Wednesday, June 12, 2019

CPP/NPA-Bicol: Bukas na liham ng isang kasama para sa mga Sundalo at Pulis ngayong Araw ng Kalayaan

NPA-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 13, 2019): Bukas na liham ng isang kasama para sa mga Sundalo at Pulis ngayong Araw ng Kalayaan

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JUNE 12, 2019

Mga kasama sa kasundaluhan at kapulisan,

Kamusta kayo?

Ipinagbubunyi natin ngayong araw ang pagtalilis ng mga prayle at mga Espanyol at pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas. Sa halagang dalawampung milyon nagpalit-kamay ang pangingibabaw ng monarkiya ng Espanya patungo sa paghahari ng imperyalistang US. Ngunit huwag sana nating kalilimutang ang republikang ito’y naitatag mula sa pagbabalikwas ng Katipunan. Huwag nating kalilimutang sa bisperas ng tagumpay ng Rebolusyong Pilipino, ipinagkanulo at nakipagsabwatan si Heneral Emilio Aguinaldo at mga kasapakat na ilustrado sa imperyalistang US at inagaw ang pamumuno ng Katipunan sa kamay ni Andres Bonifacio at anakpawis na kasapian nito.

Isinuko ng mga ilustrado ang ganap na kalayaan ng bansa at pinawalan ng saysay ang mahabang panahon ng pagbabalikwas ng mamamayang Pilipino. Anong kalayaan kung gayon ang ating ipinagdiriwang? Dito sa ating sariling bayan, tayo ang itinuturing na alipin ng mga dayuhan. Tayo ang nakaluhod sa paghahari ng mga panginoong maylupa sa kanayunan. At hindi makapanaig ang makabayang interes sa pangingibabaw ng mga burukrata kapitalista.

Marapat kayong maging mapanuri.

Bakit, sa kabila ng lahat ng kampanyang pandarahas at paninira ng inyong mga upisyal ay nananatiling matatag ang nakikibakang sambayanan?

Hindi kailanman nagmaliw ang hangarin ng sambayanan para sa tunay at ganap na kalayaan. Ipinagpapatuloy ang rebolusyon dahil hinahangad nito ang tunay na kalayaan para sa lahat ng mamamayan at ating salinlahi. Nananatili ang rebolusyon dahil patuloy na namumulat ang sambayanan na ang kanilang paglaya ay nakasalalay sa paglaya ng iba.

Kung iilan na lang ang pulang mandirigma, bakit walang iskwad ng inyong pormasyon ang nangangahas na pumasok sa sonang gerilya?

Maging kayo’y hindi naniniwala sa paghina ng Bagong Hukbong Bayan. Walang katiyakan ang inyong tagumpay sa kabila ng mga modernong armas at kasanayan. Hawak ng Bagong Hukbong Bayan ang pampulitikang kamulatan at kapasyahang ipagtanggol ang mamamayan. Dahil dito’y mananatiling hungkag ang inyong lakas armas at tauhan. Nangangatog ang inyong tuhod at sumisikdo ang inyong dibdib sa tuwing papasok sa sonang gerilya dahil batid ninyong hawak ng BHB ang pamilyaridad sa tereyn at pagiging malikhain sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Hindi sasapat ang isang isang iskwad para lupigin ang sinasabi ninyong napakahina nang BHB.

Kung mahina na ang suporta ng mamamayan sa kilusan, bakit kailangang sapilitan ang mga pintuang palagiang bukas sa mga itinuturing ng masang bahagi ng kanilang pamayanan?

Hinuhulma ang inyong kahusayan sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga batayang kaugalian ng isang mahusay at sibilisadong tao. Hinubog ang inyong hukbo ng kultura na karahasan sa inyong mga pagsasanay at pagsasagawa ng mga operasyong militar. Iginawad ang pinakamataas na parangal at promosyon sa mga pinakamahuhusay na tagapaglabag ng karapatang tao sa inyong hanay. Sa ganitong kalagayan, hindi nakapagtatakang ituring kayong kaaway ng magniniyog na naghangad ng mataas na presyo ng kopra, ng manggagawang nagnais ng nakabubuhay na sahod, ng estudyanteng nangarap ng de-kalidad na edukasyon at trabaho, ng mamamayang nakikibaka para tamasahin ang isang malaya at magandang bukas.

Kung talagang nagsisilbi ang inyong hukbo para sa mamamayang Pilipino? Bakit dayuhang korporasyon ang inyong ipinagtatanggol at inaalalayan? Bakit kapwa Pilipino ang inyong ginegera at hindi ang mga nanakop ng ating teritoryo sa West Philippine Sea?

Itinatag ang inyong hukbo at ahensya para itaguyod ang soberanya ng mamamayang Pilipino. Ngunit nagsisilbi kayong mersenaryo’t tagapatanggol ng iilang naghaharing-uri at imperyalistang US. Sa tuwina’y wala sa likod ninyo ang masa. Ang katunggali niyo’y ang mamamayang inyong ipinangako na pagsisilbihan.

Hindi ba’t sa mga rali ang nasa likod ninyo’y mga kurakot at ganid na upisyal? Hindi ba’t sa mga operasyong militar ang nasa likod ninyo’y mga dayuhang korporasyon at mga panginoong maylupang nangangamkam ng lupa?

Kasuklam-suklam na sinasamantala ng US at ni Duterte ang dinaranas nating kahirapan upang patuloy tayong pagharapin sa isang gerang tayo ang dapat magkapanig. Sa sistemang kanyang itinataguyod ang kalayaan ay para lamang sa mga bulag, pipi at bingi sa kahilingan ng mamamayan. At ang payapang kanyang ihinahain ay ang katahimikan ng daang libong puntod sa kaparangan at kabundukan.

Ibinaon ng kasaysayan ang mahabang listahan ng mga taksil sa bayan. Ngunit nananatili sa alaala ang mga bayaning pumanig sa mamamayan. Sina Korporal Elias Angeles at Felix Plazo, mga Katipunero, mga gwardya-sibil na namulat sa pang-aapi at pagsasamantala, piniling lumahok sa armadong rebelyon sa Nueva Caceres, Camarines Sur noong Setyembre 18, 1898. Si General Simeon Ola, Katipunero, bayani rin ng inyong hukbo ay ang huling heneral na sumuko sa paglaban sa pwersang Amerikano.

Kasaysayan na ang nagpapasya. Nanatili ang pangalan ng mga pasistang Heneral at upisyal habang sila’y nasa poder. Ngunit ang kabayanihan ay hindi masusukat ng mga medalya at sertipiko. Masusukat ito sa patuloy na pananalaytay ng kanilang alaala sa mga kwento ng masang ipinapasa sa kanilang salinlahi.

Sinong heneral pa ba ang natatandaan ng masa sa 9th ID? Di ba’t ang nakaukit sa kanila ay ang buong kasaysayan ng kalupitan at karahasan ng buong dibisyon?

Tulad niyo’y inaasam kong matupad ang mga pangarap ko para sa aking pamilya. Ngunit napagpasyahan kong ialay ang aking buhay para tuparin hindi lang ang sarili kong mga pangarap, kundi maging ang pangarap ng milyun-milyon pang iba. Kasama kayo at inyong salinlahi sa mga pangarap na ito.

Hindi tayo ang magkalaban. Silang mga isinuko ang dignidad para sa interes ng mga dayuhan at tumalikod kanilang lahi at bayan ang tunay na kaaway. Tayong anakpawis ay iisa ang tinatanaw na malaya at masaganang bukas para sa ating salinlahi. Magkakampi tayo at magkakaisa laban sa tunay na nagkakait sa atin ng kalayaan, ang imperyalistang US at kasalukuyang naghaharing pangkatin.

Buong puso kayong yayakapin ng BHB sa panahong mapagpasyahan niyong makiisa sa panig ng mga tunay na magwawagi, ang panig ng sambayanang Pilipinong lumalaban. #

https://www.philippinerevolution.info/statement/bukas-na-liham-ng-isang-kasama-para-sa-mga-sundalo-at-pulis-ngayong-araw-ng-kalayaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.