Tuesday, February 18, 2020

CPP/CPP-Southern Tagalog: Hinggil sa bantang “pagbuwag” ni Duterte sa VFA

CPP-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 18, 2020): Hinggil sa bantang “pagbuwag” ni Duterte sa VFA

KOMITENG REHIYON
TIMOG KATAGALUGAN
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 18, 2020

Isang pampulitikang panggagantso at pag-aasta ang banta ni Duterte na tatapusin niya ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa US. Sa balanse ng pwersa, di hamak na mas nakalalamang ang mga pwersang maka-US sa loob ng gubyernong Duterte at sa sangay ng lehislatibo at hudisyal, sa mga heneral ng AFP at PNP, sa hanay ng malalaking negosyo at mga burges na oposisyon.

Ang bantang pagbuwag sa VFA ay bahagi ng pakikipaglaro ni Duterte sa US at China. Nagdedemanda siya ng dagdag na konsesyon mula sa US habang ginagamit niya ang mga “anti-US” na pahayag upang makakuha ng suporta mula sa China at Russia laban sa US. Bahagi ito ng kanyang pangarap na gising na makapanatili sa poder ng estado lagpas sa 2022.

Sa kabilang banda, kataksilan sa bayan ang pagtatanggol nina Lorenzana, Esperon at Año (LEA) sa VFA. Nais tiyakin ng tatlong ito ang patuloy na dominasyon ng US sa bansa. Inaasahan ng US ang LEA, na pawang nasa tuktok ng AFP-PNP at gabinete, bilang instrumento upang hawakan si Duterte sa leeg at bayag. Tinitiyak ng LEA na anuman ang gawin ni Duterte, maidederehe pa rin ang reaksyunaryong estado ayon sa mga imbing pakana ng US na manatiling dominanteng kapangyarihan sa Asya-Pasipiko.

Ang pagkubabaw ng US sa bansa ang nagtakda ng pagiging malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas. Ang VFA ay simbolo ng pangangayupapa ng mga lokal na papet sa imperyalistang interes at kapangyarihan. Sa tulong ng malalaking burgesya kumprador, panginoong mayupa at burukrata kapitalista, pinananatili ng US na atrasado at bansot ang industriya ng Pilipinas para maging tapunan ng sarplas na produkto at kapital at tagasuplay ng hilaw na materyal at mga bahagyang prinoseso at may mababang-dagdag-na-halagang kalakal ng mga sweatshops industry.

Sa aspetong militar, kailangan ng US ang VFA sa pagtupad sa geopulitikal na estratehiya nito sa Asya-Pasipiko. Pinahihintulutan nito ang maluwag na labas-pasok at walang-taning na pamamalagi ng mga pwersa at kagamitang militar ng US sa bansa. Dahil dito, nagiging lehitimo ang panghihimasok ng mga sundalong Amerikano sa mga panloob na usapin sa bansa.

Kamakailan, ginawa ng US ang East Asia pivot upang tapatan at pigilan ang paglakas ng imperyalistang China sa daigdig. Pinopostehan ng US ang mga bansa sa paligid ng China. Sa geopulitikal na estratehiya ng imperyalismong US, ang Palawan sa Timog Katagalugan ay bahagi ng ikalawang linya ng depensa nito laban sa China, lalo sa harap ng pagtatayo ng huli ng mga istrukturang pangmilitar sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea. Ang kasalukuyang nagaganap na Balance Piston 20-01, isang ehersisyong militar sa pagitan ng AFP at mga tropa ng US sa Palawan laban sa China, ay patunay na nag-iilusyon lang si Duterte na kaya niyang ipawalambisa ang VFA.

Nagkakamali si Duterte na mapapayukod niya ang US sa kanyang kagustuhan; bagkus, mas mapapabilis nito ang pagbasura ng US sa kanya. Ang mga hakbang ng US para gipitin si Duterte ay upang paalalahanan si Duterte na hindi nasisiyahan ang US sa kabiguan nitong wasakin ang rebolusyonaryong kilusan.
Mabilis na nahihiwalay ang rehimeng Duterte dahil sa labis na brutalidad at mamamatay-tao. Kabi-kabila ang pagkondena ng mga bansa sa Europa at ng United Nations sa gera-kontra iligal na droga at lansakang paglapastangan sa karapatang-tao ng mga Pilipino. Kamakailan ay pinatawan ng sanctions ng Kongreso ng US ang mga alipores at kroni ni Duterte dahil sa ginawang pagkulong kay Senador de Lima at panggigipit sa burges na oposisyon at mga kritiko ng rehimen. Ang mga ito ay senyales na hindi natutuwa ang amo sa kanyang tuta. Hindi malayong sapitin ni Duterte ang kapalaran ng iniidolo niyang si Marcos. Sa malao’t madali, kung hindi maibabagsak ng mamamayan si Duterte, patatalsikin siya ng isang kudetang militar na suportado ng US.

Ang lumalalim na krisis sa bansa bunga ng imperyalistang paghahari ng US at ng desperasyon ni Duterte sa natitira niyang dalawang taon ay higit na magpapabilis sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Patuloy na lalakas ang armadong pakikibaka at lalawak ang kilusang anti-imperyalista, anti-pasista at antipyudal para labanan at ibagsak ang rehimeng US-Duterte at sa tamang panahon, ang buong naghaharing sistema. Sa pananagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, makakamit ang demokratiko at pambansang minimithi ng mamamayan at ang paglaya ng Pilipinas sa kuko ng Imperyalismong US. ###



https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-bantang-pagbuwag-ni-duterte-sa-vfa-2/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.