Tuesday, February 18, 2020

CPP/NDFP/PKM-Ilocos: Pagpupugay sa mga dakilang Pulang mandirigma ng New People’s Army sa probinsya ng Ilocos Sur

NDFP/PKM-Ilocos propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 18, 2020): Pagpupugay sa mga dakilang Pulang mandirigma ng New People’s Army sa probinsya ng Ilocos Sur

JULIAN SADIRI
PKM-ILOCOS
PAMBANSANG KATIPUNAN NG MAGBUBUKID
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT PHILIPPINES
FEBRUARY 18, 2020

Walang balang nagbabaga
ang dudurog sa aming mga puso
walang busal ang pipigil
 sa aming mga sigaw
at walang batas ang hahadlang
sa pagdaloy ng dugo ng pakikipaglaban!

Ibaling natin ang lungkot at dalamhati tungo sa higit na rebolusyonaryong katatagan at determinasyon. Ang digmang bayan ay digmang magsasaka at ang rebolusyon ay paghihimagsik ng masang magsasaka at mamamayang api laban sa mga gahaman at mapang-api.

Nagpupuyos sa galit ang mamamayan at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng Ilocos sa pagpaslang ng mga elemento ng 81st IBPA, MICO at PNP sa ating pinakamamahal na mga kasama na sina Kasamang Julius “Ka Goyo” Marquez, Enniabel “Ka Onor” Balunos at Maria Finela “Ka Ricky” Mejia noong gabi ng Pebrero 13 sa Brgy Namatican, Sta. Lucia, Ilocos Sur. Taliwas sa pahayag ng 81st IBPA na nagkaroon ng 10 minutong enkwentro sa pagitan ng mga Pulang mandirigma ng Alfredo Cesar Command at militar, ang naganap ay sampung minutong pagpaslang kina kasamang Goyo, Kasamang Onor at Kasamang Ricky.

Nagpipista sa kasiyahan ang mga uhaw sa dugong armadong pwersa ng Rehimeng US-Duterte sa pag-aakala nilang sa bawat napapatay nilang mandirigma ng New People’s Army ay hihinto ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Pilipino. Maaari nilang gapiin ang isang rebolusyonaryo, pero ang rebolusyonaryong mithiin kailanma’y hinding-hindi mawawasak. Muli, lilinawin natin sa isipan ng AFP, PNP at ng naghaharing uri sa pamumuno ng buhong na presidente na si Duterte na ang rebolusyon ay paghihimagsik ng masang magsasaka at aping mamamayan laban sa mga gahaman at mapang-api. Ang ugat na ito ang siyang malinaw na batayan kung bakit ang masang magsasaka at aping mamamayan ay patuloy na lalaban at lalaban at ang rebolusyon ay hindi magagapi.

Sina Kasamang Goyo, Kasamang Onor, Kasamang Ricky at iba pang mga kasamang nagbuwis ng buhay para sa masang magsasaka ang siyang mga matatag na haligi ng rebolusyong Pilipino. Iniaangat natin ang kanilang kabayanihan sa walang pag-iimbot at buong-pusong paglilingkod sa mamamayang Pilipino bilang mga kasapi ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at ng New People’s Army. Sila ay walang pagod na nag-organisa sa hanay ng masang magsasaka ng Ilocos. Naglilinaw na ang ugat ng karalitaan ng mga magsasaka ay bunga ng pangangamkam at monopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa at gahaman. Masigasig nilang ginabayan ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka para sa kanilang pakikibaka upang kamtin ang karapatan at ipagtagumpay ang mga laban para sa pang-ekonomyang kahingian.

Ito ang buhay na may dignidad at may karangalan, ang makibaka para sa katwiran at paglaya. Ang hinahangad natin na lipunang masagana, maunlad at mapayapa ay sadyang pagbubuwisan ng buhay dahil ito ay tunggalian ng mga uri –sa pagitan nating mga api laban sa mga nambubusabos at gahaman. May dulo ang kaapihan. Itatarak natin sa puso’t isipan ng pasistang AFP, PNP at ng Rehimeng Duterte na may rebolusyonaryong hustisya na sasapit sa kanila at hinding hindi nila magagapi ang rebolusyonaryong paglaban ng masang magsasaka. Ang Oplan Kapanatagan at ang mapanlinlang na Whole of Nation Approach sa simula pa lamang ay hindi na magtatagumpay. Ang inyong kampanyang kontra-insurhensya ay kampanyang anti-magsasaka at anti-mamamayan. Wala kayong matibay na saligan kundi ang iilang naghaharing uri na pinagsisilbihan at ipinagtatanggol ng AFP at PNP.

Samantalang kaming mga maralitang magsasaka na naghahangad ng buhay na may hustisya at dangal ay may New People’s Army at magigiting na Pulang mandirigma katulad nila Kasamag Goyo, Kasamang Onor at Kasamang Ricky. Hangga’t ang karapata’y niyuyurakan at yaring buhay ay api, kami ay babangon at babangon pang muli.

Pagpupugay at kadakilaan sa Kasamang Goyo, Kasamang Onor at Kasamang Ricky!
Mabuhay ang New People’s Army!
Paigtingin ang Digmang Bayan!
Ipagtagumpay ang Rebolusyong Agraryo!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.