Monday, April 4, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Tropang panlusob sa China, sinasanay ng US sa Pilipinas

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Apr 2, 2022): Tropang panlusob sa China, sinasanay ng US sa Pilipinas (US troops for China invasion, training in the Philippines)



Isang maliit na yunit ng US Marines na may tiyak na misyong magsanay para umatake sa China ang kabilang ngayon sa libu-libong sundalong Amerikano na kalahok sa pagsasanay sa gera na “Balikatan.”

Sa iniulat na 5,100 sundalong Amerikano na nasa bansa ngayon para sa naturang aktibidad, humigit-kumulang 90 sa kanila ay kabilang sa 3rd Marine Littoral Regiment (MLR) na binuo nito lamang Marso 3 sa US Marine Corps Base sa Hawaii, USA.

Sinabi ni Marine Corps assistant commandant Gen. Eric Smith na gagamitin ang naturang yunit para maglunsad ng expeditionary advance base operations (EABO) na “espesyalisado para harapin ang lumalaking banta ng China.”

Sa lenggwaheng militar ng US, ang EABO ay operasyong ng isang relatibong maliliit, lihim at makilos na yunit para sakupin ang isang teritoryo sa dagat man o sa lupa na abot ng armas ng kaaway. Magsisilbi ang mga itong abanteng pwersa para birahin ang paniktik at mga sandata ng kaaway at suportahan ang mas malaking operasyon. Pangunahin itong naaarmasan ng mga sistemang radar at misayl. Kabilang sa mga misyon ng EABO ang pagkontrol sa karagatan at littoral (o baybayin) at pagkaitan ang kaaway na makapag-opereyt sa mga iyon. Bahagi rin ng kanilang misyon ang pagtayo ng mga forward arming and refueling point, at pagsagawa ng rekonaysans, paniktik at pagtukoy sa mga target.

Habang nagaganap ang Balikatan, nag-oobserba naman ang Marine Corps War Fighting Laboratory upang magdisenyo ng mga teknika, taktika at pamamaraan para sa naturang yunit. Target na kumpletuhin ang 3rd MLR tungong 2,000-katao, na hahatiin sa mas maliliit na yunit na may tig-75-100 tauhan, dagdag pa ni Smith. Sasanayin rin umano sila sa mga susunod na ehersisyong Kamandag at Balikatan, bago magsimulang mag-operasyon sa 2023.

Ang kasalukuyang tropa ng 3rd MLR ay dating mga tauhan ng 3rd Marine Regiment, na pangunahing ginamit ng US sa mga digmang pananakop noong World War 1 at 2, at sa Vietnam, Afghanistan at Iraq.

Ang pakay ng 3rd MLR ay inilihim ng kumander ng yunit na si Col. Timothy Brady nang tanungin ng midya matapos ang pagsasanay sa nabanggit na mga misyon noong Marso 31, kabilang ang kunwang pagsakop sa baybayin ng Claveria, Cagayan. Ipinakita rin ng US Marines ang pagpapaputok ng kanilang High Mobility Artillery Rocket Systems sa Capas, Tarlac.

Bahagi ang bagong-buong yunit ng programa sa modernisasyon na Marine Corps’ Design 2030, bilang pag-angkop sa umuunlad na teknolohiya at kakayahang pangmilitar ng mga bansang karibal ng US. Mula 2014, napaulat na nagtayo ang China ng mga artipisyal na isla mula sa mga bahura at buhanginan sa South China Sea at pinuwestuhan ang mga ito ng mga radar, misayl at mga sistema ng armas, at mga paliparan ng mga jet fighter.

https://cppangbayan.wordpress.com/2022/04/02/tropang-panlusob-sa-china-sinasanay-ng-us-sa-pilipinas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.