Sunday, July 31, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Kampanyang ML50, inilunsad

Ang Bayan Daily News & Analysis propaganda articles posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 22, 2022): Kampanyang ML50, inilunsad (ML50 campaign, launched)



Inilunsad ng mga biktima ng batas militar, beterano at bagong aktibista, kasama ang mga demokratikong organisasyon, ang kampanyang ML50 bilang paggunita sa ika-50 taon ng madidilim na araw ng batas militar sa ilalim ng diktadurang US-Marcos I. Panawagan nila ang ipagtanggol sa katotohanan at kasaysayan, gayundin ang patuloy na igiit ng hustisya para sa mga biktima sa ilalim ng paghahari ng anak ng diktador na hindi kailanman kumilala sa mga krimen at pang-aabuso ng kanyang ama.

Nagtipon sila sa Quezon City Sports Club noong Hulyo 21.

Ayon sa mga organisador, sisimulan ng kampanya ang malaganap na kilusang impormasyon, edukasyon at pangkultura tungo sa pagbubuo ng isang pambansang network ng mga grupo at indibidwal para labanan at ituwid ang lahat ng pambabaluktot at rebisyon sa kasaysayan.

Kabilang sa mga nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa ilalim ng diktadura at nakiisa sa kampanya sina Judy Taguiwalo, Sr. Mary John Mananzan, Atty. Neri Colmenares at mga dating senador na sina Kiko Pangilinan, at Leila de Lima.

“Hindi kailanman naging “golden era” ang panahon ng mga Marcos,” anila. “Lubhang mahalaga at kagyat na mahubaran ito ng maskara at maitampok ang masasakit na aral sa harap ng nagpapatuloy na disimpormasyon at pambabaluktot sa kasaysayan na may basbas ng gubyerno.”

Nagbahagi rin ng kanyang karanasan ang batikang direktor na si Joel Lamangan na nangakong gagawa ng pelikula para tapatan ang pambabaluktot ng mga Marcos sa pelikulang “Maid in Malacanang.”

“Pelikulang katarantaduhan,” ang tawag niya sa pelikulang gawa ni Darryl Yap na nagsasalaysay sa huling 72 oras ng pamilya Marcos mula sa “mata ng mga Marcos” bago sila tumalilis patungong Hawaii. “Lahat ng nasa sining, dulaan, at pelikula, dapat magsilbi sa interes ng ating mamamayan. Huwag tayo sumali sa nagtatakip sa katotohanan,” panawagan niya sa mga alagad ng sining.

Ayon naman kay Taguiwalo, kailangang pangunahan ng kabataan ang laban. “Nirarayuma na kami at marami na kaming sakit,” aniya. “Ipagpatuloy ninyo ang laban.”

Habang isinasagawa ang pagtitipon, dinagsa ng mga pulis ang tarangkahan ng Quezon City Sports Club sa tangkang sindakin ang mga aktibista. Lumabas ang mga nagtipon para kumprontahin ang mga pulis.

https://cpp.ph/angbayan/kampanyang-ml50-inilunsad/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.