Monday, April 4, 2022

CPP/Southern Tagalog Regional Committee: Duterte, walang kaparis na bentador ng pambansang patrimonya at lubos na nangangayupapa sa among imperyalista

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Apr 1, 2022): Duterte, walang kaparis na bentador ng pambansang patrimonya at lubos na nangangayupapa sa among imperyalista (Duterte, an unparalleled seller of the national patrimony and utterly submissive to the imperialist master)



COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL COMMITTEE

April 1, 2022

Katawa-tawa ang pinakabagong pahayag ni Duterte na hindi na raw siya pipirma sa mga bagong appointments at hindi na rin siya mag-aapruba ng mga malalaking proyekto. Tama ngang hindi na dahil nitong nakaraang mga linggo ay nagawa na niya ito. Naipuwesto na niya ang dapat maipuwesto at napirmahan na niya ang mga inihabol na mga batas at amyenda.

Habang abala ang lahat sa mga aktibidad kaugnay ng paparating na eleksyon sa Mayo 9, nagkakandarapa naman at iniratsada na ni Duterte ang mabilisang pagpirma sa mga batas na lalong naghahain ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhan. Tiyak na ibayong maglulubog ito sa sambayanang Pilipino sa matinding kahirapan kapalit ng aanihing mga papuri mula sa kanyang among imperyalistang US at China at monopolyo kapitalismo.

Lansakang pagtalikod at pagtataksil sa bayan ang pinirmahan at inilusot ni Duterte nitong Marso 21 na amyenda sa Public Service Act o ang 85-taon nang Commonwealth Act No. 146. Pinapayagan at niluwagan ng amyendang ito ang mga dating restriksyon sa mga dayuhan na magmay-ari ng mga negosyo sa piling industriya tulad ng telekomunikasyon, airlines at ferrokaril. Buong pagmamalaki pang inihayag ni Duterte ang mananatiling mga restriksyon sa public utility vehicles, tubig, kuryente, petroleum pipelines at mga daungan samantalang ang mga ito ay matagal na ring naipribatisa at isinubasta ng reaksyunaryong gubyerno sa mga malalaking burgesyang kumprador at dayuhang pamumuhunan. Sunud-sunuran at tiklop-tuhod ang rehimeng Duterte sa pagpapatupad ng mga neoliberal na mga patakaran sa ekonomiya sa kapahamakan ng mamamayang Pilipino.

Gasgas na gasgas na ang mga pagdadahilan ni Duterte na sa pamamagitan ng mga amyendang ito ay aakit ang bansa ng mas marami pang dayuhang mamumuhunan, madadagdagan ang kita/buwis para sa gubyerno, mamomodernisa ang ilang sektor sa serbisyong publiko at mapapaunlad pa ang paghahatid ng mahahalagang mga serbisyo sa mamamayan. Isang malaking kasinungalingan ito kung susuriin ang marumi, inutil at pabayang rekord ng rehimeng Duterte sa nakaraang anim na taon. Ang anumang madadagdag na kita ng gubyerno sa mga transaksyong ito ay tiyak na mapupunta lamang sa bulsa ni Duterte at mga kroni niya.



Mabilis pumirma si Duterte sa ganitong mga batas na higit pang papabor hindi lamang sa among imperyalista kundi maging sa mga kakutsabang mga kroni at burukratang kapitalista. Galante siya sa kanyang amo, mga kroni at kaibigan ngunit wala namang kasingkunat sa mamamayan. Hinding-hindi niya gagawin ang kinakailangang amyenda sa mga batas na makakapagpaluwag sa mahirap na kalagayan ng mamamayan tulad ng pagbabasura ng Oil Deregulation Law at pagsuspinde ng excise tax sa petrolyo na siyang mahigpit na ipinananawagan ng sambayanang Pilipino sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomiya dahil sa sumisirit na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo tulad ng kuryente at tubig. Hindi rin maisabatas ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at pagbabasura sa kontraktwalisasyon. Lalong hindi masuspinde ang Rice Import Liberalization Law (RILL) na pinagpapasasaan ng mga importer, rice millers at traders. Pakonswelo de bobo ang diumano’y pagtataas ni Duterte ng ayuda sa mga mahirap na pamilya mula sa inilimos na P200 kada bwan tungong P500 kada buwan.

Ito rin ang palasak na idinahilan ni Duterte sa pagpirma sa Foreign Investment Act o RA 11647 nitong nagdaang Disyembre 10, 2021 bilang amyenda sa RA 8762 o Retail Trade Liberalization Act of 2000 na nagpapababa pa ng rekisitong puhunan para sa mga dayuhang empresa sa pagtitingi at iba pang layunin. Mula sa dating P119.67M o $2.5M ay binabaan sa P25M puhunan lamang ang kailangan ng mga dayuhang negosyong magtitingi kung papasok sa Pilipinas para daw makatulong sa muling pagbuhay ng ekonomiya.

Niratsada din ni Duterte ang pagtatanggal ng suspensyon sa open-pit mining at ang suspensyon ng pag-apruba ng mga bagong aplikasyon ng mga mina sa todong implementasyon ng anti-mamamayan at makadayuhang Philippine Mining Act of 1995. Nagbibigay ito ng lubos na karapatan sa mga dayuhan na dambungin ang mga likas na yaman ng bansa.

Sa natitirang halos tatlong buwan ni Duterte sa kapangyarihan, dapat maging mapagbantay ang sambayanang Pilipino sa kataksilan ng pasista, korap, tirano at bentador na pangulo. Bantayan kung ano pa ang susunod na ibebenta ni Duterte, kanino ito ibebenta at ano ang kapalit nito? Tiyak na para lamang iligtas ang kanyang sarili ay kulang na lang ibenta niya ang kanyang kaluluwa sa mga hudas at demonyo sa daigidig!



Dapat ilantad at kundenahin ang pagbebenta ni Duterte sa pambansang patrimonya. Sa darating na Abril 8 ay nakatakda na namang mag-usap sina Duterte at isa pang amo niyang si Xi Jinping ng China. Gagawin ito sa gitna ng idinaraos na pinakamalaking Balikatan Exercises sa Gitna at Hilagang Luzon sa pagitan ng mga tropang Amerikano at ng Pilipinas. Tiyak na latagan na ito ng mga baraha ng parehong lider — upang tiyakin ang mga kasunduang kapaki-pakinabang sa interes ng China at ni Duterte at ang pangingialam nito sa darating na eleksyon. Subalit dayain man ni Duterte at ng imperyalismo sa likod niya ang magiging resulta ng eleksyon upang iluklok ang Marcos-Duterte sa poder, tiyak na sasalubungin ito ng pagdaluyong ng protesta ng taumbayan upang singilin sila sa patung-patong nilang mga kasalanan na wala nang katubusan.

Sa pag-igting ng panlipunang ligalig sa larangan ng ekonomya, pulitika at militar hindi lamang sa ating bansa kundi hanggang sa buong daigdig, higit na tumitingkad ang katumpakan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang aspirasyon sa Pilipinas. Sa pamamagitan lamang ng pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon mapapalaya ang bayan sa kuko ng imperyalismo, makakamit ang hustisyang panlipunan sa nakararaming mamamayang Pilipino. Sa dulo maitatayo ang demokratikong gubyernong bayan at maipatutupad ang mga pagbabagong tunay na mag-aangat ng buhay-ekonomya, pulitika at panlipunan ng mamamayang Pilipino.###

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/04/01/duterte-walang-kaparis-na-bentador-ng-pambansang-patrimonya-at-lubos-na-nangangayupapa-sa-among-imperyalista/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.