Friday, January 22, 2021

CPP/NDF-ST: Labanan ang panunupil sa kalayaang akademiko at iba pang demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino! Tutulan ang makaisang panig na terminasyon ng 1989 UP-DND Accord!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 20, 2021): Labanan ang panunupil sa kalayaang akademiko at iba pang demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino! Tutulan ang makaisang panig na terminasyon ng 1989 UP-DND Accord!

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

JANUARY 21, 2021



Ipinaparating ng National Democratic Front of the Philippines – Southern Tagalog (NDFP-ST) ang mahigpit nitong pakikiisa sa sambayanang Pilipino, lalo na sa buong komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), sa pagkondena at pagtutol sa makaisang panig na terminasyon o pagpapawalambisa na ginawa ni Secretary Delfin Lorenzana ng Department of National Defence (DND) sa umiiral na 1989 UP-DND Accord o pinaunlad na bersyon ng Enrile-Sotto Accord ng 1982.

Sa saligan, makaisang panig na tinapos ng pasistang rehimeng US-Duterte ang 2 kasunduang naglalatag ng mga alituntunin at gabay kaugnay sa pagkakaroon ng presensya ng mga pulis at sundalo sa loob ng mga kampus ng UP. Sa partikular, sa magiging kondukta ng pulis at sundalo sa mga gagawin nitong operasyon sa pagsisilbi ng search and warrant of arrests sa mga estudyante, guro at propesor, istap, empleyado at constituents sa iba’t ibang kampus ng UP sa bansa.

Kung babalikan ang kasaysayan, pinagtibay ang kasunduan ng UP at DND para maiwasang maulit ang nangyaring insidente sa pagdukot, pagpapahirap at sapilitang pagpapaamin kay Donato Continente, istap ng Philippine Collegian ng UP Diliman Campus, na siya ang pumatay sa isang sundalong Amerikano. Ang UP-DND Accord ay pinirmahan noong June 30, 1989, labing-apat na araw matapos ang pagdukot ng mga armadong pwersa ng estado kay Continente sa loob ng UP Diliman Campus noong June 16, 1989.

Nakasaad sa kasunduan na kailangan munang ipagpaalam ng mga pulis at sundalo sa administrasyon ng UP ang gagawin nitong operasyon sa kampus, kabilang ang pagsisilbi ng search and arrest warrants. Hindi maaaring basta na lamang pumasok sa loob ng UP campuses ang mga pulis at sundalo liban kung nasa panahon ng emerhensya, kung nasa aktwal na pagtugis sa suspek na nakagawa ng krimen at kung may hinihiling na tulong ang administrasyon ng UP mula sa mga pulis at sundalo. Kailangan din munang paabutan ng pulisya at militar, sa pinakamaagang kakayaning panahon, ang administrasyon ng UP kung sila’y may aarestuhing estudyante, guro, personel ng UP at iba pa. Dagdag pa, walang sinumang mag-aaral, guro at empleyado ng UP ang maaaring isailalim sa custodial investigation ng pulis nang hindi muna nito ipinapaalam sa Presidente o Chancellor ng UP at walang presensya ng abugado.

Nakasaad din sa kasunduan na ipinagbabawal sa mga armadong pwersa ng estado na manghimasok sa mapayapang kilos protesta na isinasagawa sa loob ng alinmang kampus ng UP sa bansa dahil ito’y nasa responsibilidad at pananagutan ng mga opisyal ng Unibersidad.

Dahil makaisang panig na tinatapos ng rehimeng Duterte ang kasunduan, lahat ng ipinagbabawal na nakasaad sa 1989 UP-DND Accord ay buong laya na nilang magagawa. Ang mga probisyon sa UP-DND Accord na nangangalaga at nagbibigay proteksyon sa karapatang pantao at wastong proseso sa pagpapatupad ng batas ay maisasantabi na. Anumang oras ay malayang magagawa ng mga pasistang tropa ni Dutere na pasukin at militarisahin ang mga kampus ng UP at iba pang unibersidad at kolehiyo sa bansa. Ang mangyayari pa, ipapailalim nito sa tipong batas militar na paghahari ang mga kampus ng UP, iba pang State Universities and Colleges (SUC’s) at ilang mga pribadong unibersidad at kolehiyo sa bansa na pinararatangan ni Duterte na diumano’y “hotbed ng recruitment para sa CPP-NPA-NDFP”.

Ang hindi magawa ni Duterte na pagdurog o pagpapahina man lang sa rebolusyonaryong kilusan ay kanyang ibinaling sa panunupil sa mga kabataan at estudyante na patuloy ang paglawak at paglakas ng kanilang sektoral na kilusan laban sa mga katiwalian, kabulukan at palpak na pamamalakad sa gubyerno ng pasistang rehimeng US-Duterte. Ibinaling ni Duterte ang kanyang galit sa mga progresibong kilusan ng kabataan at estudyante na malakas na nananawagan para sa kanyang pagpapatalsik.

Sa ginawang pagbasura sa UP-DND Accord, tiyak na susupilin ng rehimeng Duterte ang kalayaang akademiko, pamamahayag, paniniwala, assembliya at iba pang karapatang pantao ng mga mag-aaral, guro at empleyado ng UP at iba pang unibersidad at kolehiyo sa bansa. Nais ni Duterte na kitlin ang aktibismo ng mga estudyante upang halinhan ito ng mangmang, nakabusal ang bibig, panatiko at pasistang kilusan ng mga kabataan tulad ng mga kabataang Nazi ni Hitler. Nais ni Duterte na ipatupad sa loob ng mga kampus ng UP at iba pang unibersidad at kolehiyo ang kanyang tiranikong paghahari sa tabing ng marumi at madugong kontra rebolusyonaryong digma laban sa CPP-NPA-NDFP.

Marapat lamang na magkaisa ang taumbayan para mariing kondenahin at labanan ang panibagong hakbang na ito ng pasistang rehimeng US-Duterte na ipatupad ang panunupil at pasismo ng estado maging sa loob ng mga kampus ng UP na kinukunsiderang balwarte ng kalayaang akademiko at karapatang sibil. Ang unilateral na terminasyon ng 1989 UP-DND Accord ay malinaw na panibagong desperadong hakbang ng pasistang rehimeng US-Duterte upang patahimikin ang lahat ng kanyang mga kritiko sa hanay ng akademya at iba pang mga institusyong akademiko. Ito’y isa na namang hakbang sa pananakot, intimidasyon at panunupil ng rehimeng Duterte sa mga bumabatikos sa kanyang mga katiwalian, kainutilan at kriminal kapabayaan mula sa hanay ng akademya. Labis ang pagkatakot ni Duterte sa mga pamantasan, akademya at institusyong akademiko na hayagang nagsasalita at naninidigan sa pagtatanggol sa karapatang pantao, sa kalayaan sa pamamahayag, pananalita, pagtitipon at maging sa paghuhubog ng opinyong publiko. Ang pagpuntirya ni Duterte sa UP ay para gipitin at alisan ng mahalagang papel na ginagampanan ang UP bilang malakas na institusyon na nagtatanggol sa kalayaang akademiko at sa mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil ng mamamayang Pilipino. Nais ni Duterte na patahimikin ang UP Communities sa mga pagbatikos nito sa kanyang walang pakundangang mga pagpatay at paglabag sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino dahil sa kanyang madugo ngunit pekeng gyera kontra-droga at sa kontra-rebolusyonaryong digma laban sa rebolusyonaryong armadong pwersa ng mamamayang Pilipino.

Tinatamasa ngayon ng UP Community ang malawak na suporta mula sa taumbayan at mula sa mga nagsipagtapos sa unibersidad, kabilang ang ilang mambabatas at dating matataas na opisyal ng gubyerno sa pagtutol sa makaisang panig na terminasyon ng UP-DND Accord ng pasistang rehimeng US-Duterte. Ipinanawagan nila na i-atras ng gubyernong Duterte ang desisyon nitong tapusin ang UP-DND Accord of 1989.

Naniniwala ang NDFP-ST na hindi palulupig at aatras ang UP sa paglaban at pagtatanggol sa kalayaang akademiko na matagal na nilang matagumpay na naigiit sa panahon ng diktadurang Marcos at patuloy na tinatamasa hanggang sa kasalukuyan ng unibersidad. Kanilang lalabanan at bibiguin sa pangalawang pagkakataon ang pakana ng pasistang rehimeng Duterte na supilin ito. Nagkakamali si Duterte na kaya nitong paluhurin ang UP Community sa kanyang mga tiraniko at diktaduryang hakbang. Napatunayan na sa maraming pagkakataon na nakibaka at lumahok ang UP Community sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986 at sa pagpapatalsik sa korap na si Joseph Estrada noong Enero 2001. Sa ginawang pagbabasura ni Duterte sa UP-DND Accord , lalo lamang siyang nahiwalay sa taumbayan at pinabibilis ang mga salik para sa pagpapatalsik sa kanya sa kapangyarihan.

Samantala, laging bukas ang pinto ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagtanggap sa sinumang kabataan at estudyante, mga guro at empleyado at iba pang sektor na ginigipit ng rehimen at magpapasyang sumapi sa New People’s Army at magsulong ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) na may sosyalistang perspektiba. Kailangan lamang na matupad ng sinumang boluntaryong sasapi sa NPA ang nilalaman ng Saligang Alituntunin ng NPA sa Pagsapi tulad ng minimum na 18 taon gulang, may malusog na pangangatawan at isip, handang suungin ang mga kahirapan at sakripisyo sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan at laging ipinauuna ang kapakanan at interes ng sambayanang Pilipino kaysa sa sarili. Ang tagumpay ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ang maghahatid sa sambayanang Pilipino sa tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganaan. Sa balangkas ng demokrasyang bayan, ibayong yayabong ang pambansa, syentipiko at makamasang sistema ng edukasyon na pangunahing isusulong ng mga akademikong institusyon sa ilalim ng bagong lipunang itatatag ng sambayanang Pilipino. ###

https://cpp.ph/statements/labanan-ang-panunupil-sa-kalayaang-akademiko-at-iba-pang-demokratikong-karapatan-ng-mamamayang-pilipino-tutulan-ang-makaisang-panig-na-terminasyon-ng-1989-up-dnd-accord/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.