Monday, January 20, 2020

CPP/NPA-Southern Tagalog: CPP at NPA sa ST, lumaban para sa pangmatagalan at makatarungang kapayapaan!

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 20, 2020): CPP at NPA sa ST, lumaban para sa pangmatagalan at makatarungang kapayapaan!

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY
JANUARY 20, 2020

EO 70 at JCP Kapanatagan, tuluy-tuloy na biguin ngayong 2020

Mainit na sinasalubong ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang taong 2020 na buo ang pasyang dalhin sa mas mataas na antas ang digmang bayan at tuluy-tuloy na biguin ang kontra-rebolusyonaryong gerang JCP Kapanatagan at whole-of-nation-approach ng Executive Order 70 ng rehimeng US-Duterte. Alinsunod sa atas ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa TK, naghahanda ang lahat ng yunit ng NPA para sa maigting na paglaban at pagtatanggol sa mamamayan sa harap ng posibilidad ng muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP.

Buong pusong tutuparin ng MGC ang mga tungkuling iniatang dito ng Partido. Ngayong 2020, ibayong magpapalakas at magpapakahusay ang Pulang hukbo sa TK sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya upang harapin at biguin ang bata-batalyong pwersa ng AFP-PNP na nananalasa at naghahasik ng teror sa mamamayan ng kanayunan at kalunsuran. Higit nitong pahihigpitin ang ugnayan sa mga magsasaka, manggagawa at aping mamamayan na siyang balon ng hindi masasaid na lakas ng rebolusyon. Sa kanila magmumula ang pinakamabubuting anak ng bayan na sasapi sa NPA at hahawak sa mabibitiwang armas ng mga martir ng rebolusyon.

Tuntungan ng hukbong bayan ang mga tagumpay sa mga nagdaang taon para matamo ang malalaking hakbang pasulong sa rehiyon. Determinado ang MGC na biguin ang focused military operation (FMO) ng AFP-PNP sa pamamagitan ng mas maraming aksyong militar at pagsaklaw sa mas malawak na erya para sa gawaing masa sa kanayunan. Ang walang puknat na operasyong militar ng AFP-PNP ay higit pang maghahasa sa kakayahan ng mga Pulang mandirigma. Maitataas pa nga nito ang antas ng taktika at pamumuno sa mga yunit gerilya. Kaalinsabay, bibigyan ng pansin ng mga opisyal pampulitika ng Hukbo ang pag-aangat sa pampulitikang kamalayan ng mga kasama upang patatagin ang kanilang paninindigan at tiyakin na pulitika ang namumuno sa baril.

Bagamat bukas ang MGC-NPA ST sa muling pagbubukas ng peace talks, hindi ito nagpapakasapat sa mga binibitiwang salita ng GRP. Tatalima ang MGC-NPA ST sa atas ng Partido na manatiling alerto at huwag hayaang magtagumpay ang mga tusong pakana ng mga peace saboteur ng rehimen na bitagin at pasukuin ang CPP-NPA-NDFP gamit ang peace talks.

Mahigpit na itinataguyod MGC-NPA ST ang linya ng Partido na makakamit lamang ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan sa Pilipinas kung malulutas ang sanhi ng armadong labanan na nakaugat sa kahirapan at pagkaatrasado ng bansa. Malaon nang hinahangad ng mamamayan ang hustisyang panlipunan mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US at magkasamang paghahari ng mga malalaking burgesya-kumprador-panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista. Ang mga pundamental na suliraning ito ang ugat ng gyera sibil sa bansa at kung bakit patuloy na itinataguyod ng NPA ang armadong pakikibaka.

Makakaasa ang mamamayan na mananatiling tunay na hukbo nila ang NPA na palaging magtatanggol sa kanilang interes at karapatan mula sa mga mapagsamantala at mapang-aping uri. Anumang atake at imbing pakana ng rehimeng US-Duterte at ng mga sagadsaring pasista ng AFP-PNP para sa 2020 ay tiyak na bibiguin ng NPA. Sa pamumuno ng Partido at pagtangkilik ng mamamayan, susulong ang armadong pakikibaka sa rehiyon ng TK sa mas mataas na antas at buong lakas na mag-aambag sa pagdadala sa rebolusyong Pilipino sa pintuan ng estratehikong pagkapatas. ###

https://cpp.ph/statement/cpp-at-npa-sa-st-lumaban-para-sa-pangmatagalan-at-makatarungang-kapayapaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.