Monday, April 4, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Kaso laban kay Doc Naty, ibinasura dahil sa walang tamang proseso

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Apr 2, 2022): Kaso laban kay Doc Naty, ibinasura dahil sa walang tamang proseso (Case against Doc Naty, dismissed for lack of due process)



Ibinasura noong Marso 30 ng Bayugan City Regional Trial Court ang gawa-gawang kaso ng kidnapping at illegal detention laban kay Dra. Natividad Castro, kilala bilang Doc Naty. Ayon kay Judge Fernando Fudalan Jr., walang batayan at sapat na ebidensya para ikulong si Castro. Dagdag pa niya, ipinagkait ng mga elemento ng estado ang karapatan ng doktor sa makatwirang proseso (right to due process).

“Isa itong malaking tagumpay,” ani Doc Naty kaugnay sa mabilis niyang paglaya. (Nanatili siya sa bilangguan sa loob ng 40 araw.) Sabay ng kanyang pasasalamat, nagpahayag siya ng pag-aalala sa iba pang mga bilanggong pulitikal sa Agusan del Sur na umaasa na makalalaya rin tulad niya.

“Marami tayong pwedeng itulong, at maibigay na suporta bilang mga duktor… sa mga bilangguan,” aniya. Isinalaysay niyang karamihan sa mga human rights worker sa rehiyon ng Caraga ay ilang taon nang nakakulong. “Napakaraming nangyayari sa Mindanao na nakadudurog ng puso.”

Ikinatuwa ng Karapatan ang desisyon ng korte na nagpalaya kay Doc Naty. Anito, ang pag-aresto kay Doc Naty ay umaalinsunod sa “padron ng pagkriminalisa sa mga paninindigan at trabaho ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao,” at kabilang sa mga ito ay ang pagkakait sa kanilang karapatan para sa tamang proseso alinsunod sa batas.

Ayon mismo sa desisyon ng korte, ipinagkait kay Doc Naty ang due process dahil hindi naihapag sa kanya ang isang subpoena “sa pamamagitan ng koreo sa tukoy niyang address sa Maynila” bago siya hinainan ng warrant of arrest. Hindi rin siya nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa isang preliminary investigation na ayon sa korte ay “paglabag sa sustantibong mga karapatan.” Ni hindi kay Doc Naty nakapangalan ang mandamyento de aresto na inihapag sa kanya. “Wala saanman sa mga dokumento ang patunay na ang inaakusahan ay sangkot sa isinagawang krimen,” ayon pa sa desisyon.

“Ang pagkakait sa mga indibidwal sa kanilang karapatan sa due process sa pamamagitan ng hindi paghahapag ng subpoena para sa mga kaso laban sa kanila — at sa gayon nagkakait sa kanila na ipagtanggol ang sarili laban sa mga kasong basura at malisyosong akusasyon — ay naging gawi na para pagmukhain silang mga kriminal sa madla,” ayon kay Tinay Palabay ng Karapatan.



Ang desisyon ay inilabas ni Judge Fernando Fudalan Jr. ng Bayugan City Regional Trial Court Branch 7, ang parehong huwes na naglabas ng arrest warrant laban sa 468 indibidwal kaugnay sa kasong kidnapping.

Si Dr. Castro ay inaresto sa bahay ng kanyang pamilya sa San Juan City noong Pebrero 18. Malaon na siyang biktima ng red-tagging dahil sa kanyang pagiging community doctor at pagtataguyod ng karapatang-tao sa Caraga.

Para sa grupong Kapatid, organisasyon ng bilanggong pulitikal, ang tagumpay na ito ay bunga ng walang kapagurang pagsisikap ng mga kamag-anak, kaibigan at kasamahan ni Castro para ipagtanggol siya, na umani ng iba’t ibang porma ng suporta laban sa litanya ng kasinungalingan ng NTF-Elcac.

Pinuna naman ng Free Legal Assistance Group (FLAG) ang paraan ng pag-aresto at pagbyahe sa doktor nang hindi ipinaalam sa kanyang kaanak o abogado. Anila, bagamat nagpupugay kami sa pagbabasura ng kaso laban kay Castro, nakababahala pa rin ang paraan ng PNP at AFP nang pag-dakip sa kanya mula sa kanilang tahanan at pagbyahe sa kanya nang walang abugado o suporta mula sa kanyang pamilya.

https://cppangbayan.wordpress.com/2022/04/02/kaso-laban-kay-doc-naty-ibinasura-dahil-sa-walang-tamang-proseso/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.