Ibinaling ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang galit nito sa isang magsasakang residente ng Sityo Pacquiao, Barangay Jagna-an, San Jacinto, Ticao Island, Masbate matapos ang kabiguan sa isang engkwentro sa hukbong bayan. Pinaslang ng mga sundalo si Rene Bartolata Garzon noong Nobyembre 13.
Naganap ang engkwentro ng AFP at yunit ng Bagong Hukbong Bayan noong Nobyembre 8, alas-6 ng umaga sa Sityo Tukip sa parehong barangay. Ayon sa BHB-Masbate, hindi bababa sa apat ang kaswalti sa hanay ng mga sundalo.
Ayon pa sa yunit, madalas tinatarget ng mga sundalo ang mga sibilyan at iniipit tuwing naglulunsad ang mga ito ng operasyong kombat. Labag sa internasyunal na makataong batas at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) ang sadyang pagtarget sa mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.
“Sa kabiguang masukol ang NPA at tuluyang madurog ang armadong paglaban sa prubinsya, ibinaling at pinuntirya ng maruming gera ng AFP at PNP ang mga sibilyan,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng komand ng BHB sa prubinsya.
Samantala, sa araw ding iyon, natagpuan ang walang-buhay na bangkay ni Gilbert Julie Abunales Goylan sa Sityo Madalamo, sa hangganan ng Barangay Palobandera at Barangay Del Carmen, Uson.
Ayon sa ulat, dinukot si Goylan ng mga armadong maton ni Barangay Adriel “Boyet” Besana, ahente ng militar, mula sa kanyang bahay sa Barangay Mahayahay, Cawayan noong Nobyembre 11. Bago ito, inabangan ng armadong grupo ni Besana ang negosyante ng hayop na si Ruel Riveral Mahusay galing sa Barangay Del Carmen, Uson pauwi sa Barangay Tuburan, Cawayan. Hinold-up at pinaslang ng mga salarin ang nasabing negosyante.
Hindi bababa sa 10 ang bilang ng mga naitatalang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Sa harap ng pasistang paninibasib sa prubinsya, nanawagan ang BHB sa masang Masbatenyo na magkaisa, sama-sama at lahatang-panig na kumilos para ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan at buhay.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/magsasaka-sa-masbate-binalingan-ng-galit-ng-mga-sundalo/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.