Tuesday, September 28, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Pagkalugi ng mga magsasaka sa kontrabandong carrot

Ang Bayan Daily News and Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 27, 2021): Pagkalugi ng mga magsasaka sa kontrabandong carrot


ANG BAYAN | SEPTEMBER 27, 2021

 .

Balita ngayon ang pagbaha ng inismagel (kontrabando) na carrot sa mga lokal na pamilihan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa. Ikinabahala ito ng lokal na mga magsasaka, pangunahin na ang mga magsasaka sa Benguet na pinagmumulan ng suplay ng carrot sa buong bansa. Nahaharap sila sa matinding kumpetisyon at pagkalugi dahil kasalukuyang mas mura ang presyo ng imported na carrot (₱25) kumpara sa kanilang produkto (₱50). Apektado nito maging ang mga trader o mga negosyanteng nagdedeliber ng suplay sa mga pamilihan. Karamihan sa kanila ay hindi pa nakababawi mula sa pagkalugi dulot ng pagkasira ng kanilang mga produkto noong nakaraang taon dulot ng mga restriksyon sa pagbabyahe ng mga produkto na ipinataw ng rehimen nang magsimula ang pandemya.

Anila, iligal na ipinapasok ang mga imported na carrot. Bagamat walang permit na inilabas ang Department of Agriculture para sa importasyon ng anumang preskong gulay, naglipana ang mga imported na carrot hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa Cebu at Cagayan de Oro City. Ang inismagel na mga carrot ay nakalagay sa mga kahon na may palatandaang nagmula ang mga ito sa China.

Pangunahing ibinabagsak ng mga ismagler ang mga carrot sa mga bodega sa Divisoria sa Maynila. Iligal itong ibinebenta ng mga sindikato sa iba’t ibang palengke sa bansa. Sa Cebu, tinatayang apat na container van ng carrot ang ibinubhos ng mga sindikato sa mga pamilihan sa prubinsya kada linggo. Kadalasang sinasamantala ng mga sindikato ang lean season (panahon mula Setyembre hanggang Pebrero kung kailan mahina ang produksyon at mataas ang presyo ng lokal na gulay) para itodo ang kanilang pagbebenta at magkamal ng malaking tubo sa kapinsalaan ng mga lokal na magsasaka. Anila, taun-taon nilang kinahaharap at inirereklamo ang problemang ito. Pansamantala lamang itong humuhupa tuwing nabubunyag ang kanilang mga reklamo sa publiko. Paglipas ng isang panahon, mauulit ang pagbaha ng inismagel na gulay sa mga palengke.

Ayon sa isang trader, tinatayang aabot sa 70% ang ibinagsak ng kanilang benta sa nakalipas na mga araw o mula 100 sako ng carrot kada araw tungong 30 sako na lamang. Ang isang sako ng carrot ay tumitimbang ng 80 hanggang 90 kilo.

Liban sa pinsalang dulot nito sa kabuhayan, posible ring magdulot ang pagkain sa mga carrot na ito ng banta sa kalusugan dahil hindi ito nasusuri. Kabilang sa mga dapat suriin sa pag-iimport ang mga pesteng umaapekto at antas ng naiwang pestisidyo sa mga produktong gulay para matiyak na ligtas kainin ang mga ito.

Ayon sa pinakahuling datos, nakapagprodyus ang bansa ng 65,069 metriko tonelada (MT) ng carrot noong 2019, mas mababa nang 917 MT kumpara nang unang maupo sa poder si Duterte noong 2016. Malaking bahagi (89%) ng lokal na suplay ng carrot ay mula sa Cordillera (58,166 MT). Sa kabuuan, 4,551 ektarya ang kabuuang saklaw ng mga sakahan ng carrot sa buong bansa, 70% nito ay matatagpuan sa Cordillera. Karaniwang ang kada ektarya ng sakahan ng carrot ay nakapagpoprodyus ng 14,298 kilo.

Bago pa man ang pandemya, patuloy nang bumabagsak ang kita ng mga magsasaka ng carrot dulot ng pagtaas ng gastos sa produksyon at barat na presyo sa pagbili ng kanilang mga produkto. Sa loob lamang ng tatlong taon sa ilalim ng rehimeng Duterte, bumagsak nang 27% ang abereyds na taunang netong kita ng mga magsasaka kada ektarya mula ₱344,302 noong 2017 tungong ₱251,517 noong 2019. Bumagsak din ang presyo sa pagbili ng mga carrot mula sa mga magsasaka nang 19% mula ₱31.5 tungong ₱25.47 kada kilo sa parehong panahon.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/pagkalugi-ng-mga-magsasaka-sa-kontrabandong-carrot/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.