Posted to Kalinaw News (Jun 29 2020): Peace rally ng KRM sa Bukidnon dinaluhan ng Spokesperson NTF – ELCAC (KRM in Bukidnon slams NPA; supports gov’t program (By 10TH INFANTRY DIVISION)
Camp General Manuel T Yan Sr., Mawab, Davao de Oro- Dumalo si NTF – ELCAC Spokesperson Undersecretary Lorrain Badoy sa peace rally ng mahigit tatlong daan na dating mga miyembro ng Kilusang Rebolusyonaryo sa Munisipyo o KRM noong Sabado, ika-27 ng Hunyo 2020 sa Bayan ng San Fernando, Bukidnon.
Matatandaan noong Agosto taong 2019, ang Underground Mass Organization na kalaunan ay naging KRM at pinamunuan ni Datu Claudio Talaytay na may kabuuang mahigit isang libong miyembro ay tuluyan ng nabuwag at sumuko sa pamahalaan.
Kinondena ng KRM ang ginawang pag organisa ng mga NPA sa kanila. Ayon sa tinalagang alkalde ng KRM batid nila ang hirap ng sitwasyong pangkabuhayan ng kanyang mga katribu. Sa isang panayam, sinabi ni Datu Claudio na ang binuong KRM ay nagdulot ng pagkabahala at pagtigil ng ilan sa pagsasaka dahil ginagamit lamang ito ng mga NPA sa kanilang sariling kapakanan. “Ang iba ay naging milisyang bayan at mayroon din sumampa sa NPA kaya kinukondena namin ang kanilang panlilinlang at panggugulo sa aming kabuhayan. Sa labing anim na taon naming pagsuporta sa mga NPA, walang magandang nangyari sa buhay namin. Sampu ng aking mga kasamahang tribu, kami’y lubos na nagpapasalamat sa Philippine Army, lalo’t higit sa 89IB na kami ay nabigyan ng tulong mula sa pamahalaan.”
Dala-dala ng mga miyembro ng KRM ang mga plakard na nagpapahayag ng kanilang pagkagalit sa NPA, pagkadismaya sa mga pangako nito, pagpapatigil sa gawaing komunismo at terorismo at ang panawagang magbalik-loob sa pamahalaan ang mga NPA.
Samantala, ikinatuwa naman ni Undersecretary Badoy ang naging desisyon ng mga miyembro ng KRM na tapusin na ang ugnayan nito sa mga teroristang NPA. Aniya, “sa isang IP summit nalaman ng Pangulong Duterte na kayo pala ang inaabuso, ginagamit nitong mga teroristang NPA. Noong Disyembre 2020, Nabuo ang NTF-ELCAC dahil sa inyo. Ako’y natutuwa dahil nakikita n’yo na ngayon kung sino ang tunay na mga bayani.”
Gayundin ang saloobin ng Division Commander 10ID Major General Reuben S Basiao, at kanyang sinabi “malaki ang aking pasasalamat sa ating mga Local Chief Executives, mga board members, sa mga opisyales ng NTF- ELCAC na naririto ngayon upang makita ang tunay ninyong kalagayan at mapaabot sa nasyunal ang inyong pangangailangan. Natutuwa akong makita ang epekto ng Executive order 70 o ang Whole of Nation approach to end local communist armed conflict. dahil nandyan kami buhat noong simula hanggang ito ay isagawa. Hindi ito mangyayari kung sundalo lamang ang nandyan…Personal kong pinapasalamatan ang kasundaluhan lalo na ang Battalion Commander dahil pinakita ninyo na walang pang-aabuso, lagi ninyong inaatupag na matulungan ang mga mamamayan.”
Siniguro naman ng 89IB na maipaabot ang kinakailangang tulong mula sa pamahalaan para sa mga dating miyembro ng KRM. Samantala, nauna ng isinailalim nito sa tatlong araw na Live-in seminar ang mga miyembro ng KRM upang higit na maunawaan ng mga ito ang tunay na layunin ng mga teroristang NPA sa pag-oorganisa ng masa sa kanayunan.
Batid ng kasundaluhan na kinakailangang magkaroon ng psycho-social, socio-economic, at edukasyon upang manumbalik ang kompyansa ng mga tao sa pamahalaan. Kaya naman, sa pakikipag-ugnayan ng 89IB sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang sa nagbigay ng pagtuturo ang Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Interior and Local Government, Department of Trade and Industry, Department of Education, Department of Social Welfare and Philippine National Police upang ipabatid sa kanila ang mga programa at proyektong pangkabuhayan na makakatulong sa kanilang pagbabagong buhay.
Nasa Limang People’s Organization (PO) ang nabuo ng Community development team ng 89IB mula sa mga miyembro ng KRM, lahat ay rehistrado na sa DOLE Bukidnoon. Nakatanggap na sila ng paunang tulong-pangkabuhayan mula sa Nasyunal at lokal na ahensya ng pamahalaan.
Nilalayon ng peace rally na ipabatid sa mga mamamayan ang masamang epekto ng pagsali sa armadong pakikibaka at pag-anib sa mga alyadong organisasyon nito.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/peace-rally-ng-krm-sa-bukidnon-dinaluhan-ng-spokesperson-ntf-elcac-krm-in-bukidnon-slams-npa-supports-govt-program/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.