Sunday, March 28, 2021

CPP/NPA-Mindoro: Labanan ang panibagong pambobomba ng rehimeng Duterte sa mga katutubo at magsasaka sa Mansalay-Roxas, Oriental Mindoro

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 27, 2021): Labanan ang panibagong pambobomba ng rehimeng Duterte sa mga katutubo at magsasaka sa Mansalay-Roxas, Oriental Mindoro

MADAAY GASIC
SPOKESPERSON
NPA-MINDORO (LUCIO DE GUZMAN COMMAND)
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

MARCH 27, 2021



Kondenahin at buong lakas na labanan ang panibagong serye ng pambobomba na ginagawa ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng 203rd Brigade sa mga katutubo at magsasaka sa Mansalay at Roxas, Oriental Mindoro. Pagsasakatuparan ito sa utos ng baliw na si Duterte na “patayin ang lahat ng mga NPA at Komunista!”

Malademonyong binomba ng pasistang rehimen at ng 203rd Brigade ang mga pamayanan at sakahan ng mga katutubo mula hapon ng Marso 25 hanggang Marso 26. Batay sa natanggap na ulat ng LdGC, mula gabi ng Marso 25 hanggang maghapon ng Marso 26, umabot sa 11 bala ng kanyong howitzer ang pinasabog ng 203rd Brigade sa mga sakahan at komunidad ng katutubo at magsasaka sa hangganan ng Mansalay at Roxas. Dahil dito, lumikas na ang libu-libong residente sa hindi bababa 15 sityo ng dalawang bayan, laluna ang mga nakatira sa Brgy. Panaytayan at San Vicente. Apektado ang tinatayang higit 15,000 populasyon ng dalawang barangay.

Ginawa ng 203rd Brigade sa pamumuno ni Col. Augusto Villareal ang pambobomba dahil sa pagkatalo ng mga ito sa labanan matapos na lusubin nila ang isang yunit ng LdGC-NPA Mindoro sa sityo Kulitob, Panaytayan, Mansalay noong ika-2 ng hapon ng Marso 25. Matagumpay na naisagawa ng isang iskwad ng yunit ng LdGC ang aktibong pagdepensa laban sa umatakeng kaaway. Napatay ang 5 at nasugatan naman ang 3 sa pasistang tropa ng 203rd Brigade habang ligtas na nakaatras nang walang pinsala ang pwersa ng NPA. Nakaiwan lamang ng ilang kagamitang militar ang yunit ng NPA sa lugar ng pinaglabanan.

Kasuklam-suklam ang pambobomba ng rehimen sa mamamayan. Tanging mga sakahan, bahay at mamamayang katutubo at magsasaka ang tinatamaan nito. Mga demonyo lamang na walang malasakit sa kapakanan ng mamamayan ang makasisikmura ng ganitong atrosidad.

Lalong nakagagalit ang ganitong makahayop na akto ng 203rd Brigade sa harap ng panibagong pagsikad ng mga kaso ng Covid-19 sa Mindoro at buong bansa dahil sa kapalpakan ng rehimeng US-Duterte. Nagwawaldas ito ng pera ng taumbayan sa mga biniling bomba at mga kagamitang pandigma upang gamitin laban sa mamamayan. Ginawa pa mandin ito sa panahong naghahanda ang mga katutubo at magsasaka ng kanilang mga sakahan at taniman para makaagdong sa kahirapang dulot ng pandemya at ng mga kontra-magsasaka’t kontra-katutubong patakaran ng rehimen.

Buong lakas nating labanan ang kabuhungang ito! Kailangang buklurin ang lakas ng mamamayan para pagbayarin nang mahal ang teroristang rehimeng Duterte.

Tinatawagan namin ang lahat ng mga MindoreƱo na gawin ang buong makakaya upang tulungan ang mga katutubo at magsasakang biktima ng pambobomba ng 203rd Brigade. Nananawagan din kami sa lahat ng mga opisyal ng LGU na tumindig laban sa terorismo ng rehimen at ipagtanggol ang kanilang nasasakupang mamamayan. Igiit na igalang at ipatupad ang karapatang pantao at Internasyunal na Makataong Batas alinsunod sa kasunduang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa pagitan ng GRP at NDFP.

Tinatawagan namin ang lahat ng mamamayang MindoreƱo na may kapasidad na humawak ng armas na sumapi sa NPA. Walang ibang epektibong paraan upang sugpuin ang halang-ang-kaluluwang estado ng rehimeng Duterte at ang kanyang armadong pwersa kundi tapatan ng mas malakas na armadong paglaban ng sambayanang Pilipino.

Sa okasyon ng ika-52 anibersaryo ng NPA, makakaasa ang lahat na lalong pag-iibayuhin ng LdGC ang pagpapalakas sa sarili para pagbayarin nang mahal ang rehimen at ang kanyang berdugong armadong pwersa.###

https://cpp.ph/statements/labanan-ang-panibagong-pambobomba-ng-rehimeng-duterte-sa-mga-katutubo-at-magsasaka-sa-mansalay-roxas-oriental-mindoro/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.