Monday, April 4, 2022

CPP/NDF-Southern Tagalog: Wakasan ang iwinawasiwas na impyunidad ni Usec Lorraine Badoy at ng NTF-ELCAC!

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Apr 1, 2022): Wakasan ang iwinawasiwas na impyunidad ni Usec Lorraine Badoy at ng NTF-ELCAC! (Put an end to the alleged impunity of Usec Lorraine Badoy and the NTF-ELCAC!)



PATNUBAY DE GUIA

SPOKESPERSON 

NDF-SOUTHERN TAGALOG

April 1, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino sa pagkondena kay Usec Lorraine Badoy at NTF-ELCAC sa panibago na namang serye ng paghahasik nito ng mga kasinungalingan at red-tagging laban sa mga progresibong organisasyon at lumalawak na hanay ng mamamayang Pilipino na lumalaban sa tiwali, palpak at tiranikong rehimeng Duterte.

Desperado na talaga ang talamakat sagad-sa-butong anti-komunista at reaksyunaryong si Lorraine Badoy at NTF-ELCAC na kahit ang mga katulad na berdugo, uhaw sa dugo at nakakulong na kriminal na si dating Major General Jovito Palaran ay garapalan nilang ginamit para lamang makapaghasik ng mga kasinungalingan, red-tagging at communist labelling sa mga progresibo, mga ligal na organisasyong masa at kritiko ng pasistang rehimeng US-Duterte.

Kasabwat ang Sunshine Media Network International (SMNI), na pag-aari ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy at ispiritwal na tagapayo ng tiranikong Presidente Duterte, dalawang oras nitong kinober sa ere noong Marso 30, 2022 ang panayam ni Badoy kay General Palparan sa nakakulong sa Muntinlupa Bilibid Prison. Layunin nitong patingkarin ang rekord at tagumpay diumano ni Palparan sa pagpapatupad ng programa sa “kontra-insurhensya” noong panahon ni presidente Gloria Macapagal Arroyo, pagmukhaing inosente ang berdugong si Palparan at palabasin na biktima lamang ito ng mga gawa-gawang kasong isinampa ng pamilya ng mga nawawalang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño katuwang ang mga progresibong organisasyon na madalas akusahan ng talamak na red-tagger na si Badoy bilang mga “ligal na prente” ng CPP-NPA-NDFP.

Kung matatandaan, ang berdugong si Major General Palparan ay nahatulan ng Malolos Regional Trial Court Branch 15 ng habambuhay na pagkakabilanggo sa salang kidnapping and serious illegal detention noong 2018 dahil sa pagkawala ng mga dating estudyante ng University of the Philippines Diliman na sina Cadapan at Empeño noong 2006. Matagal na nagtago sa batas si Gen. Palparan hanggang sa masakote ito at dumaan sa paglilitis.


Advertisements

REPORT THIS AD



Garapalan din ang pakikipagsabwatan ng mga matataas na opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) kina Badoy at NTF-ELCAC upang pahintulutan nitong kapanayamin si Palparan at malayang ikober ang panayam ng media network na SMNI. Ayon sa balita, walang pahintulot sa nangyaring panayam kay Palparan ang Department of Justice (DOJ) na may saklaw sa BuCor at mga korte kung saan may nakabinbin pang mga kaso ang berdugong General. Ayon naman sa National Union of People’s Lawyer (NUPL) na tumayong mga abugado ng mga pamilyang Cadapan at Empeño, patuloy na nagtatamasa si Palparan ng mga ispesyal na pribilehiyo sa bilangguan sa kabila ng paulit-ulit na pagpuna dito ng NUPL.

Ang SMNI ay bantog sa paghahasik ng mga kasinungalingan at mga pekeng pagbabalita. Kasabwat sila ng NTF-ELCAC sa red-tagging at pagkakalat ng isteryang anti-komunista. Si Pastor Quiboloy ang nagmamay-ari ng SMNI na wanted at nahaharap sa patung-patong na mga kasong kriminal sa Estados Unidos tulad ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, conspiracy and bulk cash smuggling. Madalas batikusin ang SMNI ng kapwa nila na nasa midya dahil sa hindi pagsunod nito sa wastong mga etika at pamantayan bilang institusyon sa pamamahayag.

Dahil ang SMNI ay pag-aari ng ispiritwal na tagapayo ni Duterte, nagtatamasa din ito ng impyunidad sa pagkakalat ng mga kasinungalingan at pekeng balita at nagsisilbing pangunahing media outlet ng NTF-ELCAC sa paghahasik ng lason sa kaisipan ng masa. Ang SMNI ay para sa kandidatura ng tambalang BBM-Sara dahil sa hayagang pag-eendorso sa dalawa ni Pastor Quiboloy. Ginagamit itong platform sa paninira at pag-atake sa mga karibal ni BBM sa pagkapresidente partikular kay Robredo.

Malinaw ang tinatamasang impyunidad ni Badoy at NTF-ELCAC dahil malaya nilang nagagawa ang gusto nila nang walang kinakatakutang mga umiiral na batas. Malalakas ang loob ni Badoy at ng NTF-ELCAC dahil sa tinatamasa nitong suporta mula sa numero unong red-tagger na si Duterte. Sa katunayan, ang walang patumanggang pag-atake ni Badoy at NTF-ELCAC sa mga progresibong organisasyon, mga partylist sa ilalim ng Makabayan bloc at konserbatibong oposisyon na pinamumunuan ni Leni Robledo ay may tahasang basbas ni Duterte at bahagi ng kanilang pakana na idiskaril ang lumalakas na momentum ng kampanya at paglawak ng suporta na natatanggap ni VP Robredo mula sa taumbayan sa kanyang kandidatura bilang Presidente ng bansa. Ang pag-atake ni Badoy at NTF-ELCAC pangunahin sa mga progresibong grupo at partylist ay upang pahinain ang malawak na nagkakaisang hanay ng mamamayan laban sa panunumbalik sa kapangyarihan ng mga pamilyang mandarambong, ayaw magbayad ng buwis at talamak na lumalabag sa karapatang pantao na kinakatawan ni Bongbong Marcos. Malinaw na nagsisilbi sa kandidatura ni BBM-Sara ang mga pag-atake ni Badoy sa oposisyon. Ginagamit nito ang pera ng bayan para paboran ang isang kandidato na ipinagbabawal sa lahat ng mga opisyal at kawani ng gubyerno sa ilaliim mismo ng reaksyunaryong Election Code. Maaari silang makasuhan ng “electioneering”.


Advertisements

REPORT THIS AD



Sa kabilang banda, halatang nakakiling ang Ombudsman sa pasistang rehimeng US-Duterte dahil sa patuloy na pagsasawalang-kibo nito sa kabila ng patung-patong na kasong isinampa sa nakaraang mga taon ng mga indibidwal, grupo at organisasyon kay Badoy, kay Retired General Parlade at sa iba pang kasapi ng NTF-ELCAC dahil sa mga walang batayan nitong paratang at red-tagging sa mga nabanggit sa unahan na mga kritiko ni Duterte.

Dapat patuloy na ilantad at labanan ng taumbayan ang umiiral na impyunidad sa bansa ng mga pagpatay sa mga inosenteng mamamayan kapwa sa madugong gera laban sa iligal na droga at kontra-rebolusyonaryonaryong gera ng pasistang rehimeng US-Duterte. Patuloy na nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan na sumapi sa NPA at lumahok sa demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB) sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ang tagumpay ng DRB ang magbibigay ng katuparan sa malaon nang hangarin ng sambayanang Pilipino sa pagkakamit ng tunay na kalayaan, demokrasya, matagalang kapayapaan at masaganang buhay ng bawat Pilipino.###

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/04/01/wakasan-ang-iwinawasiwas-na-impyunidad-ni-usec-lorraine-badoy-at-ng-ntf-elcac/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.