Friday, April 17, 2020

CPP/NDF-RCTU-ST: Pondo para sa Covid-19, wag kurakutin!–RCTU-ST

NDF-RCTU-Southern Tagalog Committee propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 17, 2020): Pondo para sa Covid-19, wag kurakutin!–RCTU-ST

FORTUNATO MAGTANGGOL
RCTU-ST
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

APRIL 17, 2020



Dapat pagbayaran ang KRIMINAL NA KAPABAYAAN ng rehimeng US-Duterte sa pagharap nito sa pandemya at nakamamatay na CoViD-19. MABAGAL pa sa usad-pagong ang pagkilos ng buong gubyernong Duterte para bigyan ng solusyon ang mabilis na pananalasa at pagkalat ng nakakamatay na virus. Umabot na sa 4,934 ang kumpirmadong kaso, 315 ang namatay at 242 ang nakarekober sa CoViD-19. Pinabayaan nya ang mga Health workers na nasa unahan ng laban, 252 na sa kanilang hanay ang nahawa ng virus (152 doctors, 63 nurses, 35 other medical staffs), habang 21 na ang namatay na bayani mula sa hanay ng manggagawang pangkalusugan-.

Nangyayari ang lahat ng ito dahil sa kawalan ng kongkretong plano ng gobyerno na gagabay para harapin ang CoViD-19. Gumawa nga ng isang National Action Plan, pero hindi naman nakatuntong at ginagabayan ng isang siyentipiko at komprehensibong plano. Mas pinalala pa ng pag-aakalang isang simpleng “Peace and Order Situation” lamang ito, kaya naman, imbes na solusyong medikal ay aksyong militar ang ginawa ng pangunahing kapural at chief implementor ni Duterte na si Gen (ret) Carlito Galvez.

Matagal nang pabaya ang rehimeng Duterte sa pampublikong kalusugan ng mamamayan. Binawasan ang pondo para sa Epidemiology and Surveillance Program (ESP) mula sa P262.9M noong 2019 tungo sa P115.5M ngayong 2020 na ang trabaho ay mag-monitor, mag-imbestiga at mag-analisa ng mga mabilis na kumalat at nakakahawang sakit. Binawasan din ng P6 bilyon ang pondo ng Health Systems Strengthening Program (HSSP) na magseseguro sa hiring at kapakinabangan ng mga pampublikong doktor, nars, midwives, community health workers at iba pang health care providers. Kulang din ang mga Barangay Health Workers ng aabot sa 802,422, pero hindi nila ma-hire dahil sa kawalan ng pondo, habang bilyon-bilyong pondo ang idinagdag sa sa badyet ng mersenaryong AFP at PNP na siya namang ginagamit laban sa mamamayan, EJK at pagsupil sa kanilang demokratikong karapatan.

Ang ni-railroad nyang batas na RA11469 “Bayanihan to Heal as one Act” o BaHO-A ay nakapokus lamang sa 2 bagay. Una, “emergency power” para mas mapatindi pa nya ang panunupil at militaristang layunin; ikalawa, ang magkaroon ng napakalaking pondo na hahawakan nya. Kaakibat nito ang P275B pondo, na ang P200B ay para sa “social amelioration” ng 18 milyong pamilyang mahihirap. Ang pondong ito ang ipinangangalandakan ni Duterte at ipinagyayabang na “Huwag kayong matakot, may pera ako!”.

Mayabang lang magsalita si Digong, pero sobrang bagal ang pagtugon nya sa nagugutom na maralita. April 1 pa, nakuha ng DSWD ang P100 Bilyon na unang hati ng pondo mula sa DBM, pero hanggang sa kasalukuyan ay umaabot pa lamang sa P48B ang naibibigay sa mga LGU’s at hindi pa tiyak kung naipamahagi na ito ng mga LGU’s sa mga pamilyang nagugutom. Pinahigpit pa nila ang mga requirements para makuha ito; ginamit ang lipas nang listahan ng mga benepisyaryo na noong 2015 census pa at hindi na tugma sa hawak na listahan ng mga LGU’s; at dahil sa katusuhan, ipinasa sa mga LGU’s ang inaasahang sisi dahil sa simula’t-simula ay kulang naman talaga ang pondong inilaan. Sa gitna ng panawagang ng DOH na hugas-kamay laban sa virus, hugas-kamay naman si Duterte sa sisi sa pagpapasa ng kasalanan sa mga LGU. Sa sobrang bagal ng ayuda, nagwawala na ang mga maralitang nakararanas ng matinding gutom sanhi ng ginawa nilang pwersahang pagkakait ng kabuhayan, pagkakakitaan, trabaho at ikinulong sa kanilang mga tahanan dulot ng sapilitang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Makalipas lamang ang 6 na gabi, biglang nagbago na ang tono ni Duterte. Mula sa astang mayabang na pangulo, nagmukha syang nakikiusap sa pagsasabing “gusto ko maging tapat sa inyo, ang P270B na badget ay hindi talaga tatagal yan”. Kaya naman pala, nais lang niyang ilutang ang pangangailangan ng P1.17 Trillion o $23B pondo “daw” sa paglaban sa Covid-19 at agarang mapunan ito para matalo ang CoViD-19. Nag-iisip na agad ng karagdagang pondo, kahit hindi pa nga natatanggap ng mga maralita ang P5,000.00 – P8,000.00 na ayuda sa mga apektado ng ECQ. Kung tutuusin, lubhang napakaliit pa nga ang ayuda, kung ikukumpara sa nawalang kita ng mga manggagawa kung sila ay nakakapasok sa trabaho sa araw-araw.

WALA NGA BANG PONDO ANG GOBYERNO o SADYA LANG DORUBO? Ayon mismo kay Sec. Carlos Dominguez III ng DOF may pera ang gobyerno, katunayan may halos P200 bilyon mula sa kinita ng TRAIN Law, P200 bilyon mula sa ibat-ibang libro de cuenta ng pambansang gubyerno at GOCCs (government owned or controlled corporations), may inaasahang P190 bilyon sa pagbebenta ng government securities at ang magmumula sa mga biniling government securities ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagkakahalaga ng P300 bilyon. Dagdag naman ni Atty. Terry Ridon (Infrawatch PH), may 49 Official Development Assistance (ODA) projects para sa BBB program na aabot sa mahigit P2.37 Trilyon na magagamit ng presidente sa Covid-19. Kamakailan, ibinalita ng World Bank (WB) na aprubado na ang pautang sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $500 M o P25Bilyon. Sa kabuuan, aabot na ito sa P4 TRILYON, sobra-sobrang pera kahit pa hindi na mangutang at magbenta ng ari-arian ang gobyerno.

Hindi pa kasama dito ang bilyon-bilyong pondo mula sa intelligence fund ng AFP, Office of the President at sa mga departamento ng gobyerno na hindi pa ginagalaw at ginagamit lamang para sa malawakang Extra Judicial Killings (EJK) at milyon-milyong pork barrel ng mga kongresistang isiningit ni Cayetano sa budget. May hinihintay pa silang karagdagang inuutang na $5.6 B (P280 B) sa WB, ADB at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB). Maaari din magkaroon ng “Debt Moratorium” o hindi pagbabayad ng utang panlabas habang nakakaranas pa ng pananalasa ng virus para agarang mailaan ang badyet na pambayad utang sa paglaban sa Covid-19.

MALAWAKANG PAMUMULITIKA AT KORAPSYON SA GITNA NG MATINDING KAHIRAPANG NARARANASAN NG MAMAMAYAN SANHI NG ECQ AT COVID-19. Masiba pa sa “Buwitre”, walang kabusugan si Duterte at kanyang mga alipures sa pondo ng bayan. Sa inisyal na pondong P27.1B na inilabas noong Marso 16 para sa pagharap sa virus, malaking bahagi nito ay inilaan nya sa Turismo-P14B (para sa paborito nyang kalihim at sa paglalarga ng Tourism Infrastructure & Enterprise Zone Authority), kakarampot lamang ang karagdagang pondo na inilaan nya sa DOH para sa Test Kits at medical gears na P3.1Bilyon. Pinayagan din nya ang pagbili ng DOH ng overpriced na Personal Protective Equipment (PPE’s) na nagkakahalaga ng P1,800.00 kada isa o may kabuuang P1.8 bilyon, samantalang mabibili lamang ito sa halagang P400 – P600 bawat isa sa ibang kumpanya na hindi kamag-anak ni Sec. Duque ng DOH.

Noong April 3, dinagdagan pa nya ng pondo ang 5 ahensya ng gobyerno para daw labanan ang Covid-19. DSWD – P3.93 bilyon, DOH – P600 milyon, DILG – P520 milyon, DOLE – P100 milyon at DOST – P53.23 milyon. Makikita dito na malaki ang inilaan nyang pondo sa mga ahensyang pinamumunuan ng mga militarista at dating mga heneral na gaya nina Gen. Bautista (DSWD) at Gen. Año (DILG). Para pahupain naman ang sintimyento ng mga LGU’s, napilitan syang magbigay ng suhol sa kanila sa pamamagitan ng “Bayanihan Grant” na nagkakahalaga ng P30.824 bilyon para daw sa pagsustina ng kanilang relief operations kahit na pinapayagan naman na magamit na ang 20% ng kanilang development/calamity fund.

Samantala, parang virus din na di-nakikita at hindi isinasapubliko ang natanggap nilang donasyon (cash at in-kind) ng ibat-ibang bansa, indibidwal, mga negosyante at grupo. Nakapagtataka na kahit may donasyon na 200K Test Kits, PPE’s (20K), Face Masks (1M), 32 Ventilators at bilyong halaga ng medical supply ay bumili pa rin ng mahal na PPE’s ang DOH na tila mauubusan sa merkado o sadya lang minadali para makakuha agad ng kickback?

Kung hindi dahil sa mga pribadong indibidwal at ilang negosyante na agarang nagbigay ng bilyon-bilyong halaga ng food packages sa mga biktima ng ECQ at CoViD-19, mamamatay sa gutom ang malawak na hanay ng mamamayan o hindi man lang mabibigyan ng pagkalinga ang mga medical frontliners at hindi mailulunsad ang maramihang testing. Ang ABS-CBN Pantawid Pag-ibig na nakapagbigay ng milyong halaga ng relief goods at ilang artista kagaya ni Angel Locsin, na nakapagpagawa ng mga tent na matutulayan ng ibat-ibang frontliners sa ibat-ibang hospitals mula sa mahigit sa P10 milyon na naipong donasyon na pinangunahan nya para sa programang #UniTentWeStand.

Samantalang ang gobyernong ito ay PABAYA at BINGI sa kagyat na pangangailangang ayuda ng mamamayan. Maging sa simpleng proteksyon ng mga frontliners gaya ng libreng sakay, diskriminasyon sa kanila o kaya ang nakakaranas ng mag commute dahil walang masakyan ay hinuhuli pa tulad ginawang paghuli sa magkapatid na medical frontliners ng Valenzuela traffic personnel at pinagmulta pa ng P5,000.00 na kalahati na ng isang buwang kinita.

Kailangang patuloy na magkaisa, lumaban at makibaka ang maralita at manggagawa, singilin si Duterte sa kanyang kriminal na kapabayaan! Panagutin sa kanyang kriminal na pananagutan sa dinaranas na kahirapan ng mamamayan sanhi ng malawakang KORAPSYON, pwersahang pag-aalis ng kabuhaya’t trabaho at pagkukulong dulot ng Enhanced Security Quarantine at lockdown! Sa malao’t madali, kailangan na magkaisa ang lahat ng inaapi at pinahihirapan ng rehimen. Para sa interes ng malawak na mamamayan, kailangan nang pabagsakin ang inutil at kontra-mamamayang rehimeng US-Duterte!

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

https://cpp.ph/statement/pondo-para-sa-covid-19-wag-kurakutin-rctu-st/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.