Thursday, January 30, 2020

Tagalog News: Pagsuko ng CTGs sa Palawan, binigyang palugit

From the Philippine Information Agency (Jan 30, 2020): Tagalog News: Pagsuko ng CTGs sa Palawan, binigyang palugit (By Orlan C. Jabagat)


Ang bumubuo ng Palawan Provincial Task Force-ELCAC na nagpasa ng isang resolusyon na nagbibigay ng ultimatum o palugit sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Palawan na sumuko na sa pamahalaan hanggang sa Pebrero 29. (Larawan mula sa Provincial Information Office)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Enero 30 (PIA) -- Isang buwan na lang ang nalalabi sa ibinigay na ultimatum o palugit ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa mga miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTG) na CPP-NPA-NDF sa Palawan upang sumuko o magbalik-loob sa pamahalaan.

Ang pagbibigay ng ultimatum sa mga CTG ay nakapaloob sa isang resolusyon na inaprubahan ng Palawan Task Force-ELCAC noong Enero 24, kasabay ng isinagawang Task Force ELCAC Action Planning sa Gusaling Kapitolyo.

Sa nasabing resolusyon ay binibigyan na lamang ng palugit na hanggang Pebrero 29 ang mga natitira pang miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga taga-suporta nito sa Palawan sa sumuko sa pamahalaan.

Ang sino mang miyembro ng CPP-NPA-NDF, maging ang mga taga-suporta nito na hindi susuko sa itinakdang panahon ay paiiralin na ang batas at ang sino mang susuko bago o sa petsang itinakda ay maaari pa nitong matamasa ang mga programa ng pamahalaan para sa mga nagbabalik-loob.

Sa kasalukuyan ay patuloy na tinatamasa ng mga nauna nang sumukong mga rebelde ang mga programa ng gobyerno katulad ng pagbibigay ng tulong- pinansyal sa ilalim ng Local Social Integration of Former Rebels Program ng Provincial Social Welfare & Development Office (PSWDO) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng Department of Interior & Local Government (DILG).

Sa tala ng DILG-Palawan, nasa 24 na mga dating rebeldeng New People's Army (NPA) o 'former rebels’ (FR) sa Palawan ang nabigyan na ng tulong ng pamahalaan sa ilalim ng E-CLIP noong 2019 lamang. Umabot sa kabuuhang P1,560,000 ang tulong na naibigay sa mga ito. Ang bawat isang FR ay tumanggap ng P15,000 na immediate assistance at P50,000 na livelihood assistance kung saan may kabuuhang P65,000 ang natanggap ng bawat isang FR. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.