US-MARCOS II!

https://philippinerevolution.nu/statements/ang-pagburiki-ng-mga-burukrata-kapitalista-sa-deped-bilang-mikrokosmo-ng-kabulukan-ng-semi-kolonyal-na-lipunan-at-burukrata-kapitalistang-gubyerno/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.