Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 2, 2020): Sa gitna ng pandemya,Pagbuhos ng pondo ni Duterte sa mga kagamitang pandigma, isang kriminal na kapabayaan
ARMANDO CIENFUEGOSPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
NOVEMBER 02, 2020
Walang kapatawarang kriminal na kapabayaan ang pagbuhos ng rehimeng Duterte ng bilyon-bilyong pondo para sa pagbili ng mga kagamitang pandigma sa gitna ng pagragasa ng pandemya, labis na pagdarahop at pigapit na kalagayan ng mga mamamayang walang maipantawid-gutom sa araw-araw. Milyon-milyong pamilya ang nagtitiis sa gutom dahil nawalan ng hanapbuhay at trabaho. Higit pa, pinahihirapan sila ng ipinatutupad na militaristang lockdown sa buo-buong populasyon sa kanayunan at kalunsuran.
Mas inuna pa ni Duterte ang paggastang militar para palakasin ang kampanya sa pagsupil at terorismo ng estado laban sa nakikibakang mamamayan para sa kanilang lehitimong kagalingan at karapatan. Dumating noong Setyembre ang Gulfstream G280 command and control aircraft mula sa US, 4 na Super Tucano attack aircraft mula sa Brazil, 3 Hermes 900 at 1 Hermes 450 unmanned aerial vehicles o UAV mula sa Israel.
Samantala, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit at hindi pa rin natutugunan ang kahilingan ng mamamayang Pilipino na libreng mass testing, libreng pamamahagi ng face masks at personal protective equipment (PPE) para sa mga medical frontliners, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang pangkalusugan at iba pa.
Sa kabilang banda, aabot sa P4.968 bilyon ang kontrata para sa Super Tucano habang ang buong proyekto ng pagpasok sa UAV ay nagkakahalaga ng P8.47 bilyon. Ang G280 ay nagkakahalaga ng P2 bilyon. Labas pa rito ang gastos sa transportasyon kung saan ang Super Tucano ay ibinyahe mula pa sa Brazil at dumaan pa sa Canary Islands, Portugal, Malta, Egypt, Bangladesh, the United Arab Emirates, India, Thailand at Vietnam para magpagasolina bago nakarating sa Pilipinas.
Napakalaking halaga ang winawaldas sa larangang militar habang tinatayang P3.16 lamang ang badyet sa kalusugan para sa bawat Pilipino sa taong 2021.
Ang G280 ay nagsisilbing luho at pansariling gamit ni Duterte at kanyang mga alipores. Taong 2018 pa niya pinapangarap na magkaroon ng sariling eroplanong pambyahe at 2019 pinirmahan ang kontrata nito sa US. Nakinabang ang imperyalistang US sa pagbili ng rehimen sa napakamahal at magarbong G280. Sa ngayon, tigas-mukhang ginamit ito ng IATF sa tabing ng pandemya. Ang kada byahe nito ay aabot sa P195,000 kada oras.
Ang mga armas-pandigmang ito ay dagdag na pasakit at pagdurusa sa mamamayan lalo sa kanayunan. Kahit sa gitna ng krisis ng COVID-19, walang habas na binobomba ng rehimen ang mga komunidad sa kanayunan na pinaghihinalaang base ng NPA. Nagpapatuloy rin ang mga focused military operations ng AFP-PNP na higit na nagpapataas ng risgo sa pagkalat ng virus dahil sa pag-ooperasyon ng mersenaryong militar nang walang suot na face masks at PPE at di-pagtupad sa physical distancing.
Samantala, nagpapatuloy ang pagsisikap ng mga yunit ng NPA at ng demokratikong gubyernong bayan sa pagbibigay ng serbisyong kalusugan at kaalamang medikal sa masa para iwasan at sansalain ang COVID-19. Kahit nagpapatuloy ang mga atake ng AFP-PNP sa kanayunan, patuloy ang paglilingkod ng mga yunit ng NPA sa mamamayang apektado ng COVID-19. Sa Timog Katagalugan, nagsilbing frontliners ang mga yunit ng NPA na pangunahing tinutukan ang malaganap na kampanyang edukasyon para bigyan ng kaalaman at hakbangin ang mamamayan laban sa COVID-19. Kinatulong ng bawat yunit ang mga komite sa kalusugan at nagsagawa ng kampanyang sanitasyon sa mga komunidad.
Walang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa terorista at tiranikong rehimen. Lalong kinamumuhian ng mamamayan ang pagkagahaman at patuloy na pagkakapit-tuko ni Duterte sa kapangyarihan habang kalunus-lunos ang kalagayan ng sambayanan. Sa gitna ng terorismo at mga pakana ng rehimen na itatag ang kanyang diktadura, nagiging malinaw sa mamamayang Pilipino ang solusyon tungo sa paglaya mula sa kasalukuyang mapang-aping sistema: ang pagtahak sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon upang ibagsak ang paghahari ng malalaking kumprador-panginoong maylupa-burukrata na kinatawan ng diktador at tiranong si Duterte.###
https://cpp.ph/statements/sa-gitna-ng-pandemyapagbuhos-ng-pondo-ni-duterte-sa-mga-kagamitang-pandigma-isang-kriminal-na-kapabayaan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.