Tuesday, July 2, 2019

Tagalog News: Palawan, nananatiling ligtas sa anumang grupo ng terorista -- Wescom

From the Philippine Information Agency (Jul 2, 2019): Tagalog News: Palawan, nananatiling ligtas sa anumang grupo ng terorista -- Wescom

Wescom press conference

Inihayag ni Western Command (WESCOM) Commander Vice Admiral Rene V. Medina, AFP na nananatiling ligtas ang lalawigan ng Palawan sa ano mang grupo ng terorista. Ani VAD Medina, mapayapa ang lalawigan ng Palawan kaya't kinakailangan panatilihin natin ito. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan --- Maliban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ay wala nang iba pang grupo ng mga terorista ang nasa Palawan. Ito ang inihayag ni Western Command Commander Vice Admiral Rene V. Medina, AFP sa Press Conference kahapon.

Ayon kay VAD Medina, simula ng pamunuan nito ang Wescom noong Marso, isa sa gusto nitong malamang impormasyon ay kung mayroon bang presensiya ng iba pang grupo ng terorista sa Palawan tulad ng Abu Sayyaf ngunit wala aniyang impormasyon na makapagsasabing mayroon nito sa Palawan.


Mahihirapan din aniya ang nasabing teroristang grupo kung tutungo sa Palawan mula sa Western Mindanao sa pamamagitan ng paglalakbay sa karagatan dahil sa layo nito.

Na-secure na rin aniya ng mga kasundaluhan ang posibleng ‘landing sites’ ng mga ito at palagian itong minomonitor. Kailangan aniyang mapag-aralan din ang lahat ng ‘point of entry’ at ‘point of exit’ ng bawat lugar, gaya ng sa Southern Palawan na tukoy na kaya't tinitiyak ng Wescom ang seguridad sa mga lugar na ito.

Dahil sa seguridad na inilatag ng Wescom sa Palawan, tiniyak ni VAD Medina na ligtas ang Palawan sa anumang grupo ng terorista. Dagdag pa nito na ang Palawan ay isang mapayapang probinsiya kaya’t dapat lamang na panatilihin ang kapayapaan nito.

Sa ngayon ay ang teroristang grupong NPA muna ang tinututukan ng Wescom. Patuloy na ipinatutupad ng Wescom ang Executive Order No. 70 na inilabas ng Malakanyang kung saan ipinadi-deklarang ‘persona non grata (PNG)’ ang mga Communist Terrorist Groups (CTGs) sa bansa.

Limang munisipyo na sa Palawan ang nakapagpasa ng resolusyon na nagdi-deklara sa NPA bilang PNG. Ito ay ang mga Munisipyo ng Brooke’s Point, Taytay, Araceli, Dumaran at ang pinakahuli ay ang Aborlan.

Inaasahan naman ng Wescom na madadagdagan pa ito sa pagpasok ng bagong pamunuan at sa pag-upo ng mga bagong opisyal ng mga Lokal na Pamahalaan sa Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

https://pia.gov.ph/news/articles/1023988

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.