Thursday, July 8, 2021

CPP/Ang Bayan: Nang busugin ng diktador ang kanyang mga halimaw

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 7, 2021): Nang busugin ng diktador ang kanyang mga halimaw



Hanggang sa nalalabing mga buwan ng upisyal na termino ni Rodrigo Duterte, nagpapatuloy ang pagpabor niya sa kanyang armadong mga tauhan, laluna sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang malimit niyang ituring na “mga sundalo ko” ay ipinapalayaw sa madalas na pagbisita sa mga kampo, pag-udyok sa kanila na pumatay at manggahasa, at maging sa pagprayoridad na mabakunahan. Nangunguna rin sa mga pabor ni Duterte ang pagbubusog sa kanila sa salapi at kapangyarihan.

Bilang pangunahing haligi ng kanyang teroristang paghahari, todo ang pagpapalaki at pagpapalakas ni Duterte sa militar at pulis. Humigit kumulang 400,000 ang kasalukuyang bilang ng mga sundalo at iba pang tauhang panseguridad. Bumibilang lamang sila ng may 347,000 noong magsimula si Duterte sa pagkapangulo. Gayundin, pinalaki ang bilang ng mga CAFGU, na target pang paramihin ng rehimen hanggang 79,000 mula noong 2020. Noong 2015 ay nasa 56,000 lamang ang bilang ng mga paramilitar. Sa kasalukuyan, may 190 heneral ang AFP at 146 ang Philippine National Police (PNP).

Ang pagpapalaki sa militar ay tulak ng desperasyon ni Duterte na sugpuin ang armadong rebolusyon. Noong 2016, ang Philippine Army na siyang pinakamalaking sangay ng AFP, ay bumibilang lamang ng may 81,000 tauhan na nahahati sa 87 batalyong pangmaniobra. Ipinakat noong Oktubre 2017 ang 88th IB bilang una sa karagdagang 20-35 batalyon na tinarget buuin ni Duterte. Ang 99th IB, isa sa mga pinakabagong batalyon, ay nakaistasyon ngayon sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Pondo at mando ng US

Naging madali ang pagtupad ni Duterte sa kanyang balak dahil tinustusan ito ng US. Mula 2016-2019, tumanggap ang rehimen ng ₱27.2-bilyong ayudang militar. Kabilang dito ang ₱13.1-bilyong halaga ng mga armas at kagamitang militar. Inaabangan pa ng rehimen ang karagdagang ₱9.8-bilyong ayuda para sa taong ito.

Kabilang sa pinondohan ng US ang pagbubuo ng 11th ID noong 2018 na sumasaklaw ngayon sa mga isla at karagatan ng Sulu at target punuan ng 4,500 personel. Bahagi ng dibisyon ang 1st Brigade Combat Team (BCT) ng Philippine Army na nakabatay sa istruktura at direktang inaarmasan ng US. Nag-oopereyt ito bilang yunit na kumpleto sa suportang panghimpapawid, mga kanyon, armored personnel carrier at iba pa. Ang 11th ID at mga BCT ay idinidirehe ng militar ng US sa tabing ng iba’t ibang pagsasanay-militar.

Kabilang din sa mga bagong binuong yunit ang Cyber Battalion ng armi para manguna sa mga pag-atake gamit ang internet.

Alinsunod sa pakikipagmabutihan ni Duterte sa China, nakatanggap din ang AFP ng mga ayudang militar mula sa China. Kabilang dito ang 6,000 ripleng Norinco noong 2016. Bahagi ng pakikipagribalan ng China sa US, puspusan din ang pagsisikap ng China na magkaroon ng malakas na impluwensya sa mga upisyal ng AFP upang kontrahin ang kontrol dito ng US. Makikita na mayroon na ring tipak sa loob ng AFP na bumabaling sa China, na nananalig sa umuusbong na kapangyarihan ng China sa rehiyon, o di kaya’y mga nakinabang sa kikbak sa maanomalyang mga kontrata ng gubyerno at napaburan sa negosyo ng mga sindikato ng droga at ismagling.

Pabuya sa mga berdugo

Mula 2016, pinaburan ni Duterte na itaas ang sweldo ng kanyang mga sundalo at pulis. Naipirmi niya ang kanilang katapatan sa dobleng paglaki ng buwanang sahod ng mga karaniwang kawal hanggang sa mga heneral. Mas malaki nang halos ₱6,000 ang agwat ng batayang sahod ng bagong sundalo (₱29,668) sa bagong-pasok na mga guro sa mga pampublikong paaralan. Ang karamihan sa mga bagong tanggap na mga nars naman ay nakapako pa rin sa ₱22,000-₱24,000 ang buwanang sweldo. Ginawa ang pagtaas ng batayang sweldo para umakit ng mas maraming rekrut. Sa kabila nito, hindi pa rin naaabot ng mga sangay ng AFP ang target na bilang ng rekrutment.

Tumatanggap ang mga sundalo at pulis ng samutsaring alawans at benepisyo para sa pagkain, damit, pabahay at iba pa. May hiwalay pang bayad ang pagsabak sa operasyon at pagkasangkot sa armadong labanan. Mas mataas ang kanilang take home pay o naiuuwing sweldo dahil hindi sila naghuhulog ng pensyon, di tulad ng iba pang empleyado ng gubyerno.

Tumatanggap ng hiwalay na allowance ang mga upisyal. Ang mga kapitan ay buwanang binibigyan ng ₱7,000 habang ₱35,000 sa pinakamataas na ranggong heneral. Wala pa rito ang mga gantimpala sa mga sundalong ginagawaran ng kung anu-anong medalya, na maaaring umabot sa ₱100,000 kada buwan.

Pero ang lahat ng ito ay maliit na halaga kumpara sa mas malalaking pabuya sa mga heneral kapalit ng katapatan sa diktador. Inilalagay sila ni Duterte sa mga susing pusisyon sa gubyerno matapos magretiro. Paborito niyang bigyan ng pusisyon ang mga heneral na dating naitalaga sa Davao. Matatagpuan ang mga dating upisyal sa hindi bababa sa 12 pusisyon sa gabinete, maliban pa sa mga nasa mabababang pusisyon.

Naglublob sa pondo ng bayan ang mga heneral at iba pang upisyal. Sa pagpadrino ni Duterte ay kinontrol niya agad ang Bureau of Customs (BOC) para sa madulas na pagpasok sa bansa ng iligal na droga at mga kontrabando. Nang mabulilyaso ang pinalusot ng dating hepe ng BOC na si Nicanor Faeldon na ₱6.5-bilyong halaga ng shabu, dalawang dating heneral pa rin ang magkasunod na ipinalit sa kanya.

Pawang mga dating upisyal ng militar at pulis din ang tatlong magkakasunod na itinalaga sa Bureau of Corrections para makontrol ang produksyon ng mga druglord na patuloy na nakapag-oopereyt mula sa loob ng bilangguan.

Noong 2017, pinaniniwalaang milyun-milyon ang ibinulsa ng kasanggang mga heneral ni Duterte sa maanomalyang pagbili ng dalawang barkong pandigma ng Philippine Navy. Mismong si Duterte ay sangkot sa korapsyon sa ₱16-bilyong halagang kontrata. Ang mga alagad niyang heneral din ang nakinabang sa pakitang-taong pagsisante sa karibal na mga upisyal sa ngalan ng umano’y gera kontra-korapsyon at “gera kontra-droga.”

(Ilalabas sa susunod na isyu ang ikalawang bahagi.)

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/07/07/nang-busugin-ng-diktador-ang-kanyang-mga-halimaw/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.