Ang Bayan Daily News and Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 28, 2021): Pinsalang idudulot ng black sand mining sa Lingayan Gulf, pinangangambahan
ANG BAYAN | SEPTEMBER 28, 2021
Pinababawi ng mamamayan ng Pangasinan sa ilalim ng Pangasinan People’s Strike for the Environment ang permit na iginawad ng upisina ni Rodrigo Duterte sa Vanadium Resources (Phils), subsidyaryo ng isang kumpanyang Australian, na magmina ng black sand o magnetitte sa prubinsya. Ang permit na may petsang Nobyembre 25, 2020 ay pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea at nagbibigay-laya sa pagmina ng kumpanya ng 5 milyong metriko toneladang black sand sa susunod na 25 taon.
Kasalukuyang may pitong operasyon ng pagmimina ng magnetite sa bansa. Kalakhan sa hinuhukay na buhangin ay inieksport sa China para sa pagpoproseso.
Sa Pangasinan, sasaklawin ng pagmimina ng magnetite ang 10,000 ektaryang karagatan sa baybayin ng 26 barangay sa limang bayan (Sual, Labrador, Lingayen, Binmaley at Dagupan CIty.) Ang erya ay napagigitnaan ng dalawang protektadong lugar — ang Alaminos Hundred Islands National Park at ang Agoo-Damortis Protective Landscape and Seascape.
Dahil maaaring magsimula ang paghuhukay ng black sand 500 metro mula sa baybayin, malaki ang magiging epekto nito sa pangisdaan sa lugar. Sisirain nito ang tinatayang 3,000 fish pen ng bangus na nagpoprodyus ng 125,000 hanggang 150,000 metriko toneladang bangus kada taon. pektado rin pangisdaang munisipal na pinagkukunan ng kabuhayan ng inatayang 5,000 maliliit na mangingisda. Isa ang Lingayen Gulf sa mayor na pangisdaan ng bansa.
Dagdag dito ang mas matagalang epekto ng pagmimina sa mga coral reef at sea grass na nagsisilbing kanlungan ng itlog at fry (bagong pisa) ng iba’t ibang klaseng isda.
Kung hindi pipigilan ang pangwawasak sa karagatan, malalagay sa peligro ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga Pangasinense, ayon sa mga grupo ng mangingisda, negosyante at tagapagtanggol sa kalikasan. HIndi nila ubos maintindihan kung bakit papayagan ang isang proyekto na wawasak sa pinagkukunan ng suplay ng isda sa harap ng napipintong kakulangan ng suplay nito.
“Nasa black sand na kukunin ng mina ang mga itlog, larvae at fry sa Lingayen Gulf,” ayon sa isang grupo ng mga negosyante sa lugar. “Kapag hinukay at kinuha nila ito, tiyak na mamamatay ang mga itlog, gayundin ang maliliit na isda.” Noong 1993, idineklara ng dating Pres. Fidel Ramos ang Lingayen Gulf bilang “environmentally critical area” at itinakda ang lugar para sa produksyon ng isda at iba pang produktong pandagat at pagpreserba ng genetic diversity.
Nangangamba rin ang mga syentista kung saan itatapon ng kumpanya ang dumi at basurang tubig at putik na gagamitin sa paghihiwalay ng black sand mula sa ibang bato o materyal ng dagat.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/pinsalang-idudulot-ng-black-sand-mining-sa-lingayan-gulf-pinangangambahan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.