Sunday, November 27, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Motorcade at iba pang aktibidad para sa dagdag-sahod, inilunsad

Posted to Ang Bayan Daily News & Analysis (Nov 27, 2022): Motorcade at iba pang aktibidad para sa dagdag-sahod, inilunsad (Motorcade and other extra-wage activities, launched)





November 27, 2022

Naglunsad kanina ng motorcade at maiiksing programa sa dinaanang mga palengke mula Monumento hanggang Quezon City ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno para manghikayat sa publiko na makiisa sa panawagan para sa dagdag-sahod at pagpapababa ng mga presyo ng bilihin. Bahagi ito ng mga aktibidad bago ang pagkilos sa Nobyembre 30, na tinawag nilang Araw ng Masang Anakpawis, kasabay sa Araw ni Andres Bonifacio. Pinangunahan ang motorcade ng ADLO-KMU.

“Pare-pareho tayo ng hirap na dinaranas kaya kinakailangan ding sama-sama tayong kumilos!” panawagan nila. “Hindi natin kailangang magtiis, nararapat lamang na tayo’y lumaban!”

Sa umaga, namigay ng mga polyeto at nagpapirma ng petisyon sa Pureza St, malapit sa Polytechnic University of the Philippines. Pinangunahan ito ng Samahang Janitorial sa PUP sa ilalim ng NAFLU-KMU.

Noong Nobyembre 26, nagpahayag ng suporta sa panawagan ang mga manggagawa sa pier mula sa Samahang Manggagawa sa Philippine Span Asia Carrier Corp (SMPSACC-NAFLU-KMU). Bago nito, nagkaisa ang mga manggagawa sa ilalim ng Fujiweld Workers Union (FWU-NAFLU-KMU) na dadalo sila sa gagawing protesta sa Nobyembre 30. Pinagtibay ang kaisahang ito sa kanilang General Assembly na isinagawa noong Nobyembre 25. Makakasama nila ang mga kontraktwal na manggagawa sa kanilang kumpanya. Nakiisa at nangako ring lalahok sa mga pagkilos ang United Workers of Hi-Grade Feeds.

Samantala, isinumite noong Nobyembre 24 ng mga drayber ng Grab sa Iloilo ang kanilang papeles sa upisina ng Department of Labor and Employment sa syudad para pormal na irehistro ang kanilang unyon. Nagkaisa ang 200 tagadeliber na drayber ng Grab sa syudad na itayo ang Iloilo Grab Riders Union o IGRU para igiit ang nakabubuhay na sahod, sapat na benepisyo, kaligtasan sa trabaho at makatarungang representasyon sa kumpanya. Ito ang pinakaunang independyenteng unyon sa hanay ng mga delivery rider sa bansa.

Naglunsad ang mga drayber ng unity ride sa araw na iyon tungo sa upisina ng DOLE.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/motorcade-at-iba-pang-aktibidad-para-sa-dagdag-sahod-inilunsad/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.