NDF-KM Ilocos propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 29, 2020): Kabataan, Ibagsak ang Pabaya at Inutil na Rehimeng Duterte! Sumampa sa NPA! — KM-Ilocos
Buong kagalakan naming ipinapaabot sa lahat ng Pulang Kumander, Mandirigma, at sa buong New People’s Army(NPA) ang pulang saludo at pagbati sa ika-51 taon anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Nararapat lamang na pagpugayan ang NPA sa pangunguna nito sa demokratikong rebolusyong bayan sa loob ng 51 taon. Ang buong panahon ng pag-iral ng NPA ay naratibo ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa masang api, buong panahong pagsasakripisyo para sa karamihan, at higit sa lahat, buong panahong pagmamahal para sa bayan.
Pinakamataas na parangal at pagpupugay rin ang iginagawad ng KM Ilocos sa lahat ng mga pulang kumander at mandirigma na walang pag-aalinlangang nag-alay ng kanilang husay, serbisyo, katapatan, at maging ng kanilang buhay tulad nina Kasamang Julius “Ka Goyo” Marquez, Eniabelle “Ka Lea” Balunos, Ma. Finela “Ka Riki” Mejia, Julius “Ka Nars” Giron, Ma. Lourdes Tangco, Arvie Alarcon Reyes, at marami pang martir ng sambayanan.
Sila ang tunay na ehemplo ng kadakilaan, sakripisyo, at buong pusong paglilingkod sa sambayanan. Sila ay habambuhay na dadakilain ng mga kabataan at ng buong mamamayang lumalaban.
Kriminal na Kapabayaan, Diktadurya ng Iilan
Wala nang pagsidlan ang kainutilan ni Duterte sa pagresolba sa mga pangunahing suliranin ng mamamayan. Ang medikal na krisis na idinulot ng pandemyang COVID-19 ang higit na naglantad sa kapabayaan ni Duterte at higit na naglayo sa kanyang rehimen sa sambayanang Pilipino.
Tapat sa kanyang pangako sa AFP at PNP, militaristang tugon ang isinagot ni Duterte sa medikal na krisis na kinakaharap ng bayan. Sa halip na malawakang testing, sundalo at pulis na armado ng matataas na kalibre ng baril ang ipinuwesto ni Duterte sa lahat ng tarangkahan ng mga bayan at siyudad sa bisa ng pinabangong katawagan sa total lockdown na “Enhanced Community Quarantine” o ECQ. Sa kabila ng pagpapatupad nito ng ECQ, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng kaso ng nagkakasakit ng COVID-19. Sa kasalukuyan, aabot na sa isang libong katao ang naitalang kaso ng COVID sa bansa at wala pa ring malinaw na plano ang rehimeng Duterte sa mga apektado ng lockdown kundi ang “manatili sa kani-kanilang mga bahay.”
Sa halip rin na gawin nilang prayoridad ang mga mahihirap na kababayang may sintomas ng sakit na COVID-19, nagawa pa ni Duterte, kasama ang mga alipores nito, na magpauna sa pagpapatingin sa kabila ng labis na kasalatan ng testing kits kahit wala naman silang sintomas. Ang ilan pa nga sa mga alipores ni Duterte ay buong kapal ng mukha na nagpa-test ng ilang ulit kasama ang kanilang buong pamilya at mga tauhan.
Habang bilyon-bilyon ang ikinaltas sa badyet ng mga pampublikong ospital, Php14B naman ang karagdagang inilaan para sa Department of Tourism (DoT) at pagpapanatili ng mga Philippine Offshore Gaming(POGO). Habang ang ibang mga bansa ay nagsasara na ng ruta o byahe mula sa mga bansang nagtala ng matinding kaso ng COVID-19 tulad ng China, bukas na bukas naman si Duterte sa pagpapasok sa mga ito sa ating bansa sa ngalan ng pagpapanatili ng mga POGO at turismo.
Kriminal na kapabayaan ang pagkaltas ng bilyones sa pondong pangkalusugan habang nagpapahayag ito na mangungutang o kukubra na lamang sa mga POGO habang nag-umaapaw ang badyet ni Duterte na nakalaan para sa intelligence, confidential funds, militar, at pork barrel. Kriminal na kapabayaan ang pagbalewala ni Duterte sa mga panukalang pagsasara sa mga rutang-panghimpapawid noon pang Enero ng taong ito habang mayroong malinaw na banta at posibilidad ng pagpasok ng nakamamatay na sakit na COVID-19.
Hindi pa nakuntento si Duterte sa pagpapatupad ng ECQ. Nitong Marso 24, ibinigay ng Kongreso kay Duterte ang Emergency Powers na halos wala nang ipinag-iba sa Batas Militar. Sa ilalim ng Emergency Powers na iginawad kay Duterte, ibinigay na rin ng Kongreso sa kanya ang solong pagpapasya sa kaban ng bayan sa ngalan ng “laban kontra COVID”. Binuo rin nito ang isang National Action Plan(NAP) laban sa COVID-19 na binubuo ng DND, DILG, DSWD, AFP, at PNP. Walang itinalaga sa NAP na mga eksperto sa usaping pangkalusugan. Sa halip, mga berdugo at mga militarista ang inaasahan ni Duterte na tutugon sa isang krisis pangkalusugan.
Sa kasalukuyan, labis-labis ang kahirapan at gutom na dinaranas ng mamamayan lalo na ng masang anakpawis dahil sa deklarasyon ni Duterte ng 24 oras na curfew. Walang tiyak na sahod, subsidyo, o benepisyo ang mga manggagawa. Tiyak na ang pagkalugi ng mga magsasaka lalo na ng mga magsasaka ng tabako, mais, at palay sa Ilocos. Walang kasiguraduhan na maibebenta nila ang kanilang mga produkto lalo’t patuloy ang pagsasagawa ng mga lockdown sa iba’t ibang panig ng rehiyon. Sigurado rin ang pagragasa ng sakit at paglala pa ng sitwasyon dahil sa kabiguan ni Duterte na paunlarin ang estado ng pampublikong kalusugan lalo na sa kanayunan habang nananatiling kakaunti at halos walang akses sa mga pribadong pagamutan ang karamihan ng ating mga kababayan.
Sa kabuuan, inilantad ng COVID ang kapalpakan at kapabayaan ng rehimeng Duterte. Pinatunayan ng pandemyang ito na walang konkretong plano ang gobyernong Duterte sa panahon ng matinding sakuna at sakit.
Inilantad rin ng pandemyang ito ang tunay na sakit na matagal nang sumasalanta sa mamamayan—ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan; Kawalang kahandaan sa sakuna at krisis; Labis na kagutuman at kahirapan; Gobyernong pinatatakbo na parang negosyo at sindikato; At bulok na serbisyong panlipunan na kahit ang kaligtasan sa sakit ay nakalaan para lamang sa mga mayayaman at iilan habang ang masang anakpawis ay tila nag-aantay na lamang sa kanilang kamatayan.
Kabataan, ibagsak si Duterte! Sumampa sa NPA!
Higit nang malinaw ang mga batayan upang tuluyang ihiwalay at patalsikin si Duterte sa Malacañang. Sapat na ang mahigit tatlong taon ng palpak at anti-mamamayang pamumuno nito upang tuluyang wakasan ang kanyang despotikong paghahari sa ating bayan.
Walang maayos na kinabukasang aasahan ang buong bayan habang ang mga katulad ni Duterte ang nasa estado-poder. Kung hindi sakit, tiyak na kagutuman at panunupil ang papatay sa mamamayang Pilipino habang nananatili si Duterte sa pwesto.
Ang pagtindi ng paghahari at panunupil ni Duterte ang pumapaypay sa nag-aalab na damdamin ng mga kabataang uhaw na uhaw sa pagbabagong panlipunan. Sa pagwasak lamang ng malakolonyal at malapyudal na sistema makakamtan ng mamamayan ang tunay na pagbabago. Tanging sa sosyalismo lamang makakamtan ng mamamayan ang tunay na pagkalinga sa kanila at tunay hustisyang panlipunan. Sa sosyalistang estado lamang na pinamumunuan ng proletaryado makakamit ng mamamayan ang higit pa sa sapat na pagkalinga sa kanilang kalusugan at pagtiyak ng kanilang kagalingan at karapatan.
Susing usapin para sa buong rebolusyonaryong kilusan ang pagpapalaki at pagpapalakas ng kapasidad ng Hukbo upang mapagtagumpayan ang rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Tungkulin ng KM, at ng lahat ng rebolusyonaryong organisasyong masa, na palakasin ang Hukbong Bayan.
Itinuturo ng kasaysayan ng paglaban ng mamamayan na hindi kailanman kusang ibibigay ng naghaharing uri ang kanyang kapangyarihan. Armadong pakikibaka ang solusyon! Digmang bayan ang gamot sa malalang sakit ng lipunan!
Ang sosyalistang lipunan ay mararating lamang natin matapos ang pagtatagumpay ng digmang bayan. Susi sa tagumpay na ito ang paglakas ng ating Hukbo. Susi sa paglakas na ito ang laksa-laksang pagsapi ng mga kabataan sa NPA. Kung kaya naman, Kabataan sumapi sa NPA! Ibagsak ang pasista at pabayang rehimen ni Duterte! Ipagtagumpay ang digmang bayan!
https://cpp.ph/statement/kabataan-ibagsak-ang-pabaya-at-inutil-na-rehimeng-duterte-sumampa-sa-npa-km-ilocos/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.