Thursday, October 7, 2021

CPP/Ang Bayan: Maysakit na mga Pulang mandirigma, tulog nang minasaker

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2021): Maysakit na mga Pulang mandirigma, tulog nang minasaker



Iniulat ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang tahasang paglapastangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa internasyunal na makataong batas sa pagmasaker sa apat na Pulang mandirigma sa Negros. Dalawang mandirigma naman sa Cordillera ang dinukot at pinahihirapan para “sumurender.”

Wala sa katayuang lumaban at natutulog ang apat na Pulang mandirigma nang paslangin sila ng mga tropa ng 303rd IBde sa Hacienda Builders, Barangay San Pablo, Manapla, Negros Occidental noong Setyembre 30, alas-2 ng madaling araw. Tumuloy ang apat sa naturang lugar para magpagaling sa trangkaso.

Pinarangalan ng BHB-Negros Island ang apat na namartir na sina Marilyn Badayos (Ka Monet), Rudy Carbajosa (Ka Brod), Ronilo Desabille (Ka Wowie), at Rufino Bocaval (Ka Simo).

Mahigit isang buwan nang itinatago ng 503rd IBde ang mag-asawang Ricca Llanes at Daniel Ladawan, Jr. na dinukot ng mga tropa nito noong Agosto 7. Ang mag-asawang Pulang mandirigma ay makikipagkita noon sa kanilang mga kamag-anak. Nakapiit sila sa hedkwarters ng 503rd IBde sa Calanan, Tabuk City, Kalinga at pinagkakaitan ng karapatang magkaroon ng abugado at makita ng pamilya.

Pagpaslang. Pinagbabaril ng mga elemento ng 9th ID si July Barotillo, dating lider ng grupong Bayan, sa kanyang bahay sa Barangay Lamon, Goa, Camarines Sur noong Oktubre 1. Siya ay tumatayong Barangay Secretary ng kanilang lugar.

Pag-aresto. Nakakulong sa gawa-gawang kasong pagpaslang ang boluntir na guro ng paaralang Lumad na si Lorena Sigua. Inaresto siya noong Setyembre 19 ng mga pulis sa hangganan ng bayan ng Marilao at San Jose del Monte sa Bulacan.

Anim na sibilyan ang iligal na inaresto ng militar sa Masbate matapos bansagang mga kasapi ng BHB. Inaresto noong Setyembre 26 si Chito Huligañga sa Barangay Nainday, Placer. Malisyosong inakusahan ang biktima bilang mataas na upisyal ng BHB.

Bago nito, inaresto sina Michael Funelas, Myra Letada, Maricris Letada, Sheryl Salazar at Vicky Ontog noong Setyembre 25 sa Barangay Piña, San Jacinto.

Sa ulat ng BHB-South Central Negros noong Oktubre 4, inaresto ng mga sundalo ang magsasakang si Pedro Montecino at anak na si Christopher sa Sityo Kubay-Anahaw, Barangay Carabalan, Himamaylan City. Hanggang ngayon ay hawak ng 94th IB ang mag-ama.

Inaresto ng mga pulis at militar sa gawa-gawang mga kaso sina Lino Baez ng Bayan-Batangas at Willy Capareño ng Anakpawis-Batangas sa tinutuluyang bahay sa Manggalang 1, Sariaya, Quezon alas-2 ng umaga noong Oktubre 6. Hinahanap pa ng pamilya ang kanilang kinaroroonan.

Pambobomba. Makailang ulit na naghulog ng bomba ang Philippine Air Force (PAF) sa Barangay Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan noong Setyembre 21 na lubhang nakaapekto sa sakahan at kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa Northern Samar, inistraping at anim na bomba ang inihulog ng militar gamit ang isang FA-50 fighter jet at iba pang eroplanong pandigma sa San Francisco, Las Navas noong Setyembre 16. Tumagal ang pambobomba ng halos pitong oras na nagtulak sa mga residente na pansamantalang magbakwit sa kalapit na baryo.

Sa sumunod na araw, naghulog din ang PAF ng bomba at nag-istraping sa Barangay E. Duran, Bobon. Natulak ang may 2,000 residente na pansamantalang magbakwit sa sentro ng Bobon.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/10/07/maysakit-na-mga-pulang-mandirigma-tulog-nang-minasaker/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.