Friday, February 17, 2023

CPP/NDF-Bicol: Paliit nang paliit ang tunay na halaga ng sahod

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 17, 2023): Paliit nang paliit ang tunay na halaga ng sahod (The real value of wages is shrinking)
 

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ma. Roja Banua
Spokesperson
NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines

February 17, 2023

Labis na nakapagngangalit ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang patuloy na nakapako sa napakababang halaga ng kanilang sahod. Ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa ay wala pa sa kalahati ng halaga ng tunay na nakabubuhay na sahod. Ang mas masakit pa, lalong lumiliit ang tunay na halaga ng kanilang sahod dahil sa pagsirit ng tantos ng implasyon.

Sadya namang pinababayaan ng kontra-manggagawang rehimeng US-Marcos Jr. na manatiling ganito ang kalagayan. Pabor ito para sa pagtutulak ng paglaki ng balon ng pinaglalawayang murang paggawa ng kanyang mga among kapitalista at naghaharing-uri. Dahil sa krisis sa empleyo at kawalan ng disenteng trabaho, kahit pa halos limos na lamang ang sweldo ng mga manggagawa ay napipilitan silang pumayag na lamang sa hindi makataong pagpapasweldo at kalagayan kaysa ganap na mawalan ng hanapbuhay.

Ngunit punung-puno na ang salop ng mga manggagawang Pilipino. Sa Bikol at sa iba pang sulok ng bansa, mabilis na lumalaganap at sumisidhi ang pagtatakwil at paglaban ng mga manggagawa sa mala-aliping kalagayang umiiral sa kasalukuyan. Pinagpupursigihan nilang maisulong ang kanilang mga demokratikong interes sa iba’t ibang pamamaraan at daluyan. Inoorganisa nila ang kanilang hanay at nagtatayo ng mga unyon at samahang makapagbabandera ng kanilang mga kahingian at panawagan.

Ang lumalawak na pagbubuklod at lumalakas na paglaban ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan ay nagpapataas din sa pampulitikang kamulatan ng buong sambayanan at nagpapaigting sa kanilang kapasyahang lumaban. Nananawagan ang NDF-Bikol sa mga manggagawang Bikolano na lumahok at makibahagi sa kilusang manggagawa at isanib ang kanilang lakas sa natitipong nagkakaisang pwersa ng malawak na hanay ng mamamayan. Sa kanilang paninindigan para sa kanilang interes, makakaasa silang lagi’t laging nasa likod nila ang rebolusyonaryong kilusan. Bilang tunay na Partido at organisasyon ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan, makakaasa nilang kasama nila sa kanilang bawat hakbang pasulong ang CPP-NPA-NDF sa buong kapuluan.

https://philippinerevolution.nu/statements/paliit-nang-paliit-ang-tunay-na-halaga-ng-sahod/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.