Sunday, July 31, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mag-ina at isa pang sibilyan, minasaker ng 62nd IB sa Negros Oriental

Ang Bayan Daily News & Analysis propaganda articles posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 27, 2022): Mag-ina at isa pang sibilyan, minasaker ng 62nd IB sa Negros Oriental (Mother and another civilian, massacred by the 62nd IB in Negros Oriental)



Walang-awa at walang kalaban-labang pinaslang ng mga elemento ng 62nd IB ang tatlong sibilyan sa Sityo Banderahan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental ala-5 ng umaga kahapon, Hulyo 26.

Pinatay ng mga sundalo si Christina Jacolbe, kasama ang kanyang anak na si Everly Kee Jacolbe, 16 taong gulang. Pinatay din ng mga sundalo ang kasama nilang si Rodan Montero.

Ang nakatatandang Jacolbe ay isang dating daycare worker sa Sityo Natuling, Barangay Budlasan, Canlaon City ngunit napilitang umalis sa kanyang trabaho dahil tinutugis at pinag-iinitan ng militar at pulis. Pinaratangan siyang kasapi o tagasuporta ng armadong rebolusyonaryong kilusan.

Taliwas sa pinakakalat ng 62nd IB, inilinaw ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na hindi mga Pulang mandirigma ang pinaslang at walang naganap na engkwentro sa naturang lugar.

Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, tinaniman lamang ng baril ang mga biktima para palabasin na nanlaban sila. “Ninakaw din ng mga tropa ng militar ang mga personal na gamit at pera ng mga biktima,” dagdag pa niya.

Sa ulat ng mga sundalo ng 62nd IB, pinalalabas nitong napaslang sa Barangay Budlasan ang tatlo at umano’y kasama ng “sampung armadong elemento” na nakipagpalitan ng putok sa mga sundalo.

Tulad ng nakagawian ng 62nd IB, pinalabas pa nitong nakasamsam ng isang KG9, dalawang kalibre .45 pistola, isang kalibre .38 revolver, shotgun at iba pang mga kagamitan.

Sinagot ito ni Ka JB Regalado at sinabing, “Walang katotohanan ang sinasabing may naganap ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng 62nd IB at NPA.”

Pinuri pa ni Brig. Gen. Inocencio Pasaporte, kumander ng 303rd IBde, ang masaker bilang “tagumpay” ng 62nd IB at kumander nitong si Lt. Col. William Pesase.

Samantala, iniulat din ng BHB na nagpapatuloy pa rin ang mga operasyong kombat ng militar sa kabundukang sakop ng Guihulngan City, Canlaon City, Vallehermoso at bayan ng Magallon sa kasalukuyan.

https://cpp.ph/angbayan/mag-ina-at-isa-pang-sibilyan-minasaker-ng-62nd-ib-sa-negros-oriental/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.