Sa unang Mayo Uno ng bagong dekada, binabati ng Partido Komunista ng Pilipinas at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang uring manggagawa at masang anakpawis sa Pilipinas at sa buong mundo. Bilang partido ng proletaryong Pilipino, ang Partido Komunista ang nangunguna sa pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyon sa Pilipinas para sa pambansang demokrasya at para sa sosyalismo.
Nakikiisa ang Partido sa mga panawagan ng mga manggagawang Pilipino para sa kagyat at sapat na ayuda para sa milyun-milyong mga Pilipinong labis na nagdurusa sa ilalim ng militarista at mapaniil na pagharap ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19. Nakikiisa rin ang Partido sa panawagang kagyat na ipatupad ang kinakailangang mga hakbanging medikal kabilang ang malaganap na testing at isagawa ang mas demokratikong paraan ng pamamalakad sa krisis, sa halip na paraang batas militar.
Ginagamit ng rehimeng Duterte ang kasalukuyang krisis pangkalusugan para iabante ang kanyang iskema para ipataw ang pasistang diktadura. Sa ngalan ng “kaayusan,” ginagamit niya ang brutal na pwersa para pasunurin at payukuin ang lahat, patahimikin ang kritisismo at reklamo, at supilin ang lahat ng lumalaban at nagpoprotesta. Sa ngalan ng pag-iwas na kumalat ang Covid-19, nais niyang ipatupad na “bagong normal” ang mga patakarang mapaniil (curfew, checkpoint, presensyang militar, pagbabawal sa pagrarali) at mga neoliberal na hakbanging kontra-mamamayan (pagbuwag sa mga komunidad ng maralitang lungsod, pagpigil sa pagtaas ng sahod, pagbabawal sa mga dyip).
Ginagamit ni Duterte at kanyang mga kroni para pagkakitaan nang malaki ang krisis. Milyun-milyong pisong pondo ng bayan ang kinakamkam ngayon ni Dennis Uy, mga Villar at iba pang malalaking burgesyang kumprador. Kasuka-suka na ang dalawang barkong “ipinahiram” ni Uy para gamiting “quarantine center” ay inupahan ng gubyerno sa halagang P35 milyon bawat isa. Walang kahihiyan din ang kaliwa’t kanan mga konstruksyon para sa Covid-19 na kinontrata ng gubyerno sa pamilyang Villar. Batbat ng korapsyon ang pagbili ng mga kagamitan, pamamahagi ng ayuda atbp.
Kasabay ng paggigiit na ipatupad ang pangkalahatang mga hakbanging pangkalusugan, at pagsingil sa ipinangakong ayuda para sa lahat ng pamilyang naghihirap, dapat itulak ng mga manggagawa ang pagpapatupad ng mga patakaran sa mga pagawaan at lugar ng pagtatrabaho na magtitiyak na ligtas sa paghahahawaan sa Covid-19, kabilang ang pabibigay sa kanila ng mga face mask at iba pang mga kagamitan, lugar para regular na makapaghugas ng kamay, at angkop na distansya sa pagitan ng mga manggagawa. Gayundin, dapat nilang igiit ang panawagan para sa umento sa sahod para makaagapay sa arawang gastos, regular na trabaho at pagwawakas sa kontraktwalisasyon.
Sa ilalim ng mga paghihigpit at paniniil ng rehimeng Duterte, dapat patuloy na magsalita at lakasan ng mga manggagawa ang kanilang boses. Dapat patuloy silang mag-organisa ng kanilang mga unyon at asosasyon para ipagtanggol ang kanilang interes at ang kagalingan ng masang anakpawis. Dapat patuloy nilang isulong ang kanilang mga kahilingan at mga karapatan at tuluy-tuloy na itulak ang karapatan sa demokratikong pagkilos na may pagsasaalang-alang sa kinakailangang distansyang pisikal bilang pag-iwas sa pagkalat ng sakit.
Kasabay nito, dapat patuloy na palakasin ang Partido Komunista sa hanay ng mga manggagawang Pilipino upang magsilbing gulugod at gabay sa kanilang mga pagkilos at paglaban. Itinuturo ng Partido na ang mga demokratikong pakikibaka sa araw-araw ay nakaugnay sa mas malaking pakikibaka para sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan.
Ang lumulubhang pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa ay bunga ng lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na nakaugnay sa nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalismo. Ang bigat ng krisis ng naghaharing sistema ay ipinababalikat sa mga manggagawa at masang anakpawis sa pamamagitan ng lalong matitinding anyo ng pagsasamantala at pang-aapi, mga pabigat na na buwis at iba pang mga patakaran neoliberal na nagbibigay ng buong laya sa mga monopolyong kapitalista at malalaking burukrata na todong-pigain ang mga manggagawa at mamamayan para kamkamin ang maksimum na tubo.
Bago pa man sumiklab ang krisis bunsod ng pandemyang Covid-19, ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay nasa bingit na ng pagsiklab ng isang krisis sa pinansya at ekonomya. Ang ibinubunga nitong di mabatang kalagayang panlipunang ay nagtutulak sa milyun-milyong mga manggagawa at mamamayan na lumaban. Sa nagdaang taon, sumiklab sa iba’t ibang bansa ang galit ng mga manggagawa at mamamayan sa malalaking protesta laban sa pagkakaltas ng subsidyo sa mga serbisyong panlipunan, laban sa korapsyon, paniniil sa mga migrante, minorya at kababaihan, at para sa permanenteng trabaho, umento sa sahod, paggalang sa mga karapatan at iba pang mga demokratikong reporma at kahilingan.
Sa nagdaang mga taon, sumisiklab ang mga welga at pakikibakang manggagawa sa Pilipinas para igiit ang umento sa sahod at regularisasyon sa trabaho. Lalo pa ngayong kailangan na palakasin ang mga pakikibakang ito sa harap ng banta ng lalong pang-aapi at pagsasamantala.
Ang lalo pang paglala ng krisis dulot ng pandemyang Covid-19 ay tiyak na militante at matapang na haharapin ng uring manggagawang Pilipino.
Mabuhay ang uring manggagawang Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
https://cpp.ph/statement/magpakatatag-at-pamunuan-ang-bayan-laban-sa-pasistang-iskema-ng-rehimeng-duterte/
https://cpp.ph/statement/magpakatatag-at-pamunuan-ang-bayan-laban-sa-pasistang-iskema-ng-rehimeng-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.