Saturday, April 13, 2019

CPP/NPA-Mountain Province: Ideklarang Persona non grata ang AFP, PNP at DENR

NPA-Mountain Province propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 11, 2019): Ideklarang Persona non grata ang AFP, PNP at DENR

MAGNO UDYAW
NPA-MOUNTAIN PROVINCE
(LEONARDO PACSI COMMAND)
APRIL 11, 2019

Pagkatapos magtamo ng mga kaswalti sa serye ng taktikal na opensiba na inilunsad ng NPA laban sa kanila sa Bauko at Tadian, Mt. Province noong Marso 29, Marso 31 at Abril 2, lantad na lantad ang AFP at PNP sa midya at publiko na nagpapalaganap ng saywar upang linlangin at sindakin ang mamamayan.

Ang tuloy-tuloy at teribleng kasinungalingan at kampanyang paninira ng AFP at PNP sa NPA ay nagkalat sa mga lokal at nasyunal na pahayagan, sa radyo, telebisyon at internet. Ito ay mga desperadong hakbang upang pagtakpan ang kanilang kahihiyan at upang hatakin ang simpatiya ng mamamayan sa kanilang pagkatalo at upang patahimikin ang kanilang rebolusyonaryong paglaban sa pambansang pang-aapi at para sa kanilang sariling pagpapasya at demokrasya.

Ipinagmamalaki ng PNP Provincial Director ng Mt. Province na napakilos nila ang mga LGU at mamamayan ng Tadian at Bauko noong Abril 9 at 10 sa mga “peace rally” na kumokondena sa dimumao’y mga karahasan ng NPA at nagdedeklara sa mga ito bilang persona non grata o mga nanghihimasok. Sino kaya ang tunay na nanghihimasok?

Kung sino ang nararapat na ideklarang persona non grata ay ang AFP, PNP at DENR. Sila ang naghihimasok sa mga ansestral na teritoryo ng pambansang minorya, upang isilbi ito sa mga sakim na kapitalistang minahan, kumpanya sa enerhiya at malalaking logger. Ang AFP ang nanghihimasok at nagkakampo sa mga komunidad at naghahasik ng teror at panlilinlang sa taumbayan. Ang paratang nilang “na-trauma ang mga komunidad” ng Mt. Province pagkatapos ng mga taktikal na opensiba ng NPA ay nagmumula sa di-mabatang brutalidad ng AFP at PNP. Puersado nilang pinapasurender bilang rebelde ang mga sibilyan, hinahadlangan ang malayang pagkilos nila sa araw-araw, humahabi ng mga gawa-gawang kaso ng mga inosenteng sibilyan, hinahadlangan ang ng kanilang suplay na pagkain, binobomba ang komunidad at maliliit na minahan, kinukumpiska ang kanilang mga chainsaw at tabla at armas sa pangangaso. Pagkatapos ng mga sagupaan, nangharas ang Phil Army at PNP ng ilang masa sa Tadian at Bauko at inakusahan silang mga NPA.

Sa likod ng mga kasinungalingang ito, matagumpay na naipatupad ng NPA ang sunod-sunod na pamamarusa sa mga pasistang tropa dahil sa malaking suporta ng mamamayang ng Mt. Province. Noong Marso 29, Marso 31 at Abril 2, epektibong nabigo ng NPA ang pinagkumbinang operasyong kombat ng Phil Army at PNP upang puersahin ang mga mamamayan ng Mt. Province na itigil ang kanilang maliitang pangangahoy at pagmimina. Linoloko lamang nila ang publiko sa pagmamayabang na idineklara ng mamamayan ang NPA bilang “persona non grata”, gayong tanging ang NPA ang kanilang nasasandigan sa kanilang paglaban sa mga mapang-aping patakaran ng reaksyunaryong gobyerno na nagkakait at nang-aagaw sa kanilang ansestral na lupain at nangyuyurak sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Sa pagpapalaganap sa midya ng mga malisyosong intriga gaya ng pagdudumi ng NPA sa rekursong tubig ng Tadian at Bauko, at panununog ng kagubatan, ipinapasa lamang ng pasistang pulisya at militar ang kanilang dumi sa Hukbong Bayan. Sa kanilang mga operasyon sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera, ang Phil Army ang dumudumi sa katubigan, nagkakalat ng kanilang basura, nambobomba at nanununog ng kagubatan. Istriktong sumusunod at nagpapatupad ang NPA ng mga patakaran at etikang medikal, disiplina sa kalusugan at sanitasyon gayundin ng pangangalaga sa kapaligiran at itinuturo ang mga ito sa masa. Ang pahayag sa midya ni PRO-Cor Director Israel Dickson na ikinalat ng NPA ang kanilang basurang medikal ay nagpapalabo lamang sa katotohanan na sila ang namatayan at nasugatan.

Sa pagsisiwalat ng maling impormasyon na lumabag sa Rules of War at International Humanitarian Law ang NPA sa paggamit ng mga Improvised Explosive Devices, idinadamay lamang ng PRO-Cor, Phil Army at Regional Peace and Order Council (RPOC) sa Cordillera ang mamamayan sa kanilang ignoransya, gayong ang mga Command-Detonated Explosive Devices na ginagamit ng NPA sa mga digmaan ay hindi ipinagbabawal ng mga internasyunal na patakaran sa digmaan at internasyunal na makataong batas. Sa pagpapakalat ng mga kasinungalingang nakarekober sila ng ng mga eksplosibo, mga selpon ng NPA at pagpapalabas ng mga bidyo at mga larawan ng mga Pulang mandirigma, nananakot at nanlilinlang lamang ang mga pasistang tropa sa taumbayan.

Sa nalalapit na eleksyon ng Mayo 2019, naglulubid ang AFP ng mga “kahindik-hindik na istorya” at kakatwang kasinungalingan upang bigyang-katwiran ang kanilang mga operasyong kombat at presensya sa mga lugar kung saan ang mga naghaharing partidong pulitikal ay nagpapatatag ng kanilang posisyon sa reaksyunaryong gobyerno. Umaayon ito sa layunin ng rehimeng US-Duterte na kontrolin ang eleksyon at isiguradong mananaig ang kanyang mga kandidato at partido upang magpatuloy pa rin ang kanyang mga neoliberal na patakaran at diktadura. Ang paratang ng militar at pulisya na nagingikil ang NPA sa mga pulitiko ay rason na lamang nila upang maisagawa ang kanilang red-tagging o komunistang pamamaratang at kampanyang paninira sa mga progresibo at makamasang kandidato at partylist. Hahadlangan ng AFP at PNP ang demokratikong kilusan ng mamamayan na ipaglaban ang kanilang pambansa demokratikong adyenda ngayong eleksyon ng Mayo 2019 at layon nilang hindi paupuin ang mga progresibo at makabayang kandidato at partylist sa Kongreso at Senado.

Sa pamamagitan ng National Task Force (NTF) To End Insurgency, mahigpit na pinagkakaisa ng AFP at PNP ng Cordillera ang RPOC, ang mga lokal na gobyerno at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng ambisyosong kampanya ng Rehimeng US-Duterte na pawiin ang CPP-NPA at ang rebolusyonaryong kilusan, kabilang ang ligal na demokratikong kilusan ng mamamayan. Pinupuntirya ng NTF ang mga namumuno sa mga ligal na demokratikong organisasyon ng mamamayan at binabansagan ang mga itong komunistang prente upang gawing target ang mga ito ng teroristang atake.

Nananaginip ang Rehimeng US-Duterte at ang kanyang mga tutang AFP at PNP sa Cordillera, kung iniisip nilang ang ganitong mga maruruming taktika at maniobra nila ay makakahadlang sa pakikibaka ng mamamayan. Kabaliktaran nito, lalo lamang nagagatungan ang galit ng mamamayan at naitutulak sila sa armadong rebolusyon.

Naglalagablab ang kasaysayan ng mamamayang Igorot sa rebolusyonaryong paglaban sa pambansang pang-aapi, at lahat ng mga pagsisikap ng reaksyonaryong armadong puersa na apulahin ito sa pamamagitan ng lantad na pasismo at panlilinlang ay tiyak na mabibigo.#



https://www.philippinerevolution.info/statement/declare-the-afp-pnp-and-denr-persona-non-grata/ideklarang-persona-non-grata-ang-afp-pnp-at-denr/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.