Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2021): Badyet ni Duterte sa 2022: Tuloy ang ligaya ng mga heneral
Nagbanta si Rodrigo Duterte noong Setyembre 24 na hindi siya mag-aatubiling gamitin ang militar oras na “maging magulo” ang eleksyon sa 2022. Sa napakarami nang pagkakataon, tiwala ang tirano na nananatiling hawak niya ang katapatan ng mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa kanyang patuloy na buhos ng pabor para sa kanila.
Sa badyet pang-2022, ₱222 bilyon ang hinihingi ng Department of National Defense (DND), ang ahensyang nangangasiwa sa militar—mas mataas nang ₱16.2 bilyong kumpara ngayong taon.
Ang Philippine Army ang tatanggap ng ₱103 bilyon. Ang mahigit 100,000-lakas tauhan nito ang namamamayagpag ngayon sa panliligalig sa mga baryo at komunidad sa brutal na gerang kontra-insurhensya ng rehimen. Kapwa tig-₱32 bilyon ang matatanggap ng Navy at Air Force.
Halos ₱630 milyon ang direktang kokontrolin ng upisina ni Sec. Delfin Lorenzana. Bahagi nito ang ₱109 milyon para sa batbat sa katiwaliang programa sa pagpapasurender na Enhanced Comprehensive Local Integration Program. Ipinapanukala rin ni Lorenzana na ang pamamahagi ng ₱35 bilyon para sa programang “modernisasyon” ng AFP ay ipaubaya kay Duterte. Magmimistula itong dagdag sa pork barrel ng presidente na maaari niyang buu-buong ipamigay sa paboritong mga heneral.
Bumabaha ang pork barrel
Maliban sa badyet ng DND, may hiwalay pang ₱29.2 bilyon na hinihingi ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Lumobo ang badyet ng ahensya nang ₱11 bilyon kumpara sa kasalukuyang taon.
Ang ₱28.12 bilyong bulto ng hinihingi nitong pondo ay muling mapupunta sa Barangay Development Program (BDP). Sa ilalim ng BDP, tatanggap umano ng ₱20 milyon ang kada barangay na “nalinis” na sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan. Noon pang Enero 2021 inilantad ng Partido ang BDP bilang pork barrel ng mga heneral para kontrolin ang mga gubernador at meyor sa eleksyong 2022. Karagdagang ₱1.08 bilyon ang hiningi ng Department of Interior and Local Government para ipampuno sa pondo ng NTF-ELCAC.
Para sa taong ito, bumaha na ang pork barrel ng BDP sa balwarte ng pamilyang Duterte sa Davao City at rehiyon ng Davao. Nasa ₱4.3 bilyon ang inilaan sa rehiyon, habang ₱1.64 bilyon naman ang sa Davao City. Binuhusan din ng pondo ang Caraga, Northern Mindanao at Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos).
Sa mga rehiyong pinaburan ng pondo ng BDP naganap ang malaking bilang ng mga pagpaslang sa mga sibilyan, iligal na pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatang-tao mula nang maupo si Duterte sa pwesto hanggang kalagitnaan nitong taon.
Ang mga mambabatas lang ng blokeng Makabayan ang kumontra sa pagraratsada ng rehimen sa kontra-mamamayang badyet nito. Samantala, nangako naman ang ilang senador na tatanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2021/10/07/badyet-ni-duterte-sa-2022-tuloy-ang-ligaya-ng-mga-heneral/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.