Wednesday, September 23, 2020

Tagalog News: Kapabilidad ng PTF ELCAC StratCom cluster sa Palawan, hinasa

From the Philippine Information Agency (Sep 23, 2020): Tagalog News: Kapabilidad ng PTF ELCAC StratCom cluster sa Palawan, hinasa (By Leila B. Dagot)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 23 (PIA) -- Idinaos ng bumubuo ng Strategic Communications (StratCom) Cluster ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa Palawan ang isang capability enhancement conference at workshop kamakailan.

Dito ay nakiisa ang lahat ng kinatawan at information officer (IO) ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa lalawigan na miyembro ng cluster.

Layunin ng gawain na mas mapalakas pa ang kasanayan ng mga itinalagang tagapagsalita ng mga ahensiya ng gobyerno upang maiparating at maipaunawa ng husto sa mga mamamayan ang nararapat na impormasyon hinggil sa mga proyekto at programang ipinatutupad nito.

Sa gawain, tinalakay ni Provincial Information Officer Winston Arzaga, chairman ng StratCom Cluster ang ‘fundamentals of information and messaging’.

Aniya, mahalaga ang papel ng mga IO ng isang ahensiya para sa mas mainaw na kamalayan ng publiko sa mga hangarin ng pamahalaan.

Binigyang diin naman ni Col. Louie Villanueva, pinuno ng U7 ng Western Command (WesCom) at focal person ng StratCom Cluster na ang tama at maayos na pagbibigay ng impormasyon sa publiko ay mabisang sandata upang hindi maligaw ng landas ang mga mamamayan lalo na ang mga nasa malalayong komunidad.

Kailangan din aniya ito upang hindi mahikayat ang pamayanan ng grupo ng New People’s Army (NPA).

Sa naturang workshop, siniguro naman na naipatupad ng maayos ang mga health protocols para sa proteksyon ng bawat isa sa gitna ng pandemya.

Ang StratCom Cluster ay isa lamang sa 12 clusters na bumubuo sa Provincial Task Force ELCAC na siyang inatasan para sa matagumpay na hangarin ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. (LBD/PIAMIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1054074

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.