Ang Bayan Daily News and Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 27, 2021): Sa ika-49 anibersaryo ng martial law: Duterte inihalintulad sa dating diktador na si Marcos
ANG BAYAN | SEPTEMBER 27, 2021
Ginunita sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at sa ibayong dagat sa pamamagitan ng mga protesta, pagtitipon at pahayag ng pakikiisa ang madidilim na taon ng batas militar ng diktadurang US-Marcos noong Setyembre 21.
Sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isinaad nito ang kahalagahan ng paggunita sa batas militar ni Marcos dahil sa pag-iral ng hibo ng pasismo at mga banta ng pananatili sa pwesto ng naghaharing tiranong si Duterte. Ayon sa grupo, kinakasangkapan ng mga tirano, tulad ni Duterte at kanyang idolong si Marcos, ang dis-impormasyon at rebisyunismo sa kasaysayan para makapanatili sa kapangyarihan.
Lantad din ang pagkakahawig ng dalawang tiranong lider ani Neri Colmenares, lider ng Bayan Muna Partylist. Ayon kay Colmenares, ginagamit ni Duterte, tulad ni Marcos, ang buong militar para ipataw ang pasistang kontrol sa gubyerno, at pinamumutawi nito ang korapsyon at kroniyismo para pahigpitin ang kapit sa mga kaaalyado.
Nagpahayag naman ng pakikiisa si Vice President Leni Robredo sa mamamayang Pilipino sa paggunita sa batas miliar. Binigyang-diin ng bise presidente ang mahalagang tungkulin ng bawat Pilipino para patuloy na buhayin ang tunay na nangyari sa panahon ng batas militar sa kabila ng pagpupumilit na baluktutin ang kasaysayan. Sa nauna niyang pahayag, sinabi niyang ang panunumbalik ng mga Marcos sa Malacanang ang isa sa mga dahilan na maaaring magtulak sa kanya na kumandidato pagkapangulo sa eleksyong 2022.
Protestang bayan
Pinamunuaan ng grupong Bayan at Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) ang mayor na protestang bayan sa Metro Manila bilang paggunita sa batas militar sa Liwasang Bonifacio sa lunsod ng Manila. Lumahok sa protesta ang delegasyon ng mga progresibong grupo mula pa sa Central Luzon, mga grupong kabataan, magsasaka, kababaihan at iba pa.
Bago ang sentralisadong programa sa Liwasan, ikinasa ang mga desentralisadong aksyon sa ibang bahagi ng Metro Manila. Hinarang ng mga pulis ang mga nagprotestasa ilang bahagi tulad ng sa Sta. Cruz sa Manila. Binomba sila ng tubig para itaboy. Nagresulta ito sa pagsisiksikan, bagay na iniiwasan sa panahon ng pandemya.
Sa Luzon, naglunsad ng mga piket at demonstrasyon ang mga grupong pambansa-demokratiko sa Baguio City, Calamba City sa Laguna, sa Cavite at Batangas. Nagkaroon din ng pagkilos sa Cagayan Valley.
Isinabay naman sa paggunita sa batas militar ang pangangalampag ng mga manggagawang pangkalusugan para sa makataong pagtrato sa kanilang hanay sa isang demonstrasyon noong Setyembre 21 sa Bacolod City. Isang araw bago nito, nagpiket din ang mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros sa sentro ng Bacolod City para gunitain ang Escalante Massacre na naganap noong batas militar.
Inilunsad din ang mga protesta sa tatlong lokasyon sa Cebu City, sa Iloilo City, at Freedom Park, Davao City. Bukod sa mga pisikal na pagtitipon, maraming indibidwal rin ang nakiisa sa mga protestang online at mga pag-aaral hinggil sa mga paglabag sa karapatang-tao at pagpapahirap ng batas militar. Mayroon ding pagkilos at paggunita ng mga nakaligtas sa batas militar sa Cagayan de Oro City.
Paggunita sa ibayong-dagat
Koordinadong mga protesta ang inilunsad ng mga organisasyong nabubuklod sa ilalim ng International League of People’s Struggles (ILPS) bilang pakikiisa sa mga Pilipino sa paggunita sa batas militar.
Nagtungo sa embahada ng Pilipinas sa Korea ang Korean-Philippine Human Rights Network para ipanawagan ang pagtigil sa ekstrahudisyal na pagpaslang ng estado sa mamamayan. Nagtipon rin ang mga Pilipino sa United Kingdom, HongKong, Montreal sa Canada, France, The Netherlands, Chicago, Manhattan sa New York, Seattle, at Belgium.
Sa kabuuang tala ng ILPS, nagkaroon ng iba’t ibang pagkilos sa mahigit 12 bansa ang mga Pilipino at dayuhang mga tagasuporta. Nagkaroon din ng mga porum, protestang online, pagpupulong at iba pang porma ng mga aktibidad bilang paggunita sa panahon ng batas militar.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/sa-ika-49-anibersaryo-ng-martial-law-duterte-inihalintulad-sa-dating-diktador-na-si-marcos/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.