Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 3, 2020): NPA-Albay: Masang Albayano, Tutulan ang Nagpapatuloy na Militarisasyon at Banta ng Martial Law ni Duterte at ng AFP!
Pinatutunayan ng bantang Batas Militar ni Duterte ang palpak, pabaya at kriminal na pagharap ng rehimen sa krisis pangkalusugang hatid ng COVID-19. Sa halip na itigil, ginagamit ni Duterte ang walang habas na operasyong militar ng AFP at PNP laban sa Bagong Hukbong Bayan bilang tuntungan para isakatuparan ang kanyang ambisyong pasistang diktadura para patahimikin at supilin ang mamamayang nag-aalsa sa lumulubhang krisis.
Sa halip na maghanap ng solusyon para pigilan ang papalubha pang krisis, walang ibang inaatupag si Duterte at ang mga payaso nito sa AFP-PNP kundi patindihin pa ang pananalakay sa BHB sa kabila ng unilateral na tigil-putukang idineklara ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa gitna ng krisis na hatid ng COVID 19, patuloy ang walang habas na pang-aatake ng AFP at PNP sa masang Bikolano gamit ang mga operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) at focused military operations (FMO) sa ilalim ng EO 70. Ang AFP ang numero unong lumalabag sa lockdown sa pambubulabog nito sa mga komunidad para ipagpatuloy ang kampanyang pagpapasurender, panunupil at pandarahas laban sa masang magsasaka.
Sa Masbate, tuluy-tuloy pa ang mala-Negros na istilo ng pandarahas sa pangunguna ng 2nd Infantry Battallion, 96th MICO at 91st at 93rd Division Reconnaisance Companies at PNP-Masbate. Sa bayan ng Monreal, apat na magsasaka ang pinaslang ng militar sa gitna ng paglaganap ng COVID-19. Kabilang rito ang mag-amang sina Dionisio De La Cruz, 47 taong gulang at Jerome dela Cruz, 25 taong gulang na pinatay ng militar noong Abril 30 sa Sityo Dalaquit, Brgy. Macarthur, bayan ng Monreal, isla ng Ticao sa Masbate. Pinalabas ng 9th IDPA na napaslang ang mag-ama sa isang engkwentro.
Masahol, isinasangkalan nila ang pamimigay ng ayuda para sa kontra-insurhensyang pakana. Ipinalalabas nilang sinasabotahe ng NPA ang pamimigay ng mga ayuda at relief para patindihin pa ang operasyong militar nito sa mga komunidad at masahol, upang kontrolin at nakawin ang pondo. Sa Libon, Albay, inambus ng bandidong grupong Concepcion sa basbas ng AFP ang tim na namimigay ng Social Amelioration at ipinalabas na kagagawan ng NPA. Sa ilan pang mga bayan sa prubinsya, kasabay sa pamamahagi ng amelioration, namamahagi rin ang PNP ng mga polyeto kaugnay sa ECLIP. Sa loob na rin ng ditatsment at kampo namimigay ng mga ayuda.
Sa kabila nito, hindi mapagtatakpan ng bantang Martial Law ang pananagutan ng rehimen sa paglaganap ng COVID-19. Hindi matatakasan ni Duterte ang paniningil ng taumbayang gutom, nawalan ng trabaho at yinurakan ng karapatan. Walang poder si Duterte na igiit ang Batas Militar sa ngalan ng “pagpataw ng kaayusan” sa harap ng magulo, bulagsak at burara nitong pagtugon sa krisis. Nakailang ekstensyon na lamang ng lockdown, hindi pa rin naisasagawa ang mass testing, screening at malawakang contact tracing kaya patuloy pa rin ang paglaganap ng virus. Sa Albay, muling ibinalik sa enhanced community quarantine ang prubinsya subalit hindi pa rin nakukumpleto ang pamimigay ng ayuda. Nagresulta lamang ang libu-libong ipinakat na militar at pulis sa mga tsekpoynt sa libu-libo ring kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Ang nalantad na direktiba ng AFP kaugnay sa pagpapatupad ng Martial Law ay patunay ng kawalang-intensyon at kawalang-sinseridad ng rehimen na tugunan ang tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Kaisa ang mamamayang Pilipino, dapat paghandaan ng masang Albayano ang patraydor at pinalupit pang hakbangin ng rehimeng US-Duterte para makapanatili sa kapangyarihan. Dapat nating ikasa, sa pinakamapanlikhang mga paraan, ang pinakamalawak na kilusang masa upang labanan ang paglaganap ng virus at gapiin ang batas militar ni Duterte at ng AFP. Handang-handa ang BHB-Albay na ipagtanggol ang masang Albayano sa anumang pananalasa at pananalakay ng berdugong pwersang AFP at PNP. Patuloy ang kanilang pagtulong at pag-agapay sa masa sa pagharap at paglaban sa krisis na hatid ng COVID-19. Walang social distancing at lockdown ang makahahadlang sa pagnanais ng mamamayang gapiin ang COVID-19 at ihiwalay at pabagsakin ang pinakamasahol na virus sa bansa-ang Duterte virus.#
https://cpp.ph/statement/npa-albay-masang-albayano-tutulan-ang-nagpapatuloy-na-militarisasyon-at-banta-ng-martial-law-ni-duterte-at-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.