Friday, April 23, 2021

CPP/NDF-Southern Tagalog: Bayan Magkaisa! Ipagtanggol ang mga Community Pantry!

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 21, 2021): Bayan Magkaisa! Ipagtanggol ang mga Community Pantry!

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

APRIL 21, 2021



Kailangang magkaisa ang mamamayan at ipagtanggol ang mga community pantry laban sa malisyosong paninira, panggigipit at red-tagging ng NTF-ELCAC, AFP, PNP at ng mga bayarang troll armies ni Duterte. Labis ang pagkatakot ng rehimen at mga alagad nito sa NTF-ELCAC, PNP at AFP sa ipinamamalas na pagkakaisa, pagsasama-sama at pagdadamayan ng mamamayan na kahit ang mga simpleng inisyatiba para sa mutwal na pagtutulungan at pagkakawang-gawa sa harap ng labis na kahirapan ay may nakikitang komunista ang rehimen at mga pasista.

Pumukaw ng inspirasyon sa marami nating kababayan ang inisyatiba ng maliit na negosyanteng si Ms. Anna Patricia Non at mga kaibigan niyang boluntir ang itinayo nilang Maginhawa Community Pantry (MCP) sa Maginhawa Street, Diliman, Quezon City. Nagsimula ito sa malinis na intensyong pangkawang-gawa, makalikom ng mga pagkain at materyal para ipamahaging tulong sa higit na nangangailangan nating mga kababayan alinsunod sa prinsipyong “magbigay ayon sa inyong kakayanan at kumuha ayon sa inyong pangangailangan.”

Ang malawakang paglitaw ng mga community pantry o “paminggalan sa komunidad” sa iba’t ibang panig ng bansa ay umantig sa marami na buhayin ang diwa ng pagtutulungan, malasakit sa kapwa at pagdadamayan sa panahong nakataya ang pambansang kaligtasan ng sambayanang Pilipino mula sa seryosong banta ng pandemya. Ang kabiguan ng rehimeng Duterte na ihatid ang mabilis at sapat na tulong at sagipin ang higit na nakararaming mamamayan mula sa masahol na kahirapan ang nagbunsod sa ganitong mga inisyatiba at ng pagkamulat na walang ibang maaaring tumulong at umahon sa masang naghihirap kundi ang sarili nilang pagbubuklod, pagtutulungan at pagdadamayan.

Ipinamumukha nito ang mapait na katotohanan na inutil, manhid at walang malasakit ang gubyernong Duterte sa kapakanan ng mamamayan. Nais pagtakpan ng rehimen at mga anti-komunistang panatiko sa NTF-ELCAC, AFP at PNP ang kabiguan at kriminal na kapabayaan ng naghaharing sistema na iligtas ang bayan sa napakalaking kalamidad ng Covid-19. Sa halip, naging opurtunidad sa naghaharing rehimen na palawigin ang pandemya para sa ibayong panunupil, walang kaparis na korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.

Mula’t sapul, walang interes ang rehimen na mapagpasyang lutasin ang pandemya—walang ipinatupad na libreng mass testing, agresibong contact tracing, epektibong pagmobilisa ng buong sistema ng pampublikong kalusugan at pagkumpuni sa nabubulok na mga pasilidad at imprastrukturang medikal para sawatain ang paglaganap ng Covid-19. Trinato nito ang problema sa pandemya bilang problema sa peace and order—at ipinatupad ang solusyong militar na malupit na locdown sa halip na solusyong medikal na nakabatay sa syensya.

Matagumpay ang unang larga ng MCP sa pagkakaloob ng tulong sa mga kapos-palad nating mga kababayan na iniwan at pinabayaan ng gubyerno sa harap ng pandemyang Covid-19. Dumagsa ang pagdating ng mga pagkain at tulong mula sa iba’t ibang indibidwal na may mabuting-loob, sektor at lugar kaya marami agad na mga kababayan nating mahihirap ang natulungan. Umani ito ng suporta at pagkilala mula sa iba’t ibang sektor, mga kilalang personalidad sa lipunan, lokal na pulitiko at maging sa ilang mambabatas sa Kamara at Senado.

Pag-asa sa sarili, pagtitiwala at pagsalig sa kakayanan ng masang umukit ng sariling landas at kasaysayan ang mensaheng nais iparating ng Maginhawa Community Pantry. Dahil dito, nagsilbi itong inspirasyon sa karamihan nating mga kababayan at nagtulak sa kanila na magtayo rin ng community pantry sa kani-kanilang mga kinaroroonang komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang community pantry na nagsimula sa Maginhawa Street ay naulit sa maraming lugar sa Kamaynilaan at mga karatig at malalayong probinsya tulad ng sa Rizal, Laguna, Cavite, Bulacan, Nueva Ecija, Bicol, Kabisayaan at Mindanao.

Upang makaeksena at makaagaw pansin sa tinatamasang popularidad at malawak na suporta ng publiko sa mga nagsulputang community pantry, matapos batikusin, naobliga ang Malacañang na kilalaning lehitimo ito. Samantala, sumakay na rin sa popularidad ng community pantry ang PNP at mga LGU na nagtayo na rin ng kani-kanilang community pantry sa layuning magpabango ng pangalan habang pinararatangan ang ibang nag-inisyatiba na sumasakay lamang sa inumpisahan ng MCP. Subalit pilit na nilalabusaw at pinalalabnaw ng Malacañang ang dahilan kung bakit nagsusulputan ang mga community pantry sa bansa na pinaniniwalaan ng karamihan na isang anyo ng protesta ng taumbayan na punong-puno na sa kainutilan at kriminal na kapabayaan ng gubyernong Duterte. Sa pag-aakalang makapanlilinlang sila, paliwanag naman ng Malacañang na ang mga community pantry ay resulta ng mataas na diwa ng “bayanihan” na taglay ng mga Pilipino. Hindi nila matanggap ang katotohanang isang matunog na sampal sa mukha ng gubyernong Duterte ang pagsusulputan ng mga community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang malawakang pagtayo ng mga community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa ay salaminan ng desperasyon, na wala na talagang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa gubyernong Duterte na matutugunan pa nito ang kanilang mga pangangailangan at kahilingan. Itinuturing nila si Duterte na inutil, traydor, walang kakayahang mamuno at sunod-sunuran sa dikta ng dayuhang kapangyarihan lalo na ng bansang China. Isinuko na ni Duterte sa bansang China ang teritoryo at pambansang soberenya at patrimonya ng bansa sa West Philippines Sea. Dahil dito, patuloy na lumalakas ang panawagan ng taumbayan para sa pagbibitiw ni Duterte.

Samantala, pansamantala munang itinigil ang operasyon ng Maginhawa Community Pantry dahil sa nangangamba sa seguridad at buhay nina Ms. Patricia Non at mga kaibigan niyang boluntir matapos silang i-red-tagged ng NTF-ELCAC at QCPD ng PNP. Katawa-tawa na ang bukal-sa-pusong pagtulong at pagmamalasakit sa kapakanan ng kapwa Pilipino ay minamasama ng mga pasista sa gubyerno ni Duterte. Sa ngayon, hindi lamang ang MCP ang ni-red-tagged kundi maging ang iba pang nagsulputang community pantry sa Metro-Manila at sa iba pang lugar sa bansa na nabuo mula sa inisyatiba ng mga pribadong grupo at indibidwal. Sa ibang panig ng Kamaynilaan at bansa, ginigipit at nagsasagawa ng profiling ang PNP at NTF-ELCAC sa mga nag-oorganisa ng mga community pantry at hinihingan naman ang mga ito ng permit ng LGU. Ito na ang kasukdulan ng pagkapraning ng rehimen at mga buktot na tagasunod nito na nasa NTF-ELCAC, AFP, PNP at burukrasyang sibil.

Lubos na nakagagalit at dapat kondenahin ng publiko ang pagiging sagadsaring anti-mahihirap at kawalang budhi ng NTF-ELCAC na pati ang mga pagkakawang-gawa, pagtutulungan at pagdadamayan ng taumbayan ay tinatakan nilang mga gawaing propaganda at nagsisilbi para sa rekrutment ng CPP-NPA-NDFP. Ipinapakita lamang nito na nasa kasukdulan na ang paranoya at pagkatakot ng pasistang rehimeng US-Duterte sa mamamayang Pilipino kung kaya’t kahit mga aktibidad ng pagdadamayan at patutulungan sa pagitan ng mahihirap nating kababayan ay itinuturing nilang mga gawaing kontra-gubyerno na kailangang ipatigil at imbestigahan.

Para kay Duterte at NTF-ELCAC, masama na ngayon ang pagdamay at pagtulong sa mga nangangailangan. Masama na ngayon ang mga gawaing kawang-gawa at pagdadamayan ng mga mahihirap. Pananakot at red-tagging ang tugon ng NTF-ELCAC para hadlangan ang anumang pagsisikap ng mga ordinaryong mamamayan na tumindig sa sarili at gumawa ng sariling paraan para kahit paano maibsan ng bahagya ang kanilang paghihirap na kung saan ang gubyernong Duterte ang pangunahing salarin. Sa ginagawang ito ng NTF-ELCAC, AFP at PNP, lalo lamang nilalantad ng gubyernong Duterte ang sarili bilang kaaway ng sambayanang Pilipino. Lalo lamang nitong pinalalalim ang hukay na paglilibingan ng kanyang tiwali at brutal na rehimen.

Sobra na at dapat nang kumilos ang taumbayan para ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte. Tanging sa pagpapatalsik kay Duterte sa kapangyarihan magaganap ang pagbubuwag sa NTF-ELCAC at sa gayon matitigil na ang red-tagging and anti-communist witch-hunting sa bansa. Hindi na dapat pang antayin ang halalan sa Mayo 2022. Habang nanatili sa kapangyarihan si Duterte patuloy pang dadami ang mga mamamatay nating mga kababayan sa hirap at gutom dahil sa kriminal na kapabayaan ni Duterte sa paglaban sa pandemyang Covid-19, sa kanyang madugo ngunit pekeng kampanyang kontra-droga at sa pinatutupad niyang kontra-rebolusyonaryong gyera laban sa CPP-NPA-NDFP at sambayanang Pilipino.

Ang NDFP-ST ay laging kaisa at sinusuportahan ang anumang inisyatiba at pagkilos ng sambayanang Pilipino para patalsikin sa kapanyarihan ang inutil, korap, taksil, kriminal at mamamatay taong si Rodrigo Roa Duterte.###

https://cpp.ph/statements/bayan-magkaisa-ipagtanggol-ang-mga-community-pantry/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.