Sa loob ng apat na taong implementasyon ng Memorandum Order No. 32 ng reaksyunaryong gubyerno, naitala ng National Democratic Front (NDF)-Bicol ang hindi bababa sa 150 biktima ng pagpaslang ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa masang Bicolano. Ngangangahulugan ito na halos kada linggo ay isang Bikolano ang pinaslang ng mga elemento ng AFP-PNP.
Pinirmahan ni dating Pres. Rodrigo Duterte ang Memorandum Order No. 32 noong Nobyembre 22, 2018 na nagpailalim sa buong rehiyong Bicol, Negros at Eastern Visayas sa kontrol ng militar. Nagbuhos ng karagdagang pwersang militar at pulis sa naturang mga lugar para supilin ang demokratikong pakikibaka ng mamamayan at armadong rebolusyong inululunsad ng hukbong bayan. Isinabay din ang naturang memorandum sa noo’y umiiral na batas militar sa Mindanao.
Ayon kay Ka Maria Roja Banua ng NDF-Bicol, “dahil sa mga patakarang tulad ng MO 32, ibayong sumahol ang kalagayan ng karapatang-tao sa Kabikulan.”
Naging laganap sa rehiyon ang mga kaso ng “pekeng engkwentro” kung saan pinapatay ng mga sundalo ng AFP ang mga sibilyang magsasaka at palalabasing kasapi ng BHB. Mayroon ding mga kaso ng “nanlaban kaya napatay” habang di umano’y naghahain sila ng mga mandamyento de aresto laban sa mga aktibsita at sibilyang populasyon.
Sukdulan ang naging paglabag ng pwersa ng estado maging sa internasyunal na makataong batas kung saan pinatay nito ang hindi bababa sa 7 mga hors de combat at non-combatant na kasapi ng rebolusyonaryong kilusan.
Ngunit ayon kay Magbanua, nagkakamali ang mga pasista kung inaakala nilang ito ang maghahatid sa kanila sa tagumpay. Giit niya, “itinulak lamang nila ang pagluwal ng mas maraming rebolusyonaryo…”
Ayon sa kanya, kitang-kita ng masa paano walang awang pinagbobobomba ang kanilang mga komunidad, pinagpapatay ang kanilang mga kamag-anak, pinalalayas ang kanilang mga pamilya kaya’t lalong nagiging malinaw sa kanila ang makatarungang paglaban dito ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa pag-igting ng mga atake ng estado sa sambayanan, lalong umaalingasaw ang kabulukan nito at ibayong nauudyukan ang nakararami na maghanap ng masasandigang depensa. At ang pinakamalakas na sandata upang maipagtanggol ang kanilang buhay, karapatan at kabuhayan ay natagpuan nila sa pakikidigma.
Paliwanag pa ng NDF-Bicol, “sa araw-araw na pagiging saksi sa epekto ng MO 32 sa buhay ng kanilang kapwa maralita, ibayong napapaypayan ang lagablab ng diwa ng pakikidigma sa puso ng bawat isang Pulang mandirigma at kumander sa buong Bikol.”
Dahil umano sa patuloy na pag-iral ng pasistang panunupil sa ilalim ng bagong rehimeng Marcos Jr at Memorandum Order No. 32, higit umanong nagiging matingkad ang katotohanang ang demokratikong rebolusyong bayan ay imposibleng magapi o mawakasan.
“Dadaloy at dadaloy ito sa puso ng bawat isa hanggat mayroong pang-aapi at pagsasamantala,” pagtatapos ng pahayag ng grupo.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/isang-bikolano-kada-linggo-pinatay-ng-militar-ndf-bicol/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.