Sunday, July 31, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mga grupong pangkalikasan, residente, tutol sa planong pambobomba ng AFP sa Northern Negros

Ang Bayan Daily News & Analysis propaganda articles posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 22, 2022): Mga grupong pangkalikasan, residente, tutol sa planong pambobomba ng AFP sa Northern Negros (Environmental groups, residents, oppose the AFP bombing plan in Northern Negros)



Tutol ang mga grupong pangkalikasan at residente ng bayan ng Calatrava sa planong pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bahagi ng Mandalagan Mountain Range sa Barangay Minapasuk, Calatrava, Negros Occidental. Sa isang panayam sa midya, kinumpirma ng 303rd IBde noong Hulyo 21 na plano nitong magsagawa ng aerial bombing sa naturang lugar.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Enivornment, ang Northern Negros Natural Park na bahagi ang Mandalagan Mountain Range, ay isang protektadong erya at tirahan ng ilampung endangered species ng mga hayop at halaman. Ito rin ang pinagkukunan ng malinis na tubig ng maraming bayan sa hilagang Negros Occidental.

“Ang plano ng militar na bombahin ang lugar ay hindi lang banta sa buhay ng mamamayang naninirahan sa erya…, kundi lubhang makasisira sa kalikasan,” ayon sa grupo.

Iniulat ng mga residente na sapilitan silang pinalilikas sa mga komunidad para sa planong pambobomba. Kabilang sa mga sapiltang pinalikas ng mga sundalo ang mga residente ng mga sityo ng Tinibiangan, Ekogan, Nabaisan, Calanugan, Victory at Yamingon. Plano ng militar na ideklarang “no man’s land” ang erya. Dahil dito, hindi mapakali sa takot ang mga sibilyan at residente.

Pinalalabas ng AFP na ang kampanyang militar ay bahagi ng kanilang “pagtugis” sa diumano’y nakaengkwentrong yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa barangay noong huling linggo ng Hunyo. Walang kaabog-abog pang idineklara ni Brigadier General Innocencio Pasaporte ng 303rd IBde na “gagamitin ng isang kumander ang kahit anong rekursong mayroon para maisakatuparan ang misyon.”

Kaugnay nito, nanawagan ang BHB sa mamamayan ng Barangay Minapasuk, mga lokal na upisyal nito, at mamamayan ng Negros na manindigan laban sa planong nakasisindak at mapanirang pambobomba.

Simula 2017, sa udyok ng US, ginagamit ng AFP ang pambobomba mula sa ere laban sa BHB. Hindi bababa sa 591 bomba ang ibinagsak nito para patamaan ang BHB pero mas mababa sa 18.44% lamang nito ang tumama sa mga kampo ng NPA. Ang mga ginagamit na bomba at eroplano ay pawang mula sa mga kumpanyang Amerikano.

Samantala binigyan-diin naman ni Ka Juanito Magbanua, tagapagsalita ng BHB sa isla ng Negros, na dagdag pasakit ang pasistang paninibasib sa mamamayang Negrosanon sa panahon ng Tiempo Muerto (patay na panahon sa pagtatanim) na nararanasan sa isla.

Ayon kay Magbanua, nagdudulot ito ng lubhang kagutuman, kawalan ng trabaho at paghihirap, at ang gubyerno ay may “kapal pa ng mukha na lustayin ang milyun-milyong pondo ng bayan sa walang-saysay na pambobomba.”

https://cpp.ph/angbayan/mga-grupong-pangkalikasan-residente-tutol-sa-planong-pambobomba-ng-afp-sa-northern-negros/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.