Thursday, October 7, 2021

CPP/Ang Bayan: Mga protesta

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2021): Mga protesta



Mga tsuper laban sa pagtaas ng presyo ng langis. Nagprotesta ang mga tsuper at kabataan sa East Avenue, Quezon City noong Oktubre 5 para kundenahin ang anim na linggong sunud-sunod na taas-presyo ng langis. Sa taya ng Piston, umabot na sa ₱4 kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina, ₱5.65 kada litro para sa diesel habang ₱5.30 naman ang kerosene.

Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Ginunita ng Alliance of Concerned Teachers ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro noong Oktubre 5 sa Mendiola, Manila. Ipinanawagan nila ang disenteng sahod, benepisyo at ayuda sa gitna ng krisis sa ekonomya at kalusugan. Kinundena rin nila ang papatinding atake ng rehimeng Duterte at kapabayaan nito sa lugmok na kalagayan ng mga guro. Nagkaroon din ng protesta ang mga guro ng Manila Science High School sa labas ng kanilang paaralan.

Demolisyon sa Manila Bay, tinutulan. Nagpiket ang mga mangingisda at grupong makakalikasan sa harap ng Manila Bay noong Setyembre 24 para kundenahin ang patuloy na pagtutulak ng rehimeng Duterte na idemolis ang mga pangisdaan ng talaba at tahong sa Cavite City, Bacoor City, Noveleta at Kawit. Kasama ng mga mangingisda ang mga aktibistang pangkalikasan na nagprotesta bilang paglahok sa Global Climate Strike.

Kabataan Partylist, nagpiket sa Comelec. Nagpiket noong Setyembre 29 ang mga myembro ng Kabataan Partylist sa harap ng Comelec sa Intramuros, Manila upang ipanawagan ang komprehensibo, mahusay at madaling mapuntahan na paraan ng pagrerehistro para sa milyun-milyon pang potensyal na mga botante. Noong Setyembre 30, pinalawig na ang pagpaparehistro hanggang Oktubre 31.

Mga manggagawa sa piyer, ibalik na. Nagpiket ang Unyon ng mga Manggagawa sa Harbour Centre sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Setyembre 30 upang igiit ang paglalabas nito ng kautusan para makabalik na sa trabaho ang 216 manggagawang sinisante ng kumpanya noong Enero. Ito ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema noon pang Hunyo 28 na nag-uutos na ibalik na sila at gawing regular. Bago nito, 2017 pa nagdesisyon ang DOLE na dapat silang gawing regular.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/10/07/mga-protesta-29/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.