Tuesday, September 21, 2021

CPP/Ang Bayan: Buksan na ang mga paaralan sa harapang pagkatuto

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 21, 2021): Buksan na ang mga paaralan sa harapang pagkatuto



Sinalubong ng sabay-sabay na protesta ng mga magulang, guro at estudyante sa ilang paaralan ang pagbubukas ng klase noong Setyembre 13. Bitbit ang panawagang #LigtasNaBalikEskwela, kinundena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang “manhid” na si Rodrigo Duterte sa kanyang pag-abandona sa sektor ng edukasyon sa gitna ng pandemyang Covid-19.

Nagmartsa ang mga myembro ng ACT sa harap ng Mendiola sa Maynila upang ipanawagan ang suporta ng estado sa mga guro at estudyante sa gitna ng pagpapatupad ng distance learning at ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. Nakasalalay ngayon ang kinabukasan ng mga kabataan sa sama-samang kapasyahan ng mga guro, magulang at mag-aaral na “wakasan na” at igiit ang mas mahusay na paggugubyerno, ayon sa grupo.

Sa parehong araw, nagtungo sa Mendiola ang mga grupong kabataan para ipaglaban ang ligtas at kagyat na pagbubukas sa mga eskwelahan para sa harapang pagkatuto. Nagkaroon din ng katulad na protesta sa Pres. Corazon C. Aquino Elem. School sa Quezon City, sa University of the Philippines-Manila, Eusebio Highschool sa Pasig City at sa Poblacion sa Muntinlupa.
Walang pagbabago sa di epektibong moda

Walang pagbabagong ginawa ang Department of Education (DepEd) sa palpak at pahirap na blended learning na ipinatupad noong nakaraang taon. Para punan ang di epektibong pagtuturong online at modyul, gumawa ang mga guro ng samutsaring paraan para maitawid ang aralin sa mga bata. Gayunpaman, aminado silang mababa ang kalidad ng edukasyon dahil sa napakaraming problema at limitasyon sa gadyet, internet, modyul at kakayahan ng mga magulang. Dagdag dito, may mga estudyanteng di pumapasok o di man lamang nagpaparamdam sa kanilang mga klase, pero ipinasa sa kasunod na baytang alinsunod sa dikta ng DepEd para mabigyan-katwiran ang pagpapatuloy ng blended learning.

Noong Setyembre 9, inilabas ng ACT ang isang pag-aaral hinggil sa kahandaan ng mga pampublikong paaralan para sa pasukan. Litaw dito ang malalaki pa ring problema ng kakulangan at nahuhuling pag-imprenta ng mga modyul, kawalan ng gadyet at pambayad sa internet at labis-labis na trabaho ng mga guro.

Halos walang tulong ang ahensya sa mga pangangailangan ng guro. Hindi sapat ang ipinagmamayabang ng DepEd na 68,500 na laptop dahil halos 1 milyong pampublikong guro ang nangangailangan nito. Halos hindi rin nila nagagamit ang ipinamahaging sim card dahil sa hina ng signal sa kanilang mga lokasyon.

Walang sapat na panahon ang mga guro na makapagpahinga mula nang magsara ang akademikong taon noong Hulyo 10. Tuluy-tuloy ang kanilang trabaho noong Hulyo at Agosto sa enrollment at pag-imprenta ng mga modyul. Marami sa kanila ang napilitang mangalap ng mga suplay sa eskwelahan dahil sa kakulangan ng pondo. “Work from home” daw ang kaayusan sa ahensya pero inoobliga silang pisikal na mag-ulat sa mga paaralan ng ilang beses kada linggo. Hanggang ngayon, hindi sila binabayaran ng obertaym na katumbas ng 87 araw.
Walang badyet, walang plano sa harapang pagkatuto

Sa antas kolehiyo, ipinagpapatuloy ang klaseng online para lamang masabi na hindi pinababayaan ng gubyerno ang kabataan, ayon sa National Union of Students of the Philippines. Liban sa mga limitadong kurso sa 22 unibersidad, nananatili ang pagbabawal sa harapang klase sa kabila ng kaliwa’t kanang pag-aaral at panawagan noon pang nakaraang taon na buksan ang mga kampus para sa harapang pagkatuto.

Ayon sa NUSP, kailangan maglaan ang estado ng pondo para matiyak ang minimum na pagpapatupad ng mga hakbang pangkalusugan, test kit at mga pasilidad pang-test sa loob ng mga kampus, at pagbabago sa mga klasrum at pasilidad para mapatupad ang social distancing. Iginigiit nila na ayudahan ang mga estudyante ng ₱10,000 para makaagapay sa papalaking gastos sa pag-aaral sa gitna ng pandemya.

Sa deliberasyon ng pambansang badyet para sa 2022 sa Kongreso, napag-alaman na tinapyasan ang dati nang mababang badyet para sa pasilidad sa edukasyon para sa 2022. Ayon sa ACT, ang inilaang pondo para rito ay ₱5.4 bilyon lamang, 51% na mas mababa sa ₱11.1 bilyon ngayong taon. Mula rito, ₱358 milyon lamang ang inilaan para sa mga pasilidad pangkalusugan—isa sa batayang rekisito sa ligtas na balik-eskwela sa gitna ng pandemya. Hindi malinaw kung saan kukunin ang badyet para sa pag-empleyo ng dagdag na mga nars sa paaralan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/09/21/buksan-na-ang-mga-paaralan-sa-harapang-pagkatuto/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.