Balot umano sa takot ang mga residente sa bayan ng Magpet sa North Cotabato province dahil sa sunod-sunod na sagupaan ng mga sundalo at rebeldeng komunista.
Nangangamba ang mga taga-Barangay Balite at Mahongkog na baka sila ang maipit sa sagupaan o kaya ay gawing hostage ng mga rebelde o mapagkamalang mga rebelde. Ito ay matapos na 3 sibilyan ang inulat na nawawala ng maipit sa labanan ng dalawang grupo.
Sinabi ni Barangay Balite Chairman Edgar Hantoc na takot na takot ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang sakahan dahil sa mga sundalo at baka muling makasagupa doon at sila ay madamay. May mga impormasyon na nagagawi umano sa mga barangay ang grupo ng mga New People’s Army dahil sa presensya ng mga sundalo doon.
Hinihingian na rin ng mga identification cards ng militar ang mga residente sa nasabing mga barangay upang makasigurong hindi kalaban ang mga ito.
Kinumpirma naman ito ni Lt. Col. Rey Alvarado, commander ng 72nd Infantry Battalion. Ayon kay Alvarado, nagpapatrulya ang mga tropa sa naturang bayan dahil sa mga ulat na may mga rebelde sa mga barangay. Seguridad umano ng mga sibilyan ang pino-protektahan ng mga sundalo.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.