Monday, September 7, 2020

Tagalog News: Kilos ng mga rebelde, programa para sa mamamayan, tinalakay sa pagpupulong

From the Philippine Information Agency (Sep 7, 2020): Tagalog News: Kilos ng mga rebelde, programa para sa mamamayan, tinalakay sa pagpupulong (By Dennis Nebrejo)


Nagpulong ang mga kasapi ng PLEDS upang talakayin ang mga programa para sa mga nakatira sa kabundukan at alamin ang kilos ng mga rebeldeng NPA na ginanap sa 203rd Infantry Brigade sa Bansud noong Setyembre 3. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

BANSUD, Oriental Mindoro, Setyembre 7 (PIA) -- Isinagawa ang Oriental Mindoro Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) cluster meeting, na kinabibilangan ng mga kasapi mula sa Philippine Army (PA), Philippine National Police (PNP) at ibang mga ahensiya ng pamahalaan upang ipabatid ang kilos ng mga rebelde at mga programa para sa mamamayan.

Ito ay ginanap sa 203rd Infantry Brigade, Brgy. Pag-asa sa bayang ito noong Setyembre 3.

Ang nasabing pagpupulong ay may kaugnayan sa sitwasyon ng insurhensiya sa lalawigan na kabilang sa mga plano at programa ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC).

Sa ulat ni Army Capt. Russell Lucena, ang malaking grupo ng News Peoples Army (NPA) na nago-operate sa buong isla ng Mindoro ay ang Lucio De Guzman Command. Aniya, “ginagamit nila ang mga katutubong mangyan sa pagpapalakas ng kanilang pwersa na nagsisilbing gabay sa mga lugar sa kabundukan at tagapaghatid ng mga subersibong dokumento at mga armas sa mga kinukuha nilang maging miyembro.”

Huling naitalang enkwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa buong isla nito lamang taon ay umabot sa 14 na nagsimula noong Enero 14 sa Sitio Buhuan, Brgy. Bugtong na Tuog, Socorro at ang huli ay noong Hunyo 4 sa Sitio Nagpilian, Brgy. Mangangan, Baco.

Ayon pa sa military, ang kasalukuyang bilang ng mga rebelde na nakakalat sa mga bundok ay nasa halos 200.

Samantala, sa ulat naman ni PLtCol. Telesforo Domingo ng OrMin Prov’l Police Office (PPO), “naging tahimik ang mga rebelde nitong nakaraang dalawang buwan na marahil ay nagpa-plano ng panibagong opensiba kaya dapat na tayo ay maging alerto habang patuloy ang aming pagsasagawa ng mga checkpoints sa bawat bayan. Malaki ang problemang ating kinakaharap na dapat ay kaisa natin ang mamamayan sa pangangalaga ng kapayapaan upang mapanatili ang maayos na bansa.”

Sa huli, nanawagan ng pakikiisa si 203rd Brigade Commander Col. Jose Augusto Villareal. Aniya “hinihikayat ko ang mga kasaping ahensiya ng pamahalaan na tulungan kami upang huwag nang tangkilikin ng mga mamamayan ang alok ng mga rebelde na sumapi sa kanila. Tulad ng pag-aanunsiyo ng mga programa sa pamamagitan ng media, pagtuturo ng mga gawaing pangkabuhayan, edukasyon sa mga bata at iba pa. Makipagkoordinasyon kayo sa amin at kami ang magpapatupad ng seguridad sa mga lugar at iyan ang aming garantiya sa mga ahensiya.”

Dumalo din sa nasabing pagpupulong sina Department of Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Ulysses Feraren, Atty. Dickson Maraneg ng National Bureau of Investigation (NBI), Eden Cenon na kumatawan sa mga katutubo mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at sa Philippine Information Agency – OrMin. (DN/PIA-OrMin)

https://pia.gov.ph/news/articles/1052206

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.