Wednesday, March 18, 2020

CPP/Ang Bayan: Anti-Terrorism Bill: Dagdag sa pasistang arsenal ni Duterte

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 7, 2020): Anti-Terrorism Bill: Dagdag sa pasistang arsenal ni Duterte



Sinabayan ng protesta ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang pagdinig sa kongreso sa Anti-Terrorism Bill o ATB noong Marso 3. Tinalakay sa pagdinig ang tatlong panukalang naglalayong amyendahan ang Human Security Act (HSA) na ipinasa sa panahon ng rehimeng US-Arroyo noong 2007. Ang naturang pagdinig ay ginanap matapos ipasa ng Senado ang sariling panukala nito (Senate Bill No. 1083) na pamalit sa HSA. Ang naturang panukala ay pinakahuli sa mga pasistang pakana ni Rodrigo Duterte.

Batas para sa terorismo ng estado, niraratsada

Kabalintunaang binansagang “Anti-Terrorism” Bill ang panukalang batas na iniratsada ng Senado at puspusang inihahabol ng Mababang Kapulungan na maging batas. Sa halip na puntiryahin ang mga “terorista,” palalawigin ang kapangyarihan ng estado para maghasik ng takot at pasismo.

Sa bersyon ng mababang kapulungan, susog ang ATB sa Human Security Act (HSA) na nakabalangkas sa estratehiya ng “global counterinsurgency” na ipinalalaganap ng US sa nagdaang dalawang dekada. Una nang pinadali ng HSA ang pagbabansag ng sinuman bilang “terorista” o kasapi ng isang “teroristang” organisasyon, alinsunod sa mga pamantayang itinakda ng US. Sa ilalim ng HSA, itinuturing nang “terorismo” ang ilang karumaldumal na krimen tulad ng walang-habas na pagpatay. “Terorismo” na rin ang paggulo sa sistemang pang-ekonomiko at panlipunan ng bansa, o pagdudulot ng malakihang pampublikong krisis sa seguridad.

Lalong pinalakas ng ATB ang HSA. Hindi na lamang ang paggawa ng mga aktibidad na lubhang nakapipinsala sa publiko ang tinatawag na “terorismo.” Kahit ang mga aktibidad na “may layunin” o balak pa lamang ay maaari nang bansagang “terorismo.” Kabilang sa mga ito ang pagpapanukala, pagpaplano, o pag-ahita sa mga tao. Kahit ang pakikipag-ugnayan sa itinuturing na terorista o teroristang organisasyon—ang pagpapatulong sa kanila, pagpapakain, at anupamang porma ng suporta—ay ituturing na ring “terorismo” ng panukalang batas. Kahit ang pagtulong at pagbigay ng donasyon sa panahon ng sakuna, itinuturing na ring terorismo kung ang organisasyong naglunsad ay hindi “state-recognized” o kinikilala ng estado.

Itinuturing din ng ATB na pagsuporta o pag-udyok sa paggawa ng teroristang atake ang paglalabas ng mga pahayag, banner, poster, o maging mga dibuho o guhit na nagpapakita sa rehimen bilang bulok at dapat pabagsakin. Posibleng maging ang pagbahagi ng mga kalatas, pahayag, o larawan—sa internet man o sa totoong buhay—ay maaaring ituring na porma ng pag-udyok sa “terorismo.” Gayundin, anumang porma ng pag-uulat o pagbalita, kahit pa ng mga pinsalang hatid ng militar sa kanayunan bunsod ng pakikipaglaban sa Bagong Hukbong Bayan o iba pang rebeldeng grupo, o kahit pa ng tuwirang pag-atake lamang ng militar sa mga komunidad, ay maituturing nang pag-uudyok sa terorismo.

Sa ganitong sistema, maging mga lehitimong pulong, pagsasanay, at diskusyon ng masa hinggil sa mga isyu sa kanilang komunidad ay maaaring paratangang porma ng pagrekruta para sa paggawa ng terorismo. Kahit pa sinasabing may inilagay na pagtatangi sa mga protesta at welga bilang nananatiling ligal, madaling paratangang ang ganitong mga pagkilos ay naglalayong manggulo o makapinsala.

Pinapalawig din ng ATB ang bilang ng araw na maaaring ikulong ang isang suspek nang walang kaso hanggang 24 na araw, sapat na panahon para bumuo ng gawa-gawang kaso sa kanilang ikinulong. Ginagawa ring lehitimo ng panukalang batas ang walang patumanggang paniniktik—pakikinig sa mga tawag, pagbukas sa mga pribadong e-mail at text message, at pangingialam sa pribadong komunikasyon. Kasalukuyan na itong ginagawa ng mga galamay ng rehimen pero sa ilalim ng ATB, magiging ligal at lantaran na ang ganitong taktika.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/03/07/anti-terrorism-bill-dagdag-sa-pasistang-arsenal-ni-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.