Saturday, October 9, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mayroon nang mga eskwelahan sa 96% ng mga baryong target “tayuan” ng NTF-ELCAC

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 8, 2021): Mayroon nang mga eskwelahan sa 96% ng mga baryong target “tayuan” ng NTF-ELCAC


ANG BAYAN | OCTOBER 08, 2021



Hindi lamang sinasapawan ng ational Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Department of Education (DepEd), ginagamit din nito ang programa ng kagawaran para makakurakot ng bilyun-bilyong pondo.
Napag-alaman sa pagdinig sa Senado noong Oktubre 6 na 96% o 789 as 822 sinasabi ng task force na “tatayuan” ng mga eskwelahan ay meron nang nakatayong eskwelahan. Nanggaling mismo sa isang upisyal ng DepEd ang impormasyon na nagsabing dati na niya itong ipinabatid sa NTF-ELCAC.

Humihingi ang task force ng badyet na P28 bilyon para sa 2022. Ayon sa mga upisyal nito, tatanggap mula rito ang 822 barangay na “nalinis na sa insurhensya” ng P20 milyon kada isa. Ang P3 milyon kada barangay o P2.466 bilyon sa kabuuan ay igugugol sa pagtatayo ng mga paaralan.

“Sinabi na namin sa kanila na kung mayroon nang eskwelahan, huwag na silang magtayo ng eskwelahan,” ayon kay Alain Pascua ng DepEd.  niya, hindi simpleng konstruksyon ng mga gusali, tulad ng plano ng NTF-ELCAC, ang pagtatayo ng isang eskwelahan. Dapat nasa plano rin ang paglalagay ng kagamitan at pag-eempleyo ng mga guro.

Ayon kay Sen. Nancy Binay, isa sa mga senador sa pagdinig, dapat ibigay na lamang ang pondong hinihingi ng task force sa DepEd para iwasan ang pagtatayo ng mga “white elephant” o mga gusaling di natatapos o natatapos pero di magagamit. Masasayang ang itatayong mga eskwelahan kung wala rin naman palang mapapadalang gamit at guro ang DepEd sa mga ito, aniya.
Una nang ibinunyag ng Partido Komunista ng Pilipinas na kalakhan sa mga barangay na sinasabi ng NTF-ELCAC na nangangailangan ng eskwelahan ay mayroon nang nakatayong eskwelahan. Katunayan, mayroong mahigit isang eskwelahan ang ilang nakalistang malalaking barangay.

Malinaw na malinaw na ang pondong hinihingi ng kontra-insurhensyang task force ay mapupunta lamang sa bulsa ng mga heneral nito at kasabwat nilang alipures ng rehimen.
Kumbinsido kahit si Binay na marami sa mga kunway programa ng NTF-ELCAC ay pagdodoble lamang sa mga plano at proyekto na ng ibang ahensya ng gubyerno.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/mayroon-nang-mga-eskwelahan-sa-96-ng-mga-baryong-target-tayuan-ng-ntf-elcac/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.