Sunday, December 29, 2019

CPP/NDF-ST: Hinggil sa niretokeng litrato ng mga di umanong NPA surenderees

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 29, 2019): Hinggil sa niretokeng litrato ng mga di umanong NPA surenderees

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
DECEMBER 29, 2019

Lalong nalantad at napatunayan ang matagal nang sinasabi ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan hinggil sa mga kasinungalingan at mga itinatagong ‘kalansay’ ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkakalat ng mga pekeng balita, pekeng labanan at pekeng mga sumukong NPA. Hindi na kagulat-gulat sa taumbayan ang nalantad na peke at minanipulang litrato ng mga di umano’y sumukong mga NPA sa Masbate. Bihasa ang AFP at PNP sa paglikha ng ganitong mga gawi at eksena para makapaghasik ng kasinungalingan sa taumbayan.

Hindi na bago ang ganitong mga eksena sa nabukong peke at minanipula at niretokeng larawan ng di umano’y mga sumukong NPA sa Masbate dahil ang paglalabas ng mga pekeng surenderees at mga niresiklong nagsisukong mga diumano’y aktibong NPA at taga suporta ng NPA ay bahagi na ng kultura ng AFP at PNP para pagkakwartahan ang mga pondong nakalaan sa kanilang kontra-insurehensyang digma laban sa CPP-NPA-NDFP tulad ng E-CLIP, PAMANA at Balik Loob na mga programa. Kinakailangan din ng mga matataas na opisyal ng AFP at PNP ang ganitong mga pinekeng palabas at achievements upang makakuha ng komendasyon at merito para sa kanilang promosyon sa mas mataas na katungkulan at pusisyon.

Wala na talagang pag-asang makabangon pa sa lugmok sa kalagayan ang imaheng pasista at mersenaryo ng AFP at PNP. Wala nang maniniwala sa kanila kahit anupamang pakiusap ang gawin nila sa publiko na isang pagkakamali lamang at hindi sinasadya ang nangyaring paglalabas, ng isang yunit ng AFP sa Masbate, ng minanipulang larawan ng mga diumanong sumukong NPA.

Matagal nang nakagawian sa loob ng AFP at PNP ang pagmamanipula at pagbabaluktot ng mga datos, impormasyon at pangyayari para palabasing nagtatagumpay ang kanilang kontra-rebolusyonaryong digma. Malalim na ang pagkabatid ng publiko sa modus at tiwaling gawi ng mga matataas na opisyal ng AFP at PNP na pagkakitaan at ibulsa ang mga pondong nakalaan sa kanilang programang kontra-insurehensya.

Pinatunayan lang ng nalantad na pangyayari sa Masbate na totoo at walang bahid ng pagdududa ang mga pahayag ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan na pawang mga kasinungalingan, niresiklo at palabas na zarzuela ang pahatid balita ng AFP at PNP hinggil sa diumano’y mga sumukong NPA sa rehiyon. Sa malaot madali malalantad din ang katotohanan sa likod ng sapilitang pagpapataw ng rehimeng Duterte sa mga LGU’s na ideklara ang CPP-NPA-NDFP bilang persona-non-grata.

Ang buhay na na karanasan ng taumbayan sa talamak na kasinungalingan at kalupitan ng AFP at PNP ang nagbubunsod upang lalong dumami ang naghihimagsik laban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Araw araw na lang napapabalita ang iba’t ibang anyo ng katiwalian, karahasan at kalupitan ng AFP at PNP at dahil dito wala ding humpay ang pagbatikos at paglaban na tinatamasa nila sa mula taumbayan.

Lalo lamang pinag-aapoy ang dati nang nag-aalab na damdamin ng taumbayan na wakasan na ang mga pagsasamantala at pang-aapi sa bansa sa pamamagitan ng armadong rebolusyon at pabagsakin ang nabubulok sa kaibuturan na malapyudal at malakolonyal na sistema ng lipunang Pilipino.

Tama ang naging pag-amin ng Department of Interior and Local Goverment (DILG) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na bigo ang kanilang propaganda war laban sa CPP-NPA-NDFP subalit mali ang kanilang tinutuntungang dahilan. Hindi lang dahil sa magagaling at episyente ang mga propagandista ng rebolusyonaryong kilusan kung bakit nakalalalamang ito sa pasistang rehimeng Duterte sa usapin ng propaganda.

Armado ng katotohanan at nakabatay sa mga tunay na datos at aktwal na pangyayari ang mga pinapahayag ng mga tagapagsalita at personalidad ng rebolusyonaryong kilusan at hindi tulad sa mga kasinungalingan, pambabaluktot, manipulasyon at mga “itim” na propaganda na inihahasik ng pasistang rehimeng US-Duterte. Ang katotohanan ay hindi kayang pagtakpan ng pag-uulit-ulit ng mga kasinungalingan. Walang sikreto ang hindi mabubunyag. Walang baho ang hindi aalingasaw. Walang kasinungalingan ang hindi malalantad. ###

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-niretokeng-litrato-ng-mga-di-umanong-npa-surenderees/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.