Tuesday, March 3, 2020

Tagalog News: ELCAC Serbisyo Caravan, isinagawa sa 3 barangay ng OccMin

From the Philippine Information Agency (Mar 3, 2020): Tagalog News: ELCAC Serbisyo Caravan, isinagawa sa 3 barangay ng OccMin (By Voltaire N. Dequina)



Isa sa mga aktibidad ng PTF-MTF ELCAC ang pagdadala ng Serbisyo Caravan sa mga kanayunan. (File photo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mar 3 (PIA) -- Nagsagawa ng Serbisyo Caravan at Medical Dental Mission ang Joint Provincial and Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-MTF ELCAC) sa mga barangay ng Batasan at Murtha sa bayang ito, gayundin sa Malpalon sa Calintaan, kamakailan.

Ayon kay LTC Alexander Arbolado, Battalion Commander ng 4th Infantry Battalion-AFP, na nagbibigay-seguridad sa SaMaRiCa (San Jose, Magsaysay, Rizal, Calintaan), ang nasabing mga aktibidad ay bahagi ng programa ng PTF-MTF ELCAC, bilang pagtalima sa Executive Order 70.

“Layon ng EO70 na maipaabot sa kanayunan ang mga programa ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng whole-of-nation approach o ang pagsasama-sama ng iba’t ibang ahensya dala ang kani-kanilang programa para sa bayan,” paliwanag ni Arbolado. Aniya, prayoridad na benepisyaryo ng mga proyekto ng PTF-MTF ELCAC ang mga barangay na may napapaulat na sightings o pinupuntahan ng mga makakaliwang grupo.

Kabilang sa mga serbisyong dinala sa mga nabanggit na barangay ay libreng konsultasyon, mga gamot, at libreng bunot ng ngipin. Tinulungan din ang mga residente na mairehistro ang kapanganakan, makapag-apply sa Solo Parent, at magpatala bilang botante sa Commission on Elections (COMELEC). Namahagi rin ang Task Force ng mga relief goods at mga pananim at gamit pang-agrikultura.

Kaugnay nito, sinabi ni Lt. Col. Arbolado na isa sa pangunahing bunga ng ganitong serbisyo caravan ay nabubuksan ang komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at komunidad. “Katulad nitong tatlong huling barangay, nalaman natin mula sa mga mismong sitio-leader ang kanilang mga pangangailangan, na nangangahulugan ng pagbabalik ng tiwala nila sa pamahalaan,” ayon pa kay Arbolado. Binanggit din ng opisyal na makatitiyak ang mga benepisyaryong ito na ang kanilang mga idinulog ay agarang aaksyunan ng PTF-MTF ELCAC.

Samantala, pinasalamatan naman ni Arbolado ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philhealth, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of the Interior and Local Government, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan gayundin ang Mano-A-Mano Philippines Medical Mission, at mga bumubuo ng PTF-MTF ELCAC, sa pangunguna nina Governor Eduardo Gadiano, Calintaan Mayor Eric Labrador at San Jose Mayor Romuo Festin. (VND/PIAMIMAROPA)

Featured Image

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.