GENERAL SANTOS CITY, Enero 31 (PIA)-- Dalawang myembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa isang sagupaan sa pagitan ng tropa ng 73rd Infantry Battalion at Guerilla Front Tala nitong Myerkules sa Barangay Kinam, Malapatan, Sarangani.
Ayon sa panayam ng Philippine Information Agency-SarGen kay Civil Military Operations (CMO) Officer, 1Lt Jessie Hinampas, nakatanggap umano ang Alpha Company ng batalyon sa pamumuno ni 1Lt. Orestes Fausto, na may nangyayaring “extortion” o pangingikil ng mga pagkain mula sa mga residente ng barangay.
Agad naman umanong umaksyon at pumunta sa lugar ang tropa ng militar at “nagkagulatan” sila ng may humigit-kumulang sampung myembro ng naturang rebeldeng grupo at nagkaroon nga ng mahigit isang oras na sagupaan.
Pinuri ni Lt. Col. Ronaldo Valdez, battalion commander ng 73rd IB ang agarang pagresponde ng kanyang mga tauhan at sa kanilang patuloy na hakbang upang masugpo ang terorismong mga gawain ng mga komunistang grupo sa naturang komunidad.
Ayon pa kay Valdez ang tagumpay ng kanilang mga operasyong pang military ay dahil sa pagpupursige ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict o (TF-ELCAC) na maisaayos ang kalagayan ng ordinaryong mga mamamayan sa mga munisipyo at probinsya.
Hinikayat naman ni Valdez ang mga mamamayan na ipagbigay alam sa mga otoridad kung mayroong mga aktibidad ang naturang rebeldeng grupo sa kanilang mga komunidad at binigyang diin nito na magpapatuloy ang kasundalohan sa kanilang opensiba laban sa nasabing teroristang grupo.
Samantala, nagsagawa naman ang tropa ni Hinampas ng isang Quick Reaction Team sa pakikipagtulongan ng tanggapan ni Malapatan Mayor Salway Sumbo kung saan nagbigay sila ng tulong upang mabigyan ng marangal na lamay ang mga namatay na rebelde. (PIA SarGen)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.