Wednesday, September 16, 2020

Kalinaw News: Dalawang kalansay ng pinaniniwalaang mga miyembro ng NPA sa Cagayan, natagpuan

Posted to Kalinaw News (Sep 16, 2020): Dalawang kalansay ng pinaniniwalaang mga miyembro ng NPA sa Cagayan, natagpuan
Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela- Sa isinagawang pinagsanib pwersang pagpapatrolya ng 17th Infantry Battalion, 5th Infantry Division, Philippine Army; Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at ng Baggao Municipal Police Station (MPS) sa bahagi ng KM 16, Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan ay natagpuan ang kalansay ng dalawang miyembro ng New People’s Army sa ilalim ng Northern Front Committee ng Komiteng Rehiyon- Cagayan Valley (NFC/ KR-CV) noong ika-14 September 2020.

Isang residente ang boluntaryong nagbigay ng impormasyon sa mga otoridad tungkol sa mga inilibing sa nasabing lugar. Kinompirma naman ng mga sumukong rebelde, na ang mga kalansay ay labi ng mga dati nilang kasamahan na namatay sa engkwentro sa pagitan ng kapulisan noong 2016.
Ang mga nahukay na kalansay ay pinaniniwalaang sina Ka Albay na residente ng Asinga Via, Baggao at si Ka Hector isang Agta na residente naman ng Zinundungan Valley, Rizal.

Sa kasalukuyan ay patuloy na sumasailalim sa pagsisiyasat ng Regional Crime Laboratory ng Police Regional Office 02 (PRO-2) ang mga naturang kalansay para sa mga karagdagan pang impormasyon sa pagkakakilanlan upang maipagbigay alam sa kani-kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Lt Col Angelo Saguiguit, Battalion Commander ng 17IB, na walang kahihinatnang kinabukasan sa pagsampa sa rebeldeng grupo dahil sila mismo ang umaabuso sa mga karapatang pantao ng kanilang mga kasapi. “Isa po itong patunay na hindi pinapahalagahan ng mga NPA ang buhay ng kanilang mga kasama at hindi nila kinikilala ang karapatang pantao ng sinuman. Isang taktika ng mga NPA ang hindi pagbibigay alam kanino man tungkol sa mga kasamahan nilang nasasawi sa mga engkwentro upang hindi makaapekto sa kanilang pagre-recruit. Isa itong babala sa lahat ng mga magulang at sa mga kabataan upang maiwasan ang panlilinlang ng kalaban.”

Sa mensahe naman ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, PA, ang mga nahukay na mga kalansay ng mga miyembro ng rebeldeng grupo ay patunay lamang ng pagyurak at kalapastanganang ginagawa ng mga teroristang NPA sa kanilang sariling kasamahan. “Nakikidalamhati kami sa mga pamilya ng mga pinabayaang miyembro ng NPA. Sila ay mga biktima ng mapanlinlang na ideyolohiya na naghatid sa kanila sa kamatayan. At sa kanilang kamatayan ay hindi man lang sila nabigyan ng disenteng libing ng kanilang mga pinuno. Patunay lamang ito na walang pakialam sa mga kasapi ang mga pinuno at cadre ng CPP-NPA. Ginagamit lamang sila upang isulong ang kanilang pansariling interes.”

Dagdag pa ni BGen Mina na gagawin nila ang lahat ng nararapat kasama ng kapulisan at ng lokal na pamahalaan upang maibalik ang mga kalansay sa kanilang mga pamilya ng maipalibing sila ng maayos at ng may dangal.







[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/dalawang-kalansay-ng-pinaniniwalaang-mga-miyembro-ng-npa-sa-cagayan-natagpuan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.